Efeso 3
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Gawain ni Pablo sa mga Hentil
3 Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo dahil kay Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil. 2 Yamang nabalitaan ninyo na ipinagkatiwala sa akin ang biyaya ng Diyos para sa inyo, 3 at gaya ng nabanggit ko sa aking maikling liham, ay ipinaalam sa akin ang hiwaga sa pamamagitan ng pahayag. 4 Sa inyong (A) pagbasa nito ay mababatid ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo. 5 Hindi ito ipinaalam sa sangkatauhan noong mga nakaraang salinlahi, ngunit ngayon ay ipinahayag sa pamamagitan ng Espiritu sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. 6 Ito ang hiwaga: na ang mga Hentil ay magiging kapwa tagapagmana, mga kaanib ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangakong nakay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 7 Para dito, ako'y naging isang lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin ayon sa pagkilos ng kanyang kapangyarihan. 8 Bagaman ako ang pinakahamak kung ihahambing sa lahat ng mga banal, ibinigay sa akin ang biyayang ito upang ipahayag sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa walang kapantay na kayamanan ni Cristo; 9 at upang malinaw na makita ng lahat ng tao ang pagtupad bilang katiwala ng hiwagang ito, na sa napakatagal na panahon ay inilihim ng Diyos, na siyang lumikha ng lahat ng bagay. 10 Sapagkat layunin niya na sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pamunuan at mga maykapangyarihan sa kalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos, 11 alinsunod sa walang hanggang panukala ng Diyos na kanyang isinagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa kanya, may lakas ng loob at pagtitiwala tayong makalalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya. 13 Kaya't huwag sana kayong manlupaypay dahil sa mga pagdurusa ko alang-alang sa inyo; ito'y para sa inyong kaluwalhatian.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Kaya't nakaluhod akong nananalangin sa Ama,[a] 15 na siyang pinagmumulan ng pangalan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Dalangin ko ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian na pagkalooban kayo ng kapangyarihan upang lumakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, 17 at upang manirahan sa inyong mga puso si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, habang kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig. 18 Dalangin ko na makaya ninyong arukin, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim, 19 at lubos na maunawaan ang pag-ibig ni Cristo, nang higit sa kayang abutin ng kaalaman, upang kayo'y mapuno ng lubos na kapuspusan ng Diyos. 20 Ngayon, sa kanya na may kapangyarihang gumawa ng higit pa at lalong sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang kumikilos sa atin, 21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi, magpakailanpaman. Amen.
Footnotes
- Efeso 3:14 Sa ibang mga kasulatan may karugtong na ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.