Eclesiastes 5
Ang Biblia, 2001
Huwag Pabigla-bigla sa Pangangako
5 Ingatan mo ang iyong mga hakbang kapag ikaw ay nagtungo sa bahay ng Diyos. Ang lumapit upang makinig ay mas mabuti kaysa magbigay ng handog ng mga hangal, sapagkat hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.
2 Huwag kang pabigla-bigla sa iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anumang bagay sa harapan ng Diyos; sapagkat ang Diyos ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa; kaya't kaunti lamang ang iyong maging salita.
3 Sapagkat ang panaginip ay dumarating na kasama ng maraming pasanin, at ang tinig ng hangal na kasama ng maraming mga salita.
4 Kapag(A) ikaw ay gumawa ng panata sa Diyos, huwag kang magpaliban ng pagtupad; sapagkat siya'y walang kasiyahan sa mga hangal. Tuparin mo ang iyong ipinanata.
5 Mas mabuti pa na hindi ka gumawa ng panata, kaysa ikaw ay gumawa ng panata at hindi tumupad.
6 Huwag mong hayaan na akayin ka ng iyong bibig sa pagkakasala, at huwag mong sabihin sa harapan ng anghel na iyon ay isang kamalian. Bakit magagalit ang Diyos sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?
7 Sa maraming mga panaginip, sa maraming mga salita ay kawalang-kabuluhan, ngunit matakot ka sa Diyos.
Ang Buhay ay Walang Kabuluhan
8 Kung iyong nakita sa isang lalawigan na ang dukha ay inapi, at ang katarungan at katuwiran ay inalis, huwag kang magtaka sa pangyayari, sapagkat ang mataas na pinuno ay minamasdan ng mas mataas, at may lalong mataas pa kaysa kanila.
9 Ngunit kapag isinasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang hari ay pakinabang sa lupaing may binubungkal na lupa.
10 Siyang umiibig sa salapi ay hindi masisiyahan sa salapi; o siya mang umiibig sa kayamanan na may pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.
11 Kapag ang mga ari-arian ay dumarami, dumarami silang kumakain ng mga iyon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyon, kundi ang mamasdan iyon ng kanyang mga mata?
12 Masarap ang tulog ng manggagawa; kumakain man siya nang kaunti o marami; ngunit ang pagpapakasawa ng mayaman ay hindi magpapatulog sa kanya.
13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: ang mga yaman ay iniingatan ng may-ari niyon sa ikapapahamak niya,
14 at ang mga yamang iyon ay nawawala sa isang masamang pakikipagsapalaran; at kahit na sila'y magulang ng mga anak, walang naiwan sa kanilang mga kamay.
15 Kung(B) paanong siya'y lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina, gayon siya muling aalis, hubad siyang dumating, wala siyang anumang madadala mula sa kanyang pagpapagod, na kanyang madadala sa kanyang kamay.
16 Ito man ay isang malubhang kasamaan: kung paano siya dumating ay gayon siya aalis; at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa siya para sa hangin,
17 na lahat naman ng mga araw niya ay ginugol niya sa kadiliman at kalungkutan, sa maraming pagkainis, pagkakasakit, at pagsisisi?
18 Ito ang aking nakita na mabuti: nararapat na kumain, uminom, at magalak sa lahat ng kanyang pinagpaguran na kanyang ginagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng kakaunting araw ng kanyang buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos, sapagkat ito ang kanyang kapalaran.
19 Gayundin sa bawat tao na binigyan ng Diyos ng kayamanan at mga ari-arian, at binigyan ng kapangyarihan na masiyahan sa mga ito, at tanggapin ang kanyang kapalaran, at magalak sa kanyang pagpapagod—ito'y kaloob ng Diyos.
20 Sapagkat hindi na niya gaanong maaalala ang mga araw ng kanyang buhay sapagkat ginagawa siyang abala ng Diyos sa kagalakan ng kanyang puso.