Ecclesiastico 1
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Papuri sa Karunungan
1 Mula(A) sa Panginoon ang lahat ng karunungan,
at iyon ay taglay niya magpakailanman.
2 Sino ang makakabilang ng buhangin sa dagat, o ng patak ng ulan, o ng mga araw,
o sa panahong walang pasimula at walang katapusan?
3 Sino ang makakasukat sa taas ng langit, o sa lawak ng lupa?
Sino ang makakaarok sa karagatan at sino ang makakasaliksik sa Karunungan?
4-5 Bago pa likhain ang alinmang nilalang, nalikha na ang Karunungan,
at ang tunay na pagkaunawa, bago pa nagsimula ang mga panahon.[a]
6-7 Kanino ipinahayag ang simula ng Karunungan,
at sinong nakakaalam ng kanyang pamamaraan?[b]
8 Iisa lamang ang talagang marunong;
dapat tayong gumalang na may paghanga sa harap ng kanyang luklukan.
9 Ang(B) Panginoon ang lumikha ng Karunungan,
kinilala niya ang kahalagahan nito
at ibinuhos niya ito sa lahat ng kanyang nilalang.
10 Binahaginan niya ng Karunungan ang lahat ng tao,
ngunit higit na masagana ang kaloob niya sa mga umiibig sa kanya.[c]
11 Kung may paggalang ka sa Panginoon, magkakamit ka ng karangalan at kasiyahan,
mapuputungan ka ng tuwa at kagalakan.
12 Ang magparangal sa Panginoon ay nagdudulot ng kaligayahan at tuwa,
nagkakaloob ng buhay na mahaba at maligaya.[d]
13 Ang may paggalang sa Panginoon ay sasagana sa bandang huli;
pagpapalain siya sa oras ng kamatayan.
14 Ang paggalang sa Panginoon ay simula ng tunay na Karunungan;
sa sinapupunan pa ng ina'y kasama na siya ng mga tapat.
15 Nanirahan siya[e] sa gitna ng mga tao mula pa noong una
at magtitiwala sa kanya ang mga susunod na salinlahi.
16 Ang may paggalang sa Panginoon ay siyang nagkakamit ng pinakamataas na Karunungan;
mag-uumapaw sa kanila ang kanyang masaganang bunga,
17 pinasasagana(C) niya sa mabubuting bagay ang kanilang tahanan,
pinupuno niya ng masaganang ani ang kanilang[f] mga kamalig.
18 Ang paggalang sa Panginoon ay magandang bulaklak ng Karunungan,
na nagdudulot ng kapayapaan at kalusugan.[g]
19 Namamahagi siya ng kaalaman at ganap na pagkaunawa;
ang nagpapahalaga sa kanya ay kanyang pinaparangalan at pinagiging tanyag.
20-21 Ang(D) paggalang sa Panginoon ay siyang ugat ng Karunungan,
at ang mga sanga naman nito ay mahabang buhay.[h]
Pagtitimpi sa Sarili
22 Ang marahas na galit ay laging walang katuwiran;
mapapahamak ang tao sa sandaling padala siya sa kanyang galit.
23 Maghintay ka at magtimpi,
at sa huli ay hindi mo ito pagsisisihan.
24 Huwag kang magsalita hanggang hindi napapanahon;
pagkatapos, igagalang ng lahat ang iyong katalinuhan.
Ang Karunungan at ang Paggalang sa Diyos
25 Ang Karunungan ay may magagandang aral na iniingatan,
ngunit ang makasalanan ay nasusuklam sa kabanalan.
26 Sundin mo ang Kautusan, kung nais mo ng Karunungan;
ito'y masaganang ipagkakaloob sa iyo ng Panginoon.
27 Ang paggalang sa Panginoon ay karunungan at kaalaman;
nalulugod siya sa matapat at mababang-loob.
28 Huwag mong itatakwil ang paggalang sa Panginoon;
huwag kang dudulog sa kanya nang di tapat sa loob.
29 Pag-ingatan mo ang iyong pananalita,
at huwag kang magkukunwari sa paningin ng mga tao.
30 Huwag kang magmamataas,
baka ka bumagsak at sukdulang mapahiya.
Ihahayag ng Panginoon ang iyong mga lihim,
at hihiyain ka niya sa harap ng madla,
sapagkat dumulog ka sa kanya nang walang paggalang,
at ang puso mo'y puno ng pandaraya.
Footnotes
- 4-5 Bago pa…panahon: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang Karunungan ay nagmula sa salita ng Diyos sa kataas-taasang langit, at ang kanyang mga aral ay batas na walang hanggan .
- 6-7 at sinong…pamamaraan: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Kanino ipinagkaloob ang makakilala sa Karunungan, at sinong nakakaunawa ng kanyang masaganang mga karanasan?
- 10 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang pag-ibig ng Panginoon ay maningning na karunungan na ibinabahagi niya sa mga taong kanyang pinagpapakitaan, upang siya'y mahayag sa kanila .
- 12 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang pagpaparangal sa Panginoon ay kaloob buhat sa kanya at alang-alang sa pag-ibig, matitibay na landas ang kanyang ginagawa .
- 15 Nanirahan siya: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego'y Gumawa siya ng pugad at doo'y nanirahan .
- 17 kanilang…kanilang: Sa ibang manuskrito'y kanyang…kanyang .
- 18 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang mga ito'y parehong kaloob ng Diyos alang-alang sa kapayapaan; ang kaluwalhatian ay tinatamo ng mga umiibig sa kanya. Nakita siya ng Diyos at ginawang sukatan .
- 20-21 at ang mga…buhay: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang pagpaparangal sa Panginoon ay nakakapawi ng kasalanan; lumalayo ang galit ng Panginoon sa mga taong may paggalang sa kanya .