Add parallel Print Page Options

Hinabol ng mga Egipcio ang mga Israelita

14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pabalikin mo ang mga Israelita at doon mo sila pagkampuhin sa tapat ng Pi Hahirot, ng Baal-zefon, sa pagitan ng Migdol at ng dagat. Aakalain ng Faraon na kayo'y nagkakaligaw-ligaw na sa ilang sapagkat hindi ninyo malaman ang lalabasan. Pagmamatigasin ko ang Faraon at hahabulin niya kayo ngunit ipapakita ko sa kanya at sa kanyang mga tauhan ang aking kapangyarihan. Sa gayo'y malalaman ng mga Egipcio na ako si Yahweh.” Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila.

Nang makarating sa Faraon ang balita tungkol sa pag-alis ng mga Israelita, nagbago siya ng isip, pati ang kanyang mga tauhan. Sinabi nila, “Bakit natin pinayagang umalis ang mga Israelita? Wala na ngayong maglilingkod sa atin!” Ipinahanda ng Faraon ang kanyang mga karwaheng pandigma at ang kanyang mga kawal. Ang dala niya'y animnaraang pangunahing karwaheng pandigma, kasama rin ang lahat ng karwahe sa buong Egipto; bawat isa'y may sakay na punong kawal. Pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon at hinabol nito ang mga Israelita na noo'y buong pagtitiwalang naglalakbay.[a] Hinabol nga sila ng mga Egipcio, ng mga kawal ng Faraon, sakay ng kanilang karwahe. Inabot nila ang mga Israelita, sa tabing dagat, malapit sa Pi Hahirot sa tapat ng Baal-zefon.

10 Matinding takot ang naramdaman ng mga Israelita nang makita nilang dumarating ang Faraon at ang mga Egipcio. Kaya, dumaing sila kay Yahweh. 11 Sinabi nila kay Moises, “Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Egipto kaya mo kami dinala sa ilang para dito mamatay? Inilabas mo nga kami sa Egipto, ngunit tingnan mo ang nangyari! 12 Hindi ba't bago tayo umalis, sinabi na namin sa iyo na ganito nga ang aming sasapitin? Sinabi na namin sa iyo na huwag mo kaming pakialaman, at pabayaan na lamang kaming manatiling alipin ng mga Egipcio sapagkat mas gusto pa naming maging alipin kaysa mamatay dito sa ilang.”

13 Sumagot si Moises, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lang ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Yahweh. Hindi na ninyo muling makikita ang mga Egipciong iyan. 14 Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo.”

Ang Pagtawid sa Dagat na Pula

15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. 16 Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. 17 Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipapakita ko sa Faraon at sa kanyang hukbo ang aking kapangyarihan. 18 Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako si Yahweh.”

19 Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpahuli sa kanila, gayundin ang haliging ulap. 20 Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio. Madilim sa panig ng mga Egipcio, maliwanag naman sa mga Israelita. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay hindi makalapit sa mga Israelita.

21 Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ni Yahweh ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. 22 Ang(A) mga Israelita'y tumawid sa dagat na ang nilakara'y tuyong lupa, sa pagitan ng tubig na parang pader. 23 Hinabol sila ng mga Egipcio hanggang sa dagat. Ang mga ito'y mga kawal ng Faraon na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio'y ginulo ni Yahweh mula sa haliging apoy at ulap. 25 Napabaon[b] ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makahabol nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat si Yahweh na ang kalaban natin.”

26 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang mga karwahe.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at sa pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio'y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ni Yahweh ang pagdagsa ng tubig kaya't nalunod silang lahat. 28 Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe't kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira. 29 Ngunit ang mga Israelita'y nakatawid sa dagat, na tuyong lupa ang dinaanan, sa pagitan ng tubig na parang pader.

30 Nang araw na iyon ang mga Israelita'y iniligtas ni Yahweh sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa tabing dagat. 31 Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises.

Footnotes

  1. 8 buong pagtitiwalang naglalakbay: o naglalakbay sa pangangalaga ni Yahweh .
  2. 25 Napabaon: Sa ibang manuskrito'y Natanggal .
'Exodo 14 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Hinabol Sila ni Faraon

14 Pagkatapos, ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y bumalik at humimpil sa tapat ng Pihahirot, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baal-zefon; sa tapat niyon kayo hihimpil, sa tabi ng dagat.

Sapagkat sasabihin ng Faraon tungkol sa mga anak ni Israel, ‘Nagkabuhul-buhol sila sa lupain; sila'y nakukulong ng ilang.’

Aking papatigasin ang puso ng Faraon, at kanyang hahabulin sila. Ako ay pararangalan sa pamamagitan ng Faraon, at sa lahat ng kanyang hukbo. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon.” At gayon ang kanilang ginawa.

Nang masabi sa hari ng Ehipto na ang taong-bayan ay tumakas, ang puso ng Faraon at ng kanyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa taong-bayan, at kanilang sinabi, “Ano itong ating ginawa, na ating hinayaang umalis ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?”

Kaya't inihanda niya ang kanyang karwahe at isinama ang kanyang hukbo.

Siya'y nagdala ng animnaraang piling karwahe, at lahat ng iba pang mga karwahe sa Ehipto, at ng mga mamumuno sa lahat ng mga iyon.

Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Ehipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, na umalis na may lubos na katapangan.[a]

Hinabol sila ng mga Ehipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karwahe ng Faraon, ng kanyang mga mangangabayo at ng hukbo; at kanilang inabutan sila na nakahimpil sa tabi ng dagat na nasa Pihahirot, sa tapat ng Baal-zefon.

10 Nang ang Faraon ay papalapit na, tumingin sa likuran ang mga anak ni Israel, at nakitang ang mga Ehipcio ay sumusunod sa kanila. Sila'y lubhang natakot, at ang mga anak ni Israel ay tumawag sa Panginoon.

11 Kanilang sinabi kay Moises, “Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami upang mamatay sa ilang? Anong ginawa mo sa amin, at inilabas mo kami sa Ehipto?

12 Hindi ba ito ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, ‘Hayaan mo kaming mag-isa at pabayaan mo kaming makapaglingkod sa mga Ehipcio’? Sapagkat mas mabuti pa sa amin ang maglingkod sa mga Ehipcio kaysa mamatay sa ilang.”

13 Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na kanyang gagawin sa inyo ngayon; sapagkat ang mga Ehipcio na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita kailanman.

14 Ipaglalaban kayo ng Panginoon at ang dapat lamang ninyong gawin ay manahimik.”

15 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit tumatawag ka sa akin? Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy.

16 Itaas mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo, upang ang mga anak ni Israel ay makaraan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

17 Aking pagmamatigasin ang puso ng mga Ehipcio upang sundan nila kayo at ako'y magkakaroon ng karangalan kay Faraon at sa buo niyang hukbo, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.

18 Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon, kapag ako ay nakakuha na ng karangalan kay Faraon, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.”

19 Pagkatapos, ang anghel ng Diyos na nasa unahan ng hukbo ng Israel ay umalis at nagtungo sa hulihan nila; at ang haliging ulap ay umalis sa harap nila at nagtungo sa likod nila.

20 Ito ay lumagay sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng hukbo ng Israel. Mayroong ulap at kadiliman, gayunma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.

21 Pagkatapos, iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag, at ang dagat ay ginawang tuyong lupa at ang tubig ay nahawi.

22 Ang(A) mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa, ang tubig ay naging isang pader sa kanila, sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.

23 Humabol ang mga Ehipcio at pumasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ng Faraon, ang kanyang mga karwahe, at ang kanyang mga mangangabayo.

24 Sa pagbabantay sa kinaumagahan, tinunghayan ng Panginoon ang hukbo ng mga Ehipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Ehipcio.

25 Kanyang nilagyan ng bara ang gulong[b] ng kanilang mga karwahe kaya't ang mga iyon ay hirap na hirap sa pag-ikot; kaya't sinabi ng mga Ehipcio, “Takbuhan na natin ang Israel, sapagkat ipinaglalaban sila ng Panginoon laban sa mga Ehipcio.”

Ang Hukbo ng mga Ehipcio ay Nalunod

26 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa dagat upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipcio, sa kanilang mga karwahe, at sa kanilang mga mangangabayo.”

27 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at ang dagat ay bumalik sa kanyang dating lalim nang mag-uumaga na. Habang ang mga Ehipcio ay tumatakas, inihagis ng Panginoon ang mga Ehipcio sa gitna ng dagat.

28 Ang tubig ay bumalik at tinakpan ang mga karwahe, ang mga mangangabayo, ang buong hukbo ng Faraon na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila.

29 Subalit ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig ay naging isang pader sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.

30 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon mula sa kamay ng mga Ehipcio; at nakita ng Israel ang mga Ehipcio na patay sa dalampasigan.

31 Nakita ng Israel ang dakilang gawa na ginawa ng Panginoon sa mga Ehipcio, at ang taong-bayan ay natakot sa Panginoon at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa kanyang lingkod na si Moises.

Footnotes

  1. Exodo 14:8 Sa Hebreo ay taas-kamay .
  2. Exodo 14:25 Sa ibang kasulatan ay inalisan ng gulong .