Efeso 6
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Tungkol sa mga Anak at mga Magulang
6 Kayong mga (A) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sang-ayon sa Panginoon, sapagkat ito ay nararapat. 2 “Igalang (B) mo ang iyong ama at ina”—ito ang unang utos na may pangako, 3 “upang lumigaya ka at humaba ang iyong buhay sa ibabaw ng lupa.” 4 Kayong (C) mga ama, huwag ninyong itulak sa galit ang inyong mga anak, sa halip ay palakihin ninyo sila sa disiplina at pangaral ng Panginoon.
Mga Alipin at mga Panginoon
5 Kayong mga (D) alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon dito sa lupa nang may buong paggalang na taglay ang katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo. 6 Sundin ninyo sila hindi lamang kapag nakatingin sila sa inyo bilang pakitang-tao lang, kundi bilang mga alipin ni Cristo. Buong puso ninyong gawin ang kalooban ng Diyos. 7 Maglingkod kayo nang may mabuting hangarin, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao, 8 sapagkat alam naman ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mabuti, alipin man siya o malaya. 9 Kayong (E) mga panginoon, gayundin ang gawin ninyo sa inyong mga alipin. Huwag na kayong magbabanta, yamang nalalaman ninyo na sila at kayo ay may iisang Panginoon sa langit, at pantay-pantay ang pagtingin niya sa mga tao.
Ang Pakikidigma Laban sa Masama
10 Sa kahuli-hulihan, maging matibay kayo sa tulong ng Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang katatagan. 11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. 12 Sapagkat ang pakikipaglaban natin ay hindi sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga makasanlibutang hukbo ng kadilimang ito, laban sa mga espirituwal na puwersa ng kasamaan na nasa kaitaasan. 13 Kaya't isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa pakikipaglaban pagdating ng araw ng kasamaan, at kung magawa na ninyo ang lahat ay makapanindigan kayong matatag. 14 Kaya't (F) manindigan kayo; gawin ninyong sinturon sa inyong mga baywang ang katotohanan, habang suot sa dibdib bilang pananggalang ang katuwiran. 15 (G) Isuot ninyo sa inyong mga paa ang kahandaan upang dalhin ang ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Bukod sa mga ito, gamitin ninyo ang pananampalataya bilang kalasag, na sa pamamagitan nito ay mapapatay ninyo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama. 17 Gamitin ninyo ang (H) helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang salita ng Diyos. 18 Palagi kayong manalangin ng lahat ng uri ng panalangin at paghiling sa pamamagitan ng Espiritu, at sa bagay na ito'y maging mapagbantay kayo at patuloy na magsumamo para sa lahat ng mga banal. 19 Ipanalangin din ninyo na sa pagbuka ng aking bibig ay pagkalooban ako ng sasabihin, upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng ebanghelyo. 20 Dahil sa ebanghelyong ito, ako'y isang nakagapos na sugo. Ipanalangin nga ninyo na makapagpahayag ako nang may katapangan gaya ng nararapat kong gawin.
Pangwakas na Pagbati
21 At (I) (J) upang malaman din ninyo ang aking kalagayan at ang tungkol sa aking gawain, ang lahat ng ito'y sasabihin sa inyo ni Tiquico, na aking minamahal na kapatid at tapat na naglilingkod sa Panginoon. 22 Sa layuning ito ay isinusugo ko siya sa inyo, upang malaman ninyo ang kalagayan namin, at upang mapalakas niya ang inyong mga puso.
23 Pagkalooban nawa ng kapayapaan ang mga kapatid, at ng pag-ibig na may pananampalatayang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 24 Ipagkaloob nawa ang biyaya sa lahat ng mga umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.