Eclesiastes 7
Ang Biblia, 2001
7 Ang(A) mabuting pangalan ay mas mabuti kaysa mamahaling pamahid,
at ang araw ng kamatayan kaysa araw ng kapanganakan.
2 Mas mabuti pang magtungo sa bahay ng pagluluksa
kaysa bahay ng pagdiriwang;
sapagkat ito ang katapusan ng lahat ng mga tao;
at ilalagak ito ng may buhay sa kanyang puso.
3 Mas mabuti ang kalungkutan kaysa tawanan,
sapagkat sa kalungkutan ng mukha ang puso ay sumasaya.
4 Ang puso ng pantas ay nasa bahay ng pagluluksa;
ngunit ang puso ng mga hangal ay nasa bahay ng kasayahan.
5 Mas mabuti ang makinig sa saway ng pantas,
kaysa makinig sa awit ng mga hangal.
6 Sapagkat kung paano ang lagitik ng mga tinik sa ilalim ng palayok,
gayon ang halakhak ng hangal;
ito ma'y walang kabuluhan.
7 Tiyak na ginagawang hangal ng pang-aapi ang pantas,
at ang suhol ay sumisira ng isipan.
8 Mas mabuti ang wakas ng isang bagay kaysa pasimula nito;
ang matiising espiritu ay mas mabuti kaysa palalong espiritu.
9 Huwag(B) kang maging magagalitin,
sapagkat ang galit ay naninirahan sa dibdib ng mga hangal.
10 Huwag mong sabihin, “Bakit ang mga unang araw ay mas mabuti kaysa mga ito?”
Sapagkat hindi mula sa karunungan na itinatanong mo ito.
11 Mabuting gaya ng mana ang karunungan,
isang kalamangan sa mga nakakakita ng araw.
12 Sapagkat ang pag-iingat ng karunungan ay gaya ng pag-iingat ng salapi;
at ang kalamangan ng kaalaman ay iniingatan ng karunungan ang buhay ng sa kanya'y may taglay.
13 Isaalang-alang mo ang gawa ng Diyos;
sinong makapagtutuwid sa ginawa niyang baluktot?
14 Sa araw ng kasaganaan ay magalak ka, at sa araw ng kahirapan ay magsaalang-alang ka. Ginawa ng Diyos ang isa pati ang isa pa, upang hindi malaman ng tao ang anumang bagay na darating pagkamatay niya.
15 Lahat ng ito ay nakita ko sa mga araw ng aking walang kabuluhang buhay; may matuwid na namamatay sa kanyang katuwiran, at may masama na pinahahaba ang kanyang buhay sa kanyang masamang gawa.
16 Huwag kang lubhang magpakamatuwid; ni huwag kang lubhang magpakapantas; bakit sisirain mo ang iyong sarili?
17 Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakahangal man; bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan?
18 Mabuti na panghawakan mo ito, at mula roon ay huwag mong iurong ang iyong kamay; sapagkat siyang natatakot sa Diyos ay magtatagumpay sa lahat ng iyon.
19 Ang karunungan ay nagbibigay ng lakas sa pantas, na higit kaysa sampung pinuno na nasa lunsod.
20 Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.
21 Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasabi ng mga tao, baka marinig mong sinusumpa ka ng iyong alipin;
22 sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso, na sinumpa mo rin ang iba.
23 Lahat ng ito ay sinubukan ko sa karunungan; aking sinabi, “Ako'y magiging matalino”; ngunit iyon ay malayo sa akin.
24 Yaong bagay na malayo at malalim, totoong malalim; sinong makakatagpo niyon?
25 Ibinaling ko ang aking isip upang alamin, siyasatin at hanapin ang karunungan, at ang kabuuan ng mga bagay, at alamin ang kasamaan ng kahangalan at ang kahangalan na ito ay kaululan.
26 At natuklasan kong mas mapait kaysa kamatayan ang babaing ang puso ay mga silo at mga bitag, na ang kanyang mga kamay ay mga panali. Ang nagbibigay-lugod sa Diyos ay tatakas sa kanya; ngunit ang makasalanan ay nakukuha niya.
27 Tingnan ninyo, ito'y aking natuklasan, sabi ng Mangangaral, na idinadagdag ang isang bagay sa iba, upang matagpuan ang kabuuan,
28 na paulit-ulit na hinahanap ng aking isipan, ngunit hindi ko natagpuan. Isang tao mula sa isang libo ang aking natagpuan, ngunit ang isang babae sa lahat ng mga ito ay hindi ko natagpuan.
29 Tingnan ninyo, ito lamang ang aking natagpuan, na ginawang matuwid ng Diyos ang tao; ngunit nagbalak sila ng maraming pamamaraan.