Exodo 11
Ang Biblia, 2001
Ibinabala ang Huling Salot
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May isa pa akong salot na dadalhin sa Faraon at sa Ehipto. Pagkatapos nito ay papahintulutan niya kayong umalis dito. Kapag pumayag na siyang kayo'y umalis, kayo'y itataboy niyang papalayo.
2 Magsalita ka ngayon sa pandinig ng bayan at humingi ang bawat lalaki sa kanyang kapwa, at bawat babae sa kanyang kapwa ng mga alahas na pilak, at ng mga alahas na ginto.”
3 Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio. Bukod dito, ang lalaking si Moises ay naging dakila sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga lingkod ng Faraon, at sa paningin ng mga tao.
4 Sinabi ni Moises, “Ganito ang sinasabi ng Panginoon: Sa hatinggabi ay lalabas ako sa gitna ng Ehipto.
5 Lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay mamamatay, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan, at ang lahat ng mga panganay ng mga hayop.
6 Magkakaroon ng malakas na panaghoy sa buong lupain ng Ehipto, na hindi pa nagkaroon ng tulad nito at hindi na muling magkakaroon pa.
7 Subalit sa bayan ng Israel, maging tao o hayop ay walang uungol kahit aso, upang inyong malaman na naglalagay ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga Ehipcio at sa Israel.
8 Ang lahat ng mga lingkod mong ito ay dudulog at yuyukod sa akin, na sinasabi, ‘Umalis ka at ang buong bayan na sumusunod sa iyo.’ Pagkatapos niyon ay aalis ako.” At siya'y umalis sa harap ng Faraon na may matinding galit.
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hindi kayo papakinggan ng Faraon, upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Ehipto.”
10 Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ng Faraon; ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel na lumabas sa kanyang lupain.