Ester 9
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Nadaig ng mga Judio ang mga Kalaban Nila
9 Dumating ang ika-13 araw ng ika-12 buwan ng Adar. Ito ang araw na ipapatupad ang kautusan ng hari. Sa araw na ito, inakala ng mga kalaban ng mga Judio na lubusan na nilang malilipol ang mga Judio. Pero kabaligtaran ang nangyari, dahil sila ang nalipol ng mga Judio. 2 Nang araw na iyon, nagtipon ang mga Judio sa kani-kanilang mga lungsod at probinsya na sakop ni Haring Ahasuerus para patayin ang sinumang mangahas na sumalakay sa kanila. Pero wala namang nangahas dahil takot sa kanila ang mga tao. 3 Tinulungan pa sila ng mga pinuno ng mga probinsya, ng mga gobernador, at ng iba pang lingkod ng hari sa bawat lugar dahil natatakot din sila kay Mordecai. 4 Sapagkat makapangyarihan na si Mordecai sa palasyo ng hari at tanyag na sa buong kaharian. At lalo pang nadadagdagan ang kanyang kapangyarihan.
5 Pinatay ng mga Judio ang lahat ng kalaban nila nang araw na iyon sa pamamagitan ng espada. Ginawa nila ang gusto nila sa lahat ng nagagalit sa kanila. 6 Sa lungsod lang ng Susa, 500 na lalaki ang napatay nila. 7 Pinatay din nila sina Parshandata, Dalfon, Aspata, 8 Porata, Adalia, Aridata, 9 Parmasta, Arisai, Aridai at Vaizata 10 na mga anak ni Haman na kalaban ng mga Judio at anak ni Hamedata. Pero hindi sinamsam ng mga Judio ang mga ari-arian ng mga kalaban nila.
11 Nang araw ding iyon, napag-alaman ng hari ang dami ng mga pinatay sa lungsod ng Susa. 12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa pa lang 500 na lalaki ang pinatay ng mga Judio, at pinatay din nila ang sampung anak ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lungsod at probinsya? Ano pa ngayon ang gusto mong hilingin at ibibigay ko sa iyo.” 13 Sinabi ni Ester, “Mahal na Hari, kung gusto po ninyo, payagan ninyong ipagtanggol pa ng mga Judio rito sa Susa ang kanilang sarili hanggang bukas, tulad ng ginagawa nila ngayon. At ituhog sa nakatayong kahoy ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman.”
14 Kaya nag-utos ang hari na gawin ang kahilingan ni Ester. Ipinaalam sa mga taga-Susa ang utos ng hari at ibinigay ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman. 15 Kinaumagahan, ika-14 na araw ng buwan ng Adar, nagtipong muli ang mga Judio na nasa Susa at nakapatay pa sila ng 300 lalaki. Pero hindi rin nila sinamsam ang mga ari-arian ng mga kalaban nila.
16-17 Pero noong ika-13 araw ng buwan ng Adar, nagtipon ang mga Judio sa ibaʼt ibang probinsya ng kaharian para ipagtanggol ang kanilang sarili sa mga kalaban nila. At nakapatay sila ng 75,000 tao, pero hindi nila sinamsam ang mga ari-arian nito. Kinaumagahan, ika-14 na araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista. 18 Pero sa Susa, patuloy pa ang pagpatay ng mga Judio sa kanilang mga kalaban. At nang ika-15 araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judiong nasa probinsya ay nagdiriwang ng pista sa ika-14 na araw ng buwan ng Adar. Sa araw na iyon, nagbibigayan sila ng mga regalo.[a]
Ang Pista ng “Purim”
20 Isinulat ni Mordecai ang lahat ng nangyari, at nagpadala siya ng sulat sa lahat ng Judio sa malalayo at sa malalapit na probinsyang nasasakupan ni Haring Ahasuerus. 21 Sa sulat na ito, sinabi ni Mordecai sa mga Judio na dapat alalahanin nila at ipagdiwang ang ika-14 at ika-15 araw ng buwan ng Adar. 22 Itoʼy para alalahanin ang araw na nakaligtas sila sa mga kalaban, na ang kalungkutan nila ay naging kaligayahan at ang kanilang iyakan ay naging kasayahan. Kaya sinabi sa kanila ni Mordecai sa sulat na dapat magdiwang sila ng pista, magsaya sa araw na iyon, at magbigayan ng mga regalo[b] sa isaʼt isa at sa mahihirap. 23 Sinunod ng mga Judio ang utos ni Mordecai, na patuloy nilang ipagdiwang ang pistang iyon sa bawat taon.
Ang Dahilan kung Bakit may Pista ng Purim
24 Si Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na kalaban ng mga Judio ay nagplanong patayin ang lahat ng Judio. Nagpalabunutan sila para malaman kung kailan isasagawa ang pagpatay. Ang uri ng palabunutan na ginamit ay tinatawag na “Pur”. 25 Pero nang malaman ng hari ang planong ito sa pamamagitan ni Reyna Ester, nagpasulat ang hari ng isang utos na ang masamang plano ni Haman laban sa mga Judio ay gawin kay Haman at sa mga anak nitong lalaki. At iyon nga ang nangyari. 26 Ito ang dahilan kaya tinawag ang pistang iyon na Purim,[c] na mula sa salitang “pur”, na ang ibig sabihin ay palabunutan. At dahil sa sulat ni Mordecai at ayon sa karanasan nila, 27 nagkasundo ang mga Judio na ipagdiwang nila ang dalawang araw na iyon taun-taon katulad ng sinabi ni Mordecai, at napagpasyahan din nilang ipagdiwang ito ng kanilang angkan at ng lahat ng naging Judio. 28 Ang dalawang araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat sambahayan ng Judio sa bawat salinlahi nila, sa lahat ng lungsod at probinsya. Hindi ito dapat kalimutan o itigil ng alin mang lahi.
29 Para lalong mapagtibay ang sulat ni Mordecai tungkol sa Pista ng Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail patungkol dito. Kasama rin niya si Mordecai sa pagsulat nito. 30 At ipinadala iyon ni Mordecai sa 127 probinsya na sakop ng kaharian ni Haring Ahasuerus. Ang sulat ay nagdulot ng kapayapaan at katiwasayan sa mga Judio, 31 at itinalaga na ipagdiwang ang Pista ng Purim sa takdang panahon, ayon sa iniutos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Dapat nila itong sundin katulad ng pagsunod ng lahi nila sa mga tuntunin tungkol sa pag-aayuno at pagdadalamhati. 32 At ang utos ni Ester na nagpapatibay ng pagganap ng Pista ng Purim ay isinulat sa aklat ng kasaysayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®