Ecclesiastico 41
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Tungkol sa Kamatayan
41 O kamatayan, anong pait ng iyong alaala
sa taong payapang nagpapasasa sa kanyang kayamanan.
Sa taong walang alalahanin at masagana sa lahat ng bagay,
sa taong malusog at maaari pang magpasasa sa masarap na pagkain.
2 Ngunit anong laking kaaliwan ang idinulot mo sa iyong pagdating
sa taong nagdaralita at tinakasan na ng lakas,
sa taong iginupo na ng katandaan at mga alalahanin,
sa taong hindi na makakita at wala nang pag-asa.[a]
3 Huwag kang matakot sa hatol ng kamatayan,
alalahanin mong saklaw nito ang lahat: ang mga nauna sa iyo at ang mga darating pa.
4 Ito ang itinalaga ng Panginoon sa lahat ng may buhay,
at sino kang tututol sa kalooban ng Kataas-taasang Diyos?
Mabuhay ka man nang sampu, sandaan o sanlibong taon,
hindi na iyan mahalaga sa daigdig ng mga patay.
Ang Kapalaran ng Masasama
5 Ang mga anak ng makasalanan ay lahing kasuklam-suklam,
lahing walang isip, na nawiwiling makisalamuha sa mga makasalanan.
6 Ang kanilang mana ay mauubos nang tuluyan,
at ang kanilang mga inapo ay hahamakin magpakailanman.
7 Sisisihin ng kanyang mga anak ang isang makasalanang ama,
sapagkat nagdaranas sila ng kahihiyan nang dahil sa kanya.
8 Kawawa kayo, mga hindi natatakot sa Diyos,
kayong lahat na tumalikod sa Kautusan ng Kataas-taasang Diyos.
9 Kung kayo'y magkaanak, mapapahamak sila
at walang maiiwan sa inyo kundi kapighatian.
Ipagdiwang ang inyong pagbagsak;
at pagkamatay ninyo, kayo'y susumpain.
10 Ang nanggaling sa lupa'y sa lupa rin magbabalik;
gayundin naman, ang hindi kumikilala sa Diyos ay sa kapahamakan naman masasadlak.
11 Ang katawan ng tao ay pansamantala lamang,
ngunit ang mabuting pangalan ay mananatili magpakailanman.
12 Pangalagaan mong mabuti ang iyong pangalan, sapagkat iyan ang maiiwan mo kapag ikaw ay namatay;
at ang halaga niya'y higit pa sa maraming kayamanan.
13 Ang maginhawang buhay ay panandalian lamang,
ngunit ang mabuting pangalan ay magpakailanman.
Mga Dapat Ikahiya
14 Mga anak, sundin ninyo ang aking aral at mananatili kayo sa kapayapaan.
Ano ang papakinabangin ninyo sa kayamanang nakabaon o kaya'y sa karunungang nakatago?
15 Mas mabuti pa ang nagkukubli ng kanyang kamangmangan
kaysa nagtatago ng kanyang karunungan.
16 Pahalagahan ninyo itong aking sasabihin
mga bagay na may kinalaman sa pagkahiya;[b]
may pagkahiyang hindi nararapat
at may pagkahiya ring hindi napapanahon.
17 Mahiya kang gumawa ng kahalayan sa harapan ng iyong ama't ina,
o magsabi ng kasinungalingan sa harap ng may kapangyarihan.
18 Mahiya kang lumabag sa batas sa harapan ng hukom o pinuno ng bayan,
o ng kalapastanganan sa Diyos sa kapulungan ng buong bayan.
Mahiya kang magtaksil sa kasama o kaibigan,
19 o magnakaw kaya sa iyong mga kapitbahay.
Ikahiya mo ang di pagtupad sa kasunduan o sa sinumpaan,[c]
at ang magaspang na kilos sa harap ng pagkain.
Ikahiya mo ang karamutan kapag ikaw ay hinihingan,
20 o ang pagkalimot bumati sa mga bumabati sa iyo.
Ikahiya mo ang pagtitig sa isang mahalay na babae,
21 at ang di mo paglingap sa isang kamag-anak.
Ikahiya mo ang pagkuha sa kaparte ng ibang tao,
o ang panliligaw sa asawa ng iba.
22 Ikahiya mo ang pagpatol sa iyong utusang babae,
kaya't huwag kang lalapit kailanman sa higaan nito.
Ikahiya mo ang panlalait sa iyong mga kaibigan,
o ang panunumbat sa taong iyong tinulungan.
23 Ikahiya mo ang pagkakalat ng mga narinig mong usapan,
o ang pagsisiwalat ng lihim na ipinagkatiwala sa iyo.
24 Sa gayon, magkakaroon ka ng wastong kahihiyan,
at kalulugdan ka ng lahat ng tao.
Footnotes
- 2 hindi na makakita at wala nang pag-asa: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay mapaghimagsik at walang tiyaga .
- 16 Pahalagahan…pagkahiya: o kaya'y Mga anak ko, pakinggan ninyo ang ituturo kong mga kalagayan kung kailan kayo dapat mahiya .
- 19 di pagtupad sa kasunduan o sa sinumpaan: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay iyong sarili sa harap ng katotohanan ng Diyos .