Exodo 24
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Pinagtibay ang Kasunduan
24 Pagkatapos, sinabi naman ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito sa bundok. Isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpu sa mga pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin. 2 Ikaw lamang ang makakalapit sa akin. Sabihin mo naman sa mga taong-bayan na huwag aakyat sa bundok.”
3 Lahat ng iniutos ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama'y sabay-sabay na sumagot, “Lahat ng iniuutos ni Yahweh ay susundin namin.” 4 Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ni Yahweh. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. 5 Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamitin bilang handog sa pakikipagkasundo kay Yahweh. 6 Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati'y ibinuhos niya sa altar. 7 Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang sumagot ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh.”
8 Pagkatapos,(A) kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”
9 Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel. 10 Doo'y nakita nila ang Diyos ng Israel. Ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit. 11 Ngunit walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos. At sila'y kumain doon at uminom.
Si Moises sa Bundok ng Sinai
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao.” 13 Umakyat nga si Moises, kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago siya lumakad, sinabi niya sa mga pinuno ng Israel, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo.”
15 Umakyat si Moises sa bundok at ito'y natakpan ng ulap. 16 Ang Bundok ng Sinai ay nalukuban ng kaluwalhatian ni Yahweh; anim na araw itong nabalot ng ulap. Nang ikapitong araw, si Moises ay tinawag ni Yahweh mula sa gitna ng ulap. 17 Nakita rin ng mga Israelita ang kaluwalhatian ni Yahweh na parang nagniningas na apoy sa taluktok ng bundok. 18 At(B) unti-unti siyang natakpan ng ulap habang umaakyat; nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw at gabi.
Exodo 24
Ang Biblia (1978)
Ang sumpa ng Panginoon sa Israel.
24 At kaniyang sinabi kay Moises, Sumampa ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at si Aaron, (A)si Nadab, at si Abiu, (B)at pitong pu ng mga matanda sa Israel; at sumamba kayo mula sa malayo:
2 At si Moises (C)lamang ang lalapit sa Panginoon; datapuwa't sila'y hindi lalapit; o ang bayan man ay sasampang kasama niya.
3 At lumapit si Moises at isinaysay sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at ang lahat ng mga palatuntunan. At ang buong bayan ay sumagot ng paminsan, at nagsabi, (D)Lahat ng mga salita na sinalita ng Panginoon, ay aming gagawin.
4 At (E)sinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon ng maaga sa kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, (F)at ng labing dalawang batong pinakaalaala, ayon sa labing dalawang lipi ng Israel.
5 At kaniyang sinugo ang mga binata ng mga anak ni Israel, na nagsipaghandog ng mga handog na susunugin at nagsipaghain sa Panginoon ng handog na baka (G)tungkol sa kapayapaan.
6 At (H)kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo, at inilagay sa mga tasa; at ang kalahati ng dugo ay iniwisik sa ibabaw ng dambana.
7 At kaniyang kinuha ang aklat ng tipan, at binasa sa pakinig ng bayan: at kanilang sinabi, Lahat ng sinalita ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magmamasunurin.
8 At kinuha ni Moises ang dugo at iniwisik sa bayan, at sinabi, (I)Narito ang dugo ng tipan, na ipinakipagtipan ng Panginoon sa inyo tungkol sa lahat ng mga salitang ito.
9 Nang magkagayo'y sumampa si Moises, at si Aaron, si Nadab, at si Abiu, at pitongpu ng mga matanda sa Israel:
10 At kanilang (J)nakita ang Dios ng Israel; at mayroon sa ilalim ng kaniyang mga paa na parang isang yaring lapag na batong (K)zafiro, at paris din ng langit sa kaliwanagan.
11 At sa mga mahal na tao sa mga anak ni Israel ay (L)hindi niya ipinatong ang kaniyang kamay: at sila'y tumingin sa Dios, (M)at kumain at uminom.
Si Moises ay muling napasa bundok.
12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sampahin mo ako sa bundok, at dumoon ka: at ikaw ay bibigyan ko ng mga (N)tapyas na bato, at ng kautusan, at ng utos na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila.
13 At tumindig si Moises, at si Josue na (O)kaniyang tagapangasiwa: at si Moises ay sumampa sa bundok ng Dios.
14 At kaniyang sinabi sa mga matanda, Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo: at, narito si Aaron at si (P)Hur ay kasama ninyo: sinomang magkaroon ng usap ay lumapit sa kanila.
15 At sumampa si Moises sa bundok (Q)at tinakpan ng ulap ang bundok.
16 (R)At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanahan sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ng ulap na anim na araw: at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap.
17 At ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay (S)paris ng apoy na manunupok sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa harap ng mga mata ng mga anak ni Israel.
18 At pumasok si Moises sa gitna ng ulap, at sumampa sa bundok: at (T)si Moises ay natira sa bundok na apat na pung araw at apat na pung gabi.
Exodo 24
Ang Biblia, 2001
Ang Dugo ng Tipan
24 Kanyang sinabi kay Moises, “Umakyat ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at sina Aaron, Nadab at Abihu, at pitumpu sa matatanda sa Israel, at sumamba kayo mula sa malayo.
2 Si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; subalit ang iba ay huwag lalapit, at ang bayan ay huwag aakyat na kasama niya.”
3 Dumating si Moises at sinabi sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon at ang lahat ng mga tuntunin; at ang buong bayan ay sumagot na may isang tinig, at nagsabi, “Lahat ng mga salita na sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.”
4 Isinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon siya ng maaga kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labindalawang haligi, ayon sa labindalawang lipi ng Israel.
5 Kanyang sinugo ang mga kabataang lalaki mula sa mga anak ni Israel, na nag-alay ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga baka bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.
6 Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay sa mga palanggana, at ang kalahati ng dugo ay iwinisik sa ibabaw ng dambana.
7 Kanyang kinuha ang aklat ng tipan, binasa sa pandinig ng bayan, at kanilang sinabi, “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin.”
8 At(A) kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik sa bayan, at sinabi, “Tingnan ninyo ang dugo ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo ayon sa lahat ng mga salitang ito.”
9 Nang magkagayo'y umakyat sina Moises, Aaron, Nadab, at Abihu, at ang pitumpung matatanda sa Israel,
10 at kanilang nakita ang Diyos ng Israel. Sa ilalim ng kanyang mga paa ay mayroong parang isang tuntungan na yari sa mga batong zafiro, at tulad ng langit sa kaliwanagan.
11 Hindi ipinatong ng Diyos[a] ang kanyang kamay sa mga pinuno ng mga anak ni Israel; nakita rin nila ang Diyos, at sila'y kumain at uminom.
Muling Umakyat si Moises sa Bundok
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin sa bundok, at maghintay ka roon at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng bato at ang batas at ang kautusan na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila.”
13 Kaya't tumindig si Moises, at si Josue na kanyang lingkod; at si Moises ay umakyat sa bundok ng Diyos.
14 Kanyang sinabi sa matatanda, “Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo, at sina Aaron at Hur ay kasama ninyo; sinumang magkaroon ng usapin ay lumapit sa kanila.”
15 Umakyat nga si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok.
16 Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanatili sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ito ng ulap ng anim na araw; at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap.
17 Noon, ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay tulad ng apoy na nagliliyab sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa paningin ng mga anak ni Israel.
18 Pumasok(B) si Moises sa ulap, at umakyat sa bundok. Si Moises ay nasa bundok sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.
Footnotes
- Exodo 24:11 Sa Hebreo ay niya .
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
