Ecclesiastico 17:1-12
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
17 Nilikha(A) ng Panginoon ang tao mula sa alabok,
at ito'y sa alabok din uuwi.
2 Binigyan niya ang tao ng maikling buhay,
ngunit ipinailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa.
3 Pinagkalooban niya sila ng kalakasang tulad ng sa kanya,
at ginawa silang kawangis niya.
4-5 Niloob ng Panginoon na ang lahat ng may buhay ay matakot sa tao,
at maghari ito sa mga hayop sa lupa at ibon sa himpapawid.[a]
6 Binigyan niya ang tao ng dila, mga mata at tainga,
at kapangyarihang mag-isip at magpasya.
7 Pinuspos(B) pa niya ng kaalaman at karunungan,
at tinuruang kumilala ng mabuti at masama.
8-9 Pinaliwanag ng Panginoon ang isipan ng mga tao,
at ipinakilala sa kanila ang kagandahan ng kanyang nilalang,[b]
10 upang papurihan nila ang kanyang pangalan
at ipahayag ang kadakilaan ng kanyang mga gawa.
11 Ibinigay niya sa tao ang kanyang mga aral,
at ipinamana sa kanila ang Kautusang nagbibigay-buhay.
12 Nakipagtipan siya sa mga tao magpakailanman,
at ipinahayag sa kanila ang kanyang mga kautusan.
Footnotes
- 4-5 at maghari…himpapawid: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Binigyan sila ng Panginoon ng limang patnubay sa pag-unawa, at binigyan pa rin ng pang-anim: ang katalinuhan. Ang pampito ay pangangatuwiran, at sa pamamagitan nito, nabibigyan nila ng kahulugan ang nagdaraan sa pandamdam .
- 8-9 at ipinakilala…nilalang: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na At ipinahintulot niya na ipagkapuri nila magpakailanman ang kanyang mga kahanga-hangang ginawa .