Exodo 11
Magandang Balita Biblia
Ipinahayag ni Moises ang Pagkamatay ng mga Panganay
11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isa na lamang salot ang ipadadala ko sa Faraon at sa buong Egipto at papayagan na niya kayong umalis. Hindi lamang niya kayo papayagang umalis; ipagtatabuyan pa niya kayo. 2 Sabihin mo sa mga Israelita, babae man o lalaki, na humingi sila ng mga alahas na pilak o ginto sa kanilang mga kapitbahay.” 3 Niloob ni Yahweh na igalang ng mga Egipcio ang mga Israelita. Sa katunayan, si Moises ay dinakila sa buong Egipto, maging ng mga tauhan ng Faraon at ng buong bayan.
4 Sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pagdating ng hatinggabi, maglalakad ako sa buong Egipto, 5 at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, mula sa anak na magmamana ng trono ng Faraon, hanggang sa panganay na anak ng hamak na aliping babae na tagagiling ng trigo; pati panganay ng mga hayop ay mamamatay. 6 Walang maririnig sa buong Egipto kundi ang malakas na panaghoy na hindi pa naririnig at hindi na maririnig kailanman. 7 Ngunit ang mga Israelita, maging ang kanilang mga hayop, ay hindi man lamang tatahulan ng aso upang kilalanin mo na may pagkakaiba ang pagtingin ni Yahweh sa mga Israelita at sa mga Egipcio.’ 8 Lahat ng tauhan mo'y luluhod sa akin at magsasabi: ‘Lumayas na kayo ng mga kababayan mo.’ Pagkatapos nito'y aalis ako.” Pagkasabi nito'y galit na galit na iniwan ni Moises ang Faraon.
9 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hindi ka papakinggan ng Faraon kaya't gagawa pa ako ng mga kababalaghan sa Egipto.” 10 Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng kababalaghang ito, ngunit hindi rin pumayag ang Faraon na umalis ang mga Israelita sa lupain ng Egipto.
Exodo 11
Ang Biblia (1978)
Ang katapusang salot ay ibinabala.
11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (A)May isang salot pa akong dadalhin kay Faraon at sa Egipto; pagkatapos niyaon ay pahihintulutan niyang kayo'y umalis dito: pagpapahintulot niya sa inyong yumaon, ay tunay na kayo'y (B)samasamang palalayasin niya rito.
2 Magsalita ka ngayon sa pakinig ng bayan, at humingi ang bawa't lalake sa kaniyang kapuwa, at bawa't babae sa kaniyang kapuwa, ng mga (C)hiyas na pilak, at ng mga hiyas na ginto.
3 (D)At pinagbiyayaan ng Panginoon ang bayan, sa paningin ng mga Egipcio. Saka si Moises ay lalaking naging dakila sa lupain ng Egipto, sa paningin ng mga lingkod ni Faraon, at sa paningin ng bayan.
4 At sinabi ni Moises, Ganito ang sinasabi ng Panginoon, (E)Sa may hating gabi ay lalabas ako sa gitna ng Egipto:
5 At lahat ng mga (F)panganay sa lupain ng Egipto ay mamamatay, mula sa panganay ni Faraon, na nakaluklok sa kaniyang luklukan, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa (G)likuran ng gilingan; at ang lahat ng mga panganay sa mga hayop.
6 (H)At magkakaroon ng malakas na hiyawan sa buong lupain ng Egipto, na hindi nagkaroon ng kaparis, at hindi na magkakaroon pa ng kaparis.
7 (I)Datapuwa't sa lahat ng anak ng Israel (J)mula sa tao hanggang sa hayop, ay walang maggagalaw kahit isang aso ng kaniyang dila laban sa tao o sa hayop: upang inyong makilala kung paano ang pagkakalagay ng pagkakaiba ng Panginoon sa mga Egipcio at sa Israel.
8 (K)At bababain ako nitong lahat na iyong lingkod, at magsisiyukod sa akin, na magsasabi, Umalis ka, at ang buong bayan na sumusunod sa iyo: at pagkatapos niyaon ay aalis ako. At siya'y umalis sa harap ni Faraon na may maalab na galit.
9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hindi kayo didinggin ni (L)Faraon: upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Egipto.
10 At ginawa ni Moises at ni Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ni Faraon: at pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel ay umalis sa kaniyang lupain.
Exodo 11
Ang Biblia, 2001
Ibinabala ang Huling Salot
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May isa pa akong salot na dadalhin sa Faraon at sa Ehipto. Pagkatapos nito ay papahintulutan niya kayong umalis dito. Kapag pumayag na siyang kayo'y umalis, kayo'y itataboy niyang papalayo.
2 Magsalita ka ngayon sa pandinig ng bayan at humingi ang bawat lalaki sa kanyang kapwa, at bawat babae sa kanyang kapwa ng mga alahas na pilak, at ng mga alahas na ginto.”
3 Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio. Bukod dito, ang lalaking si Moises ay naging dakila sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga lingkod ng Faraon, at sa paningin ng mga tao.
4 Sinabi ni Moises, “Ganito ang sinasabi ng Panginoon: Sa hatinggabi ay lalabas ako sa gitna ng Ehipto.
5 Lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay mamamatay, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan, at ang lahat ng mga panganay ng mga hayop.
6 Magkakaroon ng malakas na panaghoy sa buong lupain ng Ehipto, na hindi pa nagkaroon ng tulad nito at hindi na muling magkakaroon pa.
7 Subalit sa bayan ng Israel, maging tao o hayop ay walang uungol kahit aso, upang inyong malaman na naglalagay ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga Ehipcio at sa Israel.
8 Ang lahat ng mga lingkod mong ito ay dudulog at yuyukod sa akin, na sinasabi, ‘Umalis ka at ang buong bayan na sumusunod sa iyo.’ Pagkatapos niyon ay aalis ako.” At siya'y umalis sa harap ng Faraon na may matinding galit.
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hindi kayo papakinggan ng Faraon, upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Ehipto.”
10 Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ng Faraon; ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel na lumabas sa kanyang lupain.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978