Ecclesiastico 36
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Panalangin para sa Kaligtasan ng Israel
36 1-2 Mahabag ka sa amin, Panginoon, Diyos ng sanlibutan, lingapin mo kami,
at gawin mong igalang ka ng lahat ng bansa.
3 Kumilos ka laban sa mga bansang hindi kumikilala sa iyo,
ipakita mo sa kanila ang iyong kapangyarihan.
4 Ginamit mo kami upang makita nila ang iyong kabanalan,
gamitin mo naman sila nang makita namin ang iyong kapangyarihan.
5 Sa gayon, makikilala nila, tulad ng pagkakilala namin,
na walang ibang Diyos maliban sa iyo, Panginoon.
6 Magpakita ka ng mga bagong himala, gumawa ka muli ng mga kamangha-manghang bagay;
ipakita mo ang lakas ng iyong kapangyarihan.
7 Pag-alabin mo sa kanila ang iyong galit, ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,
puksain mo ang aming mga kaaway, durugin mo silang lahat.
8 Alalahanin mo ang iyong pangako; ipatupad mo iyon sa madaling panahon,
upang isalaysay ng mga tao ang iyong mga kahanga-hangang gawa.
9 Tupukin mo sa ningas ng iyong galit ang mga tumatakas,
lipulin mong lahat ang mga nagmalupit sa iyong bayan.
10 Durugin mo ang ulo ng mga prinsipeng naghihimagsik sa iyo,
at nagsasabing, “Walang ibang maghahari kundi kami lamang.”
11 Tipunin mong lahat ang mga lipi ni Jacob,
at ibalik mo sila sa lupaing ipinamana mo sa kanila noong una.
12 Kaawaan mo, Panginoon, ang bayang itinuturing na bayan mo,
ang Israel na inari mong anak na panganay.
13 Kahabagan mo ang iyong banal na lunsod,
ang Jerusalem na pinili mong tirahan.
14 Punuin mo ang Zion ng mga awit ng pagpupuri sa iyo,
punuin mo ng iyong kaluwalhatian ang iyong banal na Templo.
15 Kilalanin mo ang iyong mga unang nilikha,
tuparin mo ang mga pahayag na ginawa mo sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
16 Pagpalain mo na ang mga umaasa sa iyo,
patunayan mo, Panginoon, na mapagkakatiwalaan ang iyong mga propeta.
17 Ipagkaloob mo na ang idinadalangin ng iyong mga lingkod,
nawa'y manaog na sa bayan mo ang pagpapala ni Aaron.
Sa gayo'y malalaman ng lahat ng tao sa sanlibutan
na ikaw nga ang Panginoon, ang Diyos na walang hanggan.
Ang Pagpili ng Asawa
18 Lahat ng uri ng pagkain ay maaaring kainin,
ngunit may pagkaing mas masarap kaysa iba.
19 Kung paanong nalalasap ng dila ang lasa ng pagkain;
nahahalata naman ng matalino ang kasinungalingan.
20 Nagdudulot ng dalamhati ang may masamang isipan,
ngunit iyon ay mapapanumbalik ng may karanasan.
21 Kailangang tanggapin ng babae ang sinumang lalaking itakda sa kanya,
ngunit ang lalaki ay dapat mamili ng magiging asawa.
22 Ikinaliligaya ng lalaki ang alindog ng babae;
at liban dito'y wala nang ibang tanawing higit na kawili-wili sa paningin ng lalaki.
23 Ngunit kung ang babae ay mabait pa at magiliw mangusap,
pinakamapalad na sa lahat ng lalaki ang kanyang asawa.
24 Para sa isang lalaki, ang asawa ay pinakamabuting kayamanan,
isang kaagapay na makakatugon sa kanyang mga pangangailangan at isang haligi na masasandigan.
25 Laging napapasok ng maninira ang halamanang walang bakod;
gayundin naman ang lalaking walang asawa, palaging palabuy-laboy, buhay ay malungkot.
26 Hindi dapat pagtiwalaan ang mabangis na tulisang nananalakay sa bayan-bayan,
subalit lalong higit na di dapat pagtiwalaan ang lalaking walang sariling tahanan,
na nakikitulog na lamang kahit saan abutin ng gabi.