Exodo 12:21-30
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Unang Paskwa
21 Tinawag nga ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila, “Pumili kayo ng isang tupa para sa inyong sari-sariling pamilya at katayin ninyo ito para sa Paskwa. 22 Kumuha kayo ng sanga ng halamang hisopo, basain ito ng dugo ng tupa at ipahid sa magkabilang poste at itaas ng inyong pintuan. At isa man sa inyo ay huwag lalabas ng bahay hanggang kinabukasan. 23 Sa(A) gabing iyon, lilibutin ni Yahweh ang buong Egipto at papatayin ang mga Egipcio. Lahat ng bahay na makita niyang may pahid na dugo sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ay hindi niya hahayaang pasukin ng Anghel ng Kamatayan. 24 Sundin ninyo ang mga tuntuning ito at palagiang ganapin, pati ng inyong mga anak. 25 Patuloy ninyong ganapin ito maging sa lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh. 26 Kapag itinanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito, 27 sabihin ninyong ito'y pag-aalaala sa Paskwa ni Yahweh nang lampasan niya ang bahay ng mga Israelita at patayin niya ang mga Egipcio.”
Nang masabi ito ni Moises, yumuko ang buong bayan at sumamba sa Diyos. 28 Pagkatapos, umuwi na sila at isinagawa ang iniutos ni Yahweh sa pamamagitan nina Moises at Aaron.
Ang Huling Salot: Namatay ang Lahat ng Panganay
29 Nang(B) hating-gabing iyon, pinatay ni Yahweh ang lahat ng panganay na lalaki sa buong Egipto, mula sa panganay ng Faraon at tagapagmana ng trono, hanggang sa anak ng bilanggong nasa piitan; namatay din ang panganay ng mga hayop. 30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon, ang kanyang mga tauhan at lahat ng Egipcio, at nagkaroon ng napakalakas na iyakan sa buong Egipto, sapagkat lahat ng bahay ay namatayan ng panganay na lalaki.
Read full chapter