Eclesiastes 8
Ang Biblia, 2001
8 Sino ang gaya ng pantas na lalaki? At sinong nakakaalam ng kahulugan ng isang bagay? Ang karunungan ng tao ay nagbibigay-liwanag sa kanyang mukha, at ang katigasan ng kanyang mukha ay nababago.
Sundin ang Hari
2 Ingatan mo ang utos ng hari, dahil sa iyong banal na sumpa.
3 Magmadali kang umalis sa kanyang harapan; huwag kang magtagal kapag ang bagay ay hindi kasiya-siya, sapagkat kanyang ginagawa ang anumang kanyang maibigan.
4 Sapagkat ang salita ng hari ay makapangyarihan; at sinong makapagsasabi sa kanya, “Anong ginagawa mo?”
5 Ang sumusunod sa utos ay hindi mapapahamak, at malalaman ng isipan ng matalinong tao ang panahon at daan.
6 Sapagkat bawat bagay ay may kapanahunan at paraan, bagaman ang kabalisahan ng tao ay mabigat sa kanya.
7 Sapagkat hindi niya nalalaman ang mangyayari; sapagkat sinong makapagsasabi sa kanya, kung paanong mangyayari?
8 Walang taong may kapangyarihang pumigil ng espiritu, ni kapangyarihan sa araw ng kamatayan. Walang paghinto sa pakikidigma, ni maililigtas ng kasamaan ang mga ibinigay roon.
9 Lahat ng ito ay nakita ko, habang ginamit ko ang aking isipan sa lahat ng gawa na ginawa sa ilalim ng araw, samantalang ang tao ay may kapangyarihan sa tao sa kanyang ikapapahamak.
10 Pagkatapos nakita ko ang masama na inilibing; noon ay labas-masok sila sa dakong banal, at pinuri sila sa lunsod na doon ay ginawa nila ang gayong mga bagay. Ito man ay walang kabuluhan.
11 Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi agad isinasagawa, kaya't ang puso ng mga tao ay lubos na nakatuon sa paggawa ng kasamaan.
12 Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisandaang ulit at humahaba ang kanyang buhay, gayunma'y tunay na nalalaman ko, na magiging tiwasay para sa mga natatakot sa Diyos, na natatakot sila sa harapan niya;
13 ngunit hindi ikabubuti ng masama, ni pahahabain man ang kanyang buhay na parang isang anino; sapagkat siya'y hindi natatakot sa harapan ng Diyos.
14 Mayroong walang kabuluhan na nangyayari sa lupa, na may matutuwid na tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng masasama, at may masasamang tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng matuwid. Aking sinabi, na ito man ay walang kabuluhan.
15 Nang magkagayo'y pinuri ko ang kasiyahan, sapagkat ang tao ay walang mabuting bagay sa ilalim ng araw, kundi ang kumain, uminom, at magsaya, sapagkat ito'y kasama niya sa kanyang pagpapagod sa mga araw ng kanyang buhay na ibinigay ng Diyos sa kanya sa ilalim ng araw.
Ang Hiwaga ng mga Gawa ng Panginoon
16 Nang gamitin ko ang aking isipan upang makaalam ng karunungan, at upang makakita ng gawain na ginagawa sa lupa, kung saan hindi nakakakita ng tulog ang kanyang mga mata sa araw man o sa gabi;
17 ay nakita ko nga ang lahat ng gawa ng Diyos, na hindi matutuklasan ng tao ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw. Ngunit gaano man magsikap ang isang tao sa paghahanap, hindi rin niya ito matatagpuan, kahit na sabihin ng pantas na alam niya, hindi rin niya ito matatagpuan.