Ecclesiastico 22
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Tungkol sa Tamad at sa Hangal
22 Ang taong tamad ay parang batong lubog sa lusak,
pinandidirihan at hinahamak ng lahat.
2 Ang katulad ng tamad ay isang tumpok na dumi,
kapag may nakadampot, agad iwinawaksi.
3 Isang malaking kahihiyan ang magkaroon ng isang masuwaying anak,
lalo na kung ito'y naging babae.
4 Ang mabait na anak na babae ay makakatagpo ng mabuting asawa,
ngunit ang walang isip ay kapighatian ng ama.
5 Ang lapastangang anak na babae ay dalamhati ng kanyang ama't asawa,
darating ang panahong siya'y itatakwil nila.
6 Ang panunumbat na di napapanahon ay parang masayang tugtugin sa oras ng libing,
ngunit sa lahat ng panahon, ang pagtutuwid ay isang karunungan.
7 Ang magturo sa hangal ay tulad ng pagbubuo ng basag na palayok,
o manggising ng taong mahimbing ang tulog.
8-10 Ang magpaliwanag sa hangal ay parang nakikipag-usap sa inaantok,
matapos mong sabihin sa kanya ang lahat, itatanong sa iyo: “Ano na nga ba ang sinabi mo?”[a]
11 Tangisan mo ang patay pagkat nilisan na niya ang daigdig,
ngunit kaawaan mo ang hangal, pagkat naiwan niya ang kanyang bait.
Hindi gaanong masaklap ang mamatay—ang patay ay namamahinga na.
Malungkot pa kaysa kamatayan ang buhay ng hangal.
12 Ang(A) pagluluksa sa patay ay pitong araw lamang,
ngunit ang pighating dulot ng hangal at walang takot sa Diyos ay panghabang buhay.
13 Huwag kang makikipag-usap nang malimit sa hangal,
huwag kang dadalaw sa taong hindi nag-iisip,[b]
mangilag ka sa kanya, baka ikaw ay mapahamak!
Madudungisan ka kapag siya'y nagpapalag,
iwasan mo siya at magkakaroon ka ng katahimikan,
at di ka na mayayamot sa kanyang mga kahangalan.
14 Ang ganyang mga tao ay mabigat pang dalhin kaysa tingga,
at ano ang tawag sa kanya kundi “hangal”?
15 Ang buhangin, ang asin o ang isang pirasong bakal,
ay magaan pang dalhin kaysa isang hangal.
16 Ang posteng nakakabit nang matibay sa pader ng gusali
ay hindi matatanggal kahit na lumindol.
Gayundin naman, ang pasyang nababatay sa masusing pag-aaral,
ay hindi mababago sa harap ng matinding kagipitan.
17 Ang pasyang bunga ng matalinong pagkukuro
ay parang makinis na pader na may magandang gayak.
18 Ang maliliit na bato na naiwan sa ibabaw ng mataas na pader[c]
ay pilit ipapadpad ng malakas na ihip ng hangin.
Gayundin ang mangyayari sa panukala ng hangal; palibhasa'y batay sa haka-haka lamang,
dagling napapaurong sa takot sa anumang panganib.
Pakikipagkaibigan
19 Sundutin mo ang mata at ito'y luluha;
sugatan mo ang damdamin at ito'y magdaramdam.
20 Kapag binato mo ang mga ibon, sila'y magliliparan;
kapag hinamak mo ang iyong kaibigan, lalayuan ka niya.
21 Kung napagbunutan mo man ng patalim ang iyong kaibigan,
huwag kang mawalan ng pag-asa; maaari pa kayong magkasundo.
22 Kung nakagalitan mo man ang iyong kaibigan,
huwag kang mag-alala; maaari pa kayong magkasundo.
Ngunit kapag siya'y iyong hinamak, inalimura, o sinaksak nang patalikod, kapag isiniwalat mo ang kanyang mga lihim,
sa ganitong pagkakataon, walang kaibigang mananatili sa iyo.
23 Kaibiganin mo ang isang tao habang siya'y maralita,
at makakasalo ka niya kapag siya'y sumagana.
Huwag mo siyang pababayaan sa panahon ng kagipitan,
at hindi ka niya makakalimutan kapag kinamtan niya ang kanyang mana.[d]
24 Kasunod ng usok ang pagliyab ng apoy.
Gayundin naman, ang pang-iinsulto ay nauuwi sa patayan.
25 Hindi ako mahihiyang tumangkilik sa kaibigan,
hindi ko siya pagtataguan kung siya'y nangangailangan.
26 At sakaling dahil sa kanya'y mapahamak ang buhay ko,
siya ang iiwasan ng sinumang makaalam.
Panalangin
27 Sino kayang magbabantay sa aking bibig
at magpipinid sa aking mga labi,
upang huwag akong magkasala dahil sa kanila,
at huwag akong ipahamak nitong aking dila!
Footnotes
- 8-10 Ano na nga ba ang sinabi mo?: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Kapag ang mga anak ay pinalaki nang mahusay, hindi mahahalata ang mababang pinagbuhatan ng kanilang magulang. Ang anak na lumaking walang modo, palalo at mahangin ang ulo, ay batik ng pinakamarangal na angkan .
- 13 huwag kang dadalaw…nag-iisip: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Pagkat lilibakin nila ang lahat ng bagay na may kinalaman sa iyo .
- 18 Ang maliliit…sa ibabaw ng mataas na pader: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang bakod sa ibabaw ng isang burol .
- 23 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Pagkat hindi dapat libaking lagi ninuman ang mahihirap na kalagayan, o hangaan ang isang mayamang hangal .