Eclesiastes 3
Ang Biblia, 2001
May Kanya-kanyang Panahon ang Bawat Bagay
3 Sa bawat bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawat bagay sa silong ng langit:
2 panahon upang isilang, at panahon upang mamatay;
panahon ng pagtatanim, at panahon upang bunutin ang itinanim;
3 panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling;
panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo;
4 panahon ng pag-iyak, at panahon ng pagtawa;
panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw;
5 panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagtitipon ng mga bato;
panahon ng pagyakap, at panahon na magpigil sa pagyakap;
6 panahon ng paghahanap, at panahon ng pagkawala;
panahon ng pagtatago, at panahon ng pagtatapon;
7 panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi;
panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita;
8 panahon upang magmahal, at panahon upang masuklam;
panahon ng digmaan, at panahon ng kapayapaan.
9 Anong pakinabang ang natatamo ng manggagawa sa kanyang pinagpapaguran?
10 Aking nakita ang gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng mga tao upang pagkaabalahan.
11 Ginawa niya ang bawat bagay na maganda sa kapanahunan niyon; inilagay rin niya ang walang hanggan sa isipan ng tao, gayunma'y hindi niya malalaman ang ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.
12 Nalalaman ko, na walang mas mabuti para sa kanila kundi ang magsaya, at masiyahan habang sila'y nabubuhay.
13 At kaloob ng Diyos sa tao na ang bawat isa ay kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng kanyang pinagpaguran.
14 Nalalaman ko na anumang ginagawa ng Diyos ay mananatili magpakailanman; walang bagay na maidadagdag doon, o anumang bagay na maaalis. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao ay matakot sa harapan niya.
15 Ang nangyayari ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na; at hinahanap ng Diyos ang nakaraan na.
Kawalan ng Katarungan
16 At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw na sa dako ng katarungan ay mayroon ding kasamaan; at sa dako ng katuwiran ay mayroon ding kasamaan.
17 Sinabi ko sa aking puso, Hahatulan ng Diyos ang matuwid at ang masama; sapagkat nagtakda siya ng panahon sa bawat bagay at sa bawat gawa.
18 Sinabi ko sa aking puso tungkol sa mga tao, na sinusubok sila ng Diyos upang ipakita sa kanila na sila'y mga hayop lamang.
19 Sapagkat ang kapalaran ng mga anak ng mga tao at ang kapalaran ng mga hayop ay magkatulad; kung paanong namamatay ang hayop, namamatay din ang tao. Silang lahat ay may isang hininga. Ang tao ay walang kalamangan sa mga hayop; sapagkat lahat ay walang kabuluhan.
20 Lahat ay tumutungo sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay muling babalik sa alabok.
21 Sinong nakakaalam kung ang espiritu ng tao ay umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa lupa?
22 Kaya't aking nakita, na walang bagay na mas mabuti, kundi ang tao ay magpakasaya sa kanyang mga gawa, sapagkat iyon ang kanyang kapalaran; sinong makapagpapakita sa kanya kung anong mangyayari pagkamatay niya?