Ecclesiastico 14
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Tunay na Kaligayahan
14 Mapalad ang taong hindi nadudulas sa pananalita,
at di binabagabag ng kanyang mga sinabi.
2 Mapalad ang taong hindi sinusumbatan ng sariling budhi,
at hindi nawawalan ng pag-asa.
Ang Kasakiman
3 Hindi dapat ang salapi sa kuripot,
ano ang mapapala ng kuripot sa kanyang kayamanan?
4 Ang nagdadamot sa sarili ay nag-iimpok para sa iba,
ang mga ito ang magpapasasa sa kanyang pinaghirapan.
5 Ang maramot sa sarili'y kanino pa magbibigay,
kayamanang naipon niya'y hindi niya papakinabangan.
6 Wala nang hihigit pa sa karamutan ng maramot sa sariling kapakanan,
karamutang taglay niya'y siya na ring kaparusahan.
7 Gumawa man siya ng mabuti'y hindi niya sadya ang kabutihan,
at hindi magtatagal ay malalantad ang kanyang kasakiman.
8 Kaysama ng taong gahaman ang pananaw,
walang paglingap at malasakit sa kanyang kapwa.
9 Laging akala ng sakim ay kakaunti ang kinamtan,
pagkat ang damdamin niya'y pinuspos ng kasakiman.
10 Pagkain ng kuripot ay kanya pang pinanghihinayangan,
kaya't walang nakahain sa kanyang hapag-kainan.
11 Anak, kumain kang mabuti ayon sa iyong kakayahan,
at lagi kang mag-alay ng marapat na handog sa Panginoon.
12 Alalahanin mong sigurado kang mamamatay,
ngunit hindi mo alam kung kailan iyon.
13 Gumawa ka ng mabuti sa mga kaibigan mo bago ka mamatay,
tulungan mo sila sa abot ng iyong makakaya.
14 Huwag mong palalampasin ang isang araw na di ka magsasaya.
Kung may nais kang gawin na hindi naman kasalanan, huwag kang mag-atubiling gawin iyon.
15 Darating ang panahong paghahati-hatian ng iba ang iyong pinagpaguran,
at sila ang magpapasasa sa iyong tinipid na kayamanan.
16 Mamigay ka nang masaya at malugod ka namang tumanggap, habang ikaw ay nabubuhay, maglibang ka at magpakaligaya.
Sa daigdig ng mga patay, wala ka nang ganitong malalasap.
17 Ang katawan ng tao ay malulumang parang damit,
ayon sa matandang kautusan tayong lahat ay mamamatay.
18 Tayong mga tao ay parang mga dahon ng isang malagong punongkahoy,
habang may nalalaglag ay mayroong umuusbong;
mayroon sa ating namamatay at mayroon namang isinisilang.
19 Masisirang lahat ang ginawa ng kamay ng tao,
at pati ang may gawa ay kasama nilang maglalaho.
Kaligayahan ng Marunong
20 Mapalad(A) ka, O tao, kung binubulay mo ang Karunungan,
at nangangatuwiran ka nang may katalinuhan.
21 Mapalad ka kung pinag-aaralan mo ang kanyang mga tuntunin,
at sinasaliksik ang kanyang mga lihim.
22 Mapalad ka kung nagmamanman ka sa kanya na parang isang mangangaso,
at nag-aabang sa kanyang daraanan.
23 Mapalad ka kung sumisilip ka sa kanyang mga durungawan,
at nakikinig ka sa kanyang mga pintuan.
24 Mapalad ka kung naninirahan ka sa kanyang piling;
sa kanyang mga muog nagbabaon ng tulos ng tolda,
25 at nagtatayo ng tolda sa tabi ng kanyang bahay—
ang pinakamainam na lugar upang tirahan ng tao.
26 Sa lilim ng Karunungan palalakihin mo ang iyong mga anak,
27 siya ang magiging kanlungan mo sa init ng araw,
at maninirahan ka sa kanyang kaningningan.