Add parallel Print Page Options

12 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay. Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka matabunan ng makapal at madilim na ulap. Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawalan ng lakas ang iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo nga siya bago dumating ang panahon na sarado na ang mga pintuan at tumigil na ang tunog ng gilingan; bago dumating ang panahon na madali kang magising sa himig ng mga ibon, o ang tunog ng awitin ay tuluyan ng tumigil.[a] Alalahanin mo siya bago dumating ang panahong katatakutan mong umakyat sa mataas na lugar, bago dumating ang panahong di ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal.

Darating ang araw na tayo'y pupunta sa huli nating hantungan at marami ang tatangis sa lansangan. Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto; babagsak ito at madudurog. Darating din ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito'y babagsak at masisira. Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito. “Napakawalang kabuluhan![b] Lahat ay napakawalang kabuluhan,” sabi ng Mangangaral.

Lahat ng nalalaman ng Mangangaral ay itinuro niya sa mga tao. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihan at sinubok kung ito'y totoo. 10 Pinipili niya ang mga salitang magdudulot ng kasiyahan at isinusulat ang katotohanan.

11 Ang mga salita ng matalino ay matulis na tulad ng tungkod na pantaboy ng kawan, tulad ng matulis na pakong nakabaon pagkat buhat sa tanging pastol nating lahat. 12 Anak ko, mag-ingat ka sa mga bagay na wala rito. Hindi matitigil ang paggawa ng iba't ibang aklat, at ang labis na pag-aaral ay pahirap sa katawan.

13 Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. 14 Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay ipagsusulit natin sa Diyos.

Footnotes

  1. Mangangaral 12:4 Ang tekstong Hebreo ay maaaring tumutukoy sa panahon ng kamatayan at paglilibing, o kaya'y sa panahon na ang tao'y hindi na masyadong makarinig.
  2. Mangangaral 12:8 Napakawalang kabuluhan: o kaya'y Napakalaking palaisipan .