Exodo 1
Ang Dating Biblia (1905)
1 Ito nga ang mga pangalan ng mga anak ni Israel, na nagsipasok sa Egipto: (bawa't lalake at ang kani-kaniyang sangbahayan ay sumama kay Jacob.)
2 Si Ruben, si Simeon, si Levi, at si Juda;
3 Si Issachar, si Zabulon at si Benjamin;
4 Si Dan at si Nephtali, si Gad at si Aser.
5 At lahat ng tao na lumabas sa balakang ni Jacob ay pitong pung tao: at si Jose ay nasa Egipto na.
6 At namatay si Jose, at ang lahat niyang kapatid at ang buong lahing yaon.
7 At ang mga anak ni Israel ay lumago, at kumapal na maigi at dumami, at naging totoong makapangyarihan; at ang lupain ay napuno nila.
8 May bumangon ngang isang bagong hari sa Egipto, na hindi kilala si Jose.
9 At sinabi niya sa kaniyang bayan, Narito, ang bayan ng mga anak ni Israel ay higit at lalong malakas kay sa atin:
10 Hayo't tayo'y magpakadunong sa kanila; baka sila'y dumami, at mangyari, na, pagka nagkadigma, ay makisanib pati sila sa ating mga kaaway, at lumaban sa atin, at magsilayas sa lupain.
11 Kaya't nangaglagay sila ng mga tagapagpaatag, upang dalamhatiin sila sa atang sa kanila. At kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga bayan na kamaligan, na dili iba't ang Phithom at Raamses.
12 Datapuwa't habang dinadalamhati nila sila, ay lalong dumadami at lalong kumakapal. At kinapootan nila ang mga anak ni Israel.
13 At pinapaglingkod na may kabagsikan ng mga Egipcio ang mga anak ni Israel:
14 At kanilang pinapamuhay sila ng masaklap sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa argamasa at sa laryo, at sa lahat ng sarisaring paglilingkod sa bukid, at sa lahat ng paglilingkod nila na ipinapaglingkod sa kanila, na may kabagsikan.
15 At ang hari sa Egipto ay nagsalita sa mga hilot na Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Siphra, at ang pangalan ng isa ay Phua:
16 At kaniyang sinabi, Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea, at pagtingin ninyo sa kanila sa dakong panganganakan; kung lalake, ay papatayin nga ninyo: datapuwa't kung babae ay inyong bubuhayin.
17 Datapuwa't ang mga hilot ay nangatakot sa Dios at hindi ginawa ang gaya ng iniutos sa kanila ng hari sa Egipto, kundi iniligtas na buhay ang mga batang lalake.
18 At ipinatawag ng hari sa Egipto ang mga hilot, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito, at inyong iniligtas na buhay ang mga batang lalake?
19 At sinabi ng mga hilot kay Faraon, Sapagka't ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Egipcia; sapagka't sila'y maliliksi, at nakapanganak na, bago dumating ang hilot sa kanila.
20 At ang Dios ay gumawa ng mabuti sa mga hilot: at ang bayan ay kumapal, at naging totoong makapangyarihan.
21 At nangyari, na sapagka't ang mga hilot ay natakot sa Dios, ay iginawa niya sila ng mga sangbahayan.
22 At iniutos ni Faraon sa kaniyang buong bayan, na sinasabi, Itatapon ninyo sa ilog bawa't lalake na ipanganak, at bawa't babae ay ililigtas ninyong buhay.
Exodus 1
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Inapi ang mga Israelita sa Egipto
1 Ito ang mga anak na lalaki ni Jacob[a] na sumama sa kanya sa Egipto, kasama ang kanilang mga pamilya: 2 sina Reuben, Simeon, Levi, Juda, 3 Isacar, Zebulun, Benjamin, 4 Dan, Naftali, Gad, at Asher. 5 Si Jose ay matagal nang nasa Egipto. Ang bilang ng lahat ng lahi ni Jacob na sumama sa kanya sa Egipto ay 70.
6 Dumating ang panahon na namatay si Jose at ang lahat ng kanyang kapatid, at lumipas na ang kanilang henerasyon 7 pero mabilis na dumami ang lahi nila. Sa sobrang dami nila, nangalat sila sa buong lupain ng Egipto.
8 Ngayon, nagkaroon ng bagong hari ang Egipto, na walang alam tungkol kay Jose. 9 Sinabi niya sa kanyang mga mamamayan, “Tingnan ninyo. Masyado nang marami ang mga Israelita at nanganganib tayo. 10 Dahil baka magkaroon ng digmaan at kumampi sila sa mga kaaway natin, at lumaban sa atin para makaalis sa ating bansa. Kaya maghanap tayo ng paraan para hindi na sila dumami pa.”
11 Kaya naglagay sila ng mahihigpit na tao na mamamahala sa mga Israelita para pahirapan sila at pagtrabahuhin nang mabigat. Ipinagawa sa mga Israelita ang mga lungsod ng Pitom at Rameses para magkaroon dito ng mga bodega ang Faraon.[b] 12 Pero habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at nangangalat sa Egipto. Kaya lalong natakot ang mga taga-Egipto sa kanila. 13 Dahil dito, lalo pa nilang pinagmalupitan ang mga Israelita. 14 Wala silang awa sa mga ito. Pinahirapan nila ang mga Israelita sa paggawa ng mga tisa at pangsemento nito, at pinagtrabaho nang matindi sa bukid.
15 Pagkatapos, sinabi ng hari ng Egipto sa mga Hebreong kumadrona na sina Shifra at Pua, 16 “Kung magpapaanak kayo ng mga babaeng Hebreo, patayin ninyo kung lalaki ang anak, pero kung babae, huwag nʼyo nang patayin.” 17 Pero dahil may takot sa Dios ang mga kumadrona, hindi nila sinunod ang iniutos ng hari. Sa halip, hinahayaan nilang mabuhay ang mga sanggol na lalaki.
18 Kaya ipinatawag ng hari ng Egipto ang mga kumadrona at tinanong, “Bakit ninyo ito ginawa? Bakit hinahayaan ninyong mabuhay ang mga sanggol na lalaki?” 19 Sumagot sila, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng Egipcio; madali silang manganak at bago pa po kami dumating, nakapanganak na sila.”
20 Kaya pinagpala ng Dios ang mga kumadrona at dumami pa nang dumami ang mga Israelita. 21 At dahil sa iginagalang ng mga kumadrona ang Dios, binigyan sila ng Dios ng sarili nilang pamilya.
22 Nang bandang huli, nag-utos ang Faraon sa lahat ng mamamayan niya, “Itapon ninyo sa Ilog ng Nilo ang lahat ng bagong panganak na sanggol na lalaki ng mga Israelita, pero pabayaan ninyong mabuhay ang mga batang babae.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®