Add parallel Print Page Options

Asal sa Handaan

32 Kapag ikaw ay nangangabisera sa isang handaan,
    huwag mong ipagmamayabang iyon;
    makiisa ka sa kilos ng ibang panauhin.
At tingnan mo muna kung maayos na ang lahat bago ka maupo.
Kapag natupad mo na ang mga dapat mong gawin ay maupo ka na,
    at makipagsaya sa lahat ng dumalo.
Sa gayon ay tatanggap ka ng papuri dahil sa iyong mahusay na pamamahala.

Kung ikaw ay nakakatanda, may karapatan kang magsalita,
    ngunit huwag kang magpapaliguy-ligoy o aabalahin ang musika.
At kung may palatuntunan, huwag kang magsalita tungkol sa palabas,
    hindi iyon ang pagkakataon upang ipakita ang iyong galing.
Parang rubi na nakatampok sa isang gintong singsing
    ang musika sa oras ng piging.
Parang batong esmeralda sa isang singsing na ginto,
    ang masayang tugtugan sa pagtungga ng masarap na alak.

Maaari ding magsalita ang kabataan kung kinakailangan,
    ngunit dalawang beses lamang at kung siya'y tinatanong.
Sabihin ang ibig ipahayag sa maikling pangungusap lamang;
    ipakita mong ikaw ay maraming nalalaman ngunit hindi masalita.
Huwag kang pangahas kung ang mga kasama mo'y nakakataas sa iyo,
    at huwag kang maingay kapag may ibang nagsasalita.[a]

10 Katulad ng kidlat na nauuna sa kulog,
    ang kagandahang-asal ng isang tao ay nababalita na bago pa siya makilala.
11 Sa oras nang uwian, mamaalam ka na agad,
    at huwag ka nang magtatagal pa sa iyong pag-alis.
    Tumuloy ka na agad sa iyong tahanan.
12 Doon ka maaaring maglibang ayon sa gusto mo,
    huwag ka lang magkasala sa pagmamayabang.
13 Higit sa lahat, magpasalamat ka sa dakilang Lumikha,
    na nagkaloob sa iyo ng kanyang mga pagpapala.

Ang Paggalang sa Diyos

14 Ang may paggalang sa Panginoon ay napasusupil sa kanya,
    at ang gumigising nang maaga upang manalangin ay pinagpapala niya.
15 Naliligayahang sumunod sa Kautusan ang nagsisikap makaunawa nito,
    ngunit ito'y nagiging balakid sa taong hipokrito.
16 Nakapagpapasya nang wasto ang may paggalang sa Panginoon,
    at ang mabubuti nilang gawa ay nagliliwanag na parang ilaw.
17 Ang makasalana'y di tumatanggap ng pangaral,
    at binibigyan ng dahilan ang anumang naisin niya.

18 Laging nakikinig sa paalala ang taong matino,
    wala namang nakakapigil sa lapastangan at palalo.[b]
19 Huwag kang gagawa ng anuman na di muna pinag-isipang mabuti,
    at nang hindi mo pagsisihan sa bandang huli.
20 Huwag kang lalakad sa mapanganib na daan,
    at ingatan mong huwag matalisod sa mabatong landas.
21 Huwag kang masyadong magtitiwala sa daang maaliwalas,[c]
22     sa halip, tingnan mong mabuti ang iyong binabagtas.
23 Anuman ang ginagawa mo'y lagi kang mag-iingat,
    iyon ang tunay na pagsunod sa mga kautusan.

24 Ang naniniwala sa Kautusan ay sumusunod sa mga ipinag-uutos nito;
    ang nagtitiwala sa Panginoon ay hindi mapapasama.

Footnotes

  1. 9 huwag kang maingay kapag may ibang nagsasalita: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay huwag kang tanong nang tanong sa kanila, baka sila'y mainis sa iyo .
  2. 18 lapastangan at palalo: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay palalo lamang.
  3. 21 Huwag kang…maaliwalas: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay Lagi mong bantayan ang iyong mga anak .