Exodo 16
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Manna at mga Pugo
16 Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at ikalabing limang araw ng ikalawang buwan mula ng sila'y lumabas sa Egipto nang sila'y dumating sa ilang ng Sin, sa pagitan ng Elim at Sinai. 2 Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”
4 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. 5 Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”
6 Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. 7 At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” 8 Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”
9 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.” 10 Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap kay Yahweh, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaluwalhatian ni Yahweh. 11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo'y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.”
13 Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. 14 Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. 15 Hindi(B) nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?”
Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh. 16 At ito ang utos niya tungkol diyan: Bawat isa ay kukuha ng kailangan niya at ng mga kasama niya sa tolda, kalahating salop bawat isang tao.”
17 Namulot nga ang mga Israelita—may kumuha ng marami at may kumuha ng kaunti. 18 Ngunit(C) nang takalin nila ang kanilang nakuha, ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang. Sapat lang sa kanila ang kanilang nakuha. 19 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan.” 20 Ngunit ang ilan sa kanila'y hindi nakinig kay Moises. Kinabukasan, inuod at bumaho ang itinira nila. Kaya nagalit sa kanila si Moises. 21 Mula noon, tuwing umaga'y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito'y natutunaw.
22 Nang ikaanim na araw, doble ang kanilang pinulot, isang salop para sa isang tao. Nagpunta kay Moises ang mga pinuno ng bayan at sinabi ang nangyari. 23 Ipinaliwanag(D) naman ni Moises sa kanila, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Bukas ay Araw ng Pamamahinga, araw na nakatalaga kay Yahweh. Lutuin na ninyo ngayon ang gusto ninyong lutuin. Ang hindi mauubos ay itira ninyo para bukas.’” 24 Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises, nagtira sila para sa kinabukasan, at iyo'y hindi nasira at hindi inuod. 25 At sinabi ni Moises, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon. 26 Anim na araw kayong mamumulot niyan; ngunit sa ikapito, sa Araw ng Pamamahinga, ay wala kayong makukuha.”
27 Ngunit nang ikapitong araw ay mayroon pa ring mga lumabas sa bukid para mamulot ngunit wala silang nakuha. 28 Kaya sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan pa kayo susuway sa aking mga utos? 29 Tandaan ninyo na akong si Yahweh ang nagtakda sa inyo ng Araw ng Pamamahinga. Kaya, tuwing ikaanim na araw ay binibigyan ko kayo ng pagkain para sa dalawang araw. Sa ikapitong araw ay wala nang lalabas.” 30 At mula noon, nagpapahinga na lamang sila tuwing ikapitong araw.
31 Manna[a] (E) ang itinawag ng mga Israelita sa pagkaing pinupulot nila. Ito'y parang buto ng kulantro, maputi at lasang galyetas na minasa sa pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto.’” 33 Sinabi(F) naman ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo ng kalahating salop na manna. Pagkatapos, ialay mo sa harapan ni Yahweh upang itago para sa ating magiging mga anak at mga apo.” 34 Gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises, inilagay ni Aaron sa loob ng Kaban ng Tipan ang palayok ng manna. 35 Manna(G) ang kinain ng mga Israelita sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa dumating sila sa Canaan. (36 Ang isang salop ay katumbas ng higit sa apat na litro.)
Footnotes
- 31 MANNA: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “manna” at “ano ito?” ay magkasintunog.
Exodo 16
Ang Biblia, 2001
Ang Israel sa Elim at sa Ilang ng Sin
16 Sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapulungan ng bayan ng Israel ay dumating sa ilang ng Sin na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y umalis sa lupain ng Ehipto.
2 Nagreklamo ang buong kapulungan ng bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron sa ilang.
3 Sinabi ng mga anak ni Israel sa kanila, “Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Ehipto, nang kami ay maupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagkat kami ay inyong dinala sa ilang na ito upang patayin sa gutom ang buong kapulungang ito.”
4 Nang(A) magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kayo'y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi.
5 Sa ikaanim na araw, kapag sila'y maghahanda ng kanilang dala, iyon ay doble ang dami ng kanilang pinupulot sa araw-araw.”
6 At sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, “Pagsapit ng gabi, inyong malalaman na ang Panginoon ang siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto,
7 at sa kinaumagahan ay inyong makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, sapagkat kanyang naririnig ang inyong mga pagrereklamo laban sa Panginoon. Sapagkat ano kami, na nagrereklamo kayo sa amin?”
8 Sinabi ni Moises, “Kapag binigyan kayo ng Panginoon sa pagsapit ng gabi ng karneng makakain, at sa kinaumagahan ay ng pagkaing makakabusog, sapagkat naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagrereklamo na inyong sinasabi laban sa kanya, at ano kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.”
9 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ng Panginoon, sapagkat kanyang narinig ang inyong mga reklamo.’”
10 Pagkatapos magsalita si Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila'y tumingin sa dakong ilang, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.
11 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
12 “Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel; sabihin mo sa kanila, ‘Pagsapit ng gabi ay kakain kayo ng karne, at kinaumagahan ay magpapakabusog sa tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Diyos.’”
Ang Pugo at Manna ay Ipinagkaloob
13 Nang sumapit na ang gabi, ang mga pugo ay umahon at tinakpan ang kampo at sa kinaumagahan ay nakalatag sa palibot ng kampo ang hamog.
14 Nang pumaitaas na ang hamog, may nakalatag sa ibabaw ng ilang na munting bagay na bilog at kasinliit ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.
15 Nang(B) makita ito ng mga anak ni Israel ay sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Sapagkat hindi nila alam kung ano iyon. At sinabi ni Moises sa kanila, “Ito ang tinapay na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kainin.
16 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Pumulot ang bawat tao ayon sa kanyang kailangan, isang omer para sa bawat tao ayon sa bilang ng mga tao, na mayroon ang bawat isa sa kanilang mga tolda.’”
17 Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, may namulot nang marami at may kaunti.
18 Subalit(C) nang sukatin nila ito sa omer, ang namulot ng marami ay walang lumabis, at ang namulot ng kaunti ay hindi kinulang; bawat tao ay pumulot ng ayon sa kanyang kailangan.
19 Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinuman ay huwag magtira niyon hanggang sa umaga.”
20 Gayunma'y hindi sila nakinig kay Moises; kundi ang iba sa kanila ay nagtira niyon hanggang sa umaga. Inuod at bumaho iyon, at nagalit sa kanila si Moises.
Ang Pamumulot ng Manna
21 Sila'y namumulot tuwing umaga, bawat tao ayon sa kanyang kailangan, ngunit kapag ang araw ay umiinit na, ito ay natutunaw.
22 Nang ikaanim na araw, pumulot sila ng pagkain na doble ang dami, dalawang omer sa bawat isa, at lahat ng pinuno ng kapulungan ay naparoon at sinabi kay Moises.
23 Kanyang(D) sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon, ‘Bukas ay taimtim na pagpapahinga, banal na Sabbath sa Panginoon. Lutuin ninyo ang inyong lulutuin, at pakuluan ninyo ang inyong pakukuluan; at lahat ng lalabis ay itago ninyo, inyong ititira hanggang sa kinabukasan.’”
24 At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos sa kanila ni Moises; at hindi ito bumaho, at hindi nagkaroon ng uod.
25 Sinabi ni Moises, “Kainin ninyo ito ngayon; sapagkat ngayo'y Sabbath para sa Panginoon, ngayo'y hindi kayo makakakita nito sa parang.
26 Anim na araw kayong mamumulot nito, ngunit sa ikapitong araw na siyang Sabbath, ay hindi magkakaroon nito.”
27 Sa ikapitong araw, lumabas ang iba sa bayan upang mamulot ngunit wala silang natagpuan.
28 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ninyo tatanggihang tuparin ang aking mga utos at ang aking mga batas?
29 Tingnan ninyo, ibinigay sa inyo ng Panginoon ang Sabbath, kaya't kanyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain na para sa dalawang araw; manatili ang bawat tao sa kanyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinuman sa kanyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.”
30 Kaya ang taong-bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.
31 Iyon(E) ay pinangalanan ng sambahayan ng Israel na manna, at iyon ay tulad ng buto ng kulantro, maputi at ang lasa niyon ay tulad ng manipis na tinapay na may pulot.
32 Sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Magtabi kayo ng isang omer ng manna na inyong itatago sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang kanilang makita ang tinapay na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto.’”
33 Sinabi(F) ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang palayok at lagyan mo ng isang omer na punô ng manna, at ilagay mo sa harap ng Panginoon upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.”
34 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng tipan[a] upang ingatan.
35 Ang(G) mga anak ni Israel ay kumain ng manna sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing matitirahan. Sila'y kumain ng manna hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.
36 Ang isang omer[b] ay ikasampung bahagi ng isang efa.
Footnotes
- Exodo 16:34 o patotoo .
- Exodo 16:36 Isang omer ay dalawang litro .