Efeso 2
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Patay Subalit Muling Binigyang-buhay
2 Noong(A) una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. 2 Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. 3 Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.
4 Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. 5 Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. 6 Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 8 Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; 9 hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman. 10 Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.
Pinag-isa kay Cristo
11 Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan. 12 Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos. 13 Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin. 15 Pinawalang-bisa(B) niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. 16 Sa(C) pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. 17 Naparito(D) nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo'y malalayo, at sa mga Judio na malalapit. 18 Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.
19 Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta,[a] na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Footnotes
- 20 sa pundasyong inilagay...at mga propeta: o kaya'y sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta .