Exodo 26
Ang Biblia (1978)
Mga tabing ng tabernakulo.
26 Bukod dito'y (A)gagawin mo ang tabernakulo na may sangpung tabing; na (B)linong pinili, at bughaw, at kulay-ube, at pula, na may mga querubin na gawa ng bihasang manggagawa, iyong gagawin.
2 Ang magiging haba ng bawa't tabing ay dalawang pu't walong siko, at ang luwang ng bawa't tabing ay apat na siko: lahat ng tabing ay magkakaroon ng isang kasukatan.
3 Limang tabing ay papagsusugpunging isa't isa; at ang ibang limang tabing ay papagsusugpunging isa't isa.
4 At gagawa ka ng mga presilyang bughaw sa gilid ng isang tabing sa hangganan ng pagkakasugpong, at gayon din gagawin mo sa gilid ng ikalawang tabing na nasa ikalawang pagkakasugpong.
5 Limang pung presilya ang iyong gagawin sa isang tabing, at limang pung presilya ang iyong gagawin sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pagkakasugpong; ang mga presilya ay magkakatapat na isa't isa.
6 At limang pung pangawit na ginto ang iyong gagawin at pagsusugpungin mo ang mga tabing sa pamamagitan ng mga kawit; at magiging isa lamang.
7 (C)At gagawa ka ng mga tabing na balahibo ng kambing na pinaka tolda sa ibabaw ng tabernakulo: labing isang tabing ang iyong gagawin.
8 Ang magiging haba ng bawa't tabing ay tatlong pung siko, at ang luwang ng bawa't tabing ay apat na siko: ang labing isang tabing ay magkakaroon ng isang sukat.
9 At iyong papagsusugpungin ang limang tabing, at gayon din ang anim na tabing, at iyong ititiklop ang ikaanim na tabing sa harapan ng tabernakulo.
10 At limang pung presilya ang iyong gagawin sa tagiliran ng isang tabing na nasa hangganan ng pagkakasugpong, at limang pung presilya sa tagiliran ng ikalawang pagkakasugpong.
11 At gagawa ka ng limang pung pangawit na tanso, at ikakabit mo ang mga pangawit sa mga presilya at pagsusugpungin mo ang tolda upang maging isa.
12 At ang dakong nakalawit na nalalabi sa mga tabing ng tolda, na siyang kalahati ng tabing na nalalabi ay ilalaylay sa likuran ng tabernakulo.
13 At ang siko ng isang dako at ang siko ng kabilang dako niyaong nalalabi sa haba ng mga tabing ng tolda, ay ilalaylay sa mga tagiliran ng tabernakulo, sa dakong ito at sa dakong yaon, upang takpan.
14 (D)At gagawa ka ng isang pangtakip sa tolda na (E)balat ng lalaking tupa na tininang pula, at isang pangtakip na balat ng poka, sa ibabaw.
Tabla at barakilan ng tabernakulo.
15 At igagawa mo ng mga tabla ang tabernakulo, na kahoy na akasia na mga patayo.
16 Sangpung siko ang magiging haba ng isang tabla, at isang siko at kalahati ang luwang ng bawa't tabla.
17 Dalawang mitsa magkakaroon ang bawa't tabla na nagkakasugpong na isa't isa: ang gagawin mo sa lahat ng tabla ng tabernakulo.
18 At igagawa mo ng mga tabla ang tabernakulo: dalawang pung tabla sa tagilirang timugan sa dakong timugan.
19 At gagawa ka ng apat na pung tungtungang pilak upang ilagay sa ilalim ng dalawang pung tabla, dalawang tungtungan sa bawa't tabla na ukol sa kaniyang dalawang mitsa, at dalawang tungtungan sa ilalim ng ibang tabla na ukol sa kaniyang dalawang mitsa:
20 At sa ikalawang tagiliran ng tabernakulo, sa dakong hilagaan, ay dalawang pung tabla:
21 At ang kanilang apat na pung tungtungang pilak; dalawang tungtungan sa ilalim ng isang tabla, at dalawang tungtungan sa ilalim ng kabilang tabla.
22 At sa dakong hulihan ng tabernakulo, sa dakong kalunuran ay igagawa mo ng anim na tabla.
23 At igagawa mo ng dalawang tabla ang mga sulok ng tabernakulo sa dakong hulihan.
24 At pagpapatungin sa dakong ibaba, at gayon din na maugnay sa itaas niyaon sa isang argolya; gayon ang gagawin sa dalawa; para sa dalawang sulok.
25 At magkakaroon ng walong tabla, at ang kanilang mga tungtungang pilak ay labing anim na tungtungan: dalawang tungtungan sa ilalim ng isang tabla, at dalawang tungtungan sa ilalim ng kabilang tabla.
26 At gagawa ka ng mga barakilan, na kahoy na akasia; lima sa mga tabla ng isang tagiliran ng tabernakulo;
27 At limang barakilan sa mga tabla ng kabilang tagiliran ng tabernakulo, at limang barakilan sa mga tabla ng tagiliran ng tabernakulo sa dakong hulihan, na dakong kalunuran.
28 At ang gitnang barakilan ay daraan sa kalagitnaan ng mga tabla mula sa isang dulo hanggang sa kabila.
29 At iyong babalutin ng ginto ang mga tabla, at gigintuin mo ang kanilang mga argolya (F)na pagdaraanan ng mga barakilan: at iyong babalutin ng ginto ang mga barakilan.
30 At iyong itatayo ang tabernakulo (G)ayon sa anyo niyaon, na ipinakita sa iyo sa bundok.
31 At gagawa ka ng isang (H)lambong na bughaw at kulay-ube, at pula at linong pinili: na may mga querubing mainam ang pagkayari:
32 At iyong isasampay sa apat na haliging akasia na balot ng ginto, na pati ng kanilang mga pangipit ay ginto rin: na nakapatong sa ibabaw ng apat na tungtungang pilak.
33 At iyong ibibitin ang lambong sa ilalim ng mga pangalawit, at iyong ipapasok doon sa loob ng lambong (I)ang kaban ng patotoo: at paghihiwalayin sa inyo ng lambong ang dakong banal at ang kabanalbanalang dako.
34 At iyong ilalagay ang (J)luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban ng patotoo sa kabanalbanalang dako.
35 (K)At iyong ilalagay ang dulang sa labas ng lambong, at (L)ang kandelero ay sa tapat ng dulang sa tagiliran ng tabernakulo na dakong timugan: at ang dulang ay ilalagay mo sa dakong hilagaan.
36 At (M)igagawa mo ng isang tabing ang pintuan ng tolda na kayong bughaw at kulay-ube, at pula, at linong pinili, na (N)yari ng mangbuburda.
37 At igagawa mo ang tabing ng limang haliging akasia at babalutin mo ng ginto; na ang sima ng mga yaon ay ginto rin: at ipagbububo mo ng limang tungtungan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978