Exodus 27-28
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Altar na Pagsusunugan ng Handog(A)
27 “Magpagawa ka ng altar na gawa sa akasya. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas. 2 Palagyan ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Pabalutan ng tanso ang altar. Ang lahat ng kagamitan ng altar ay kailangang gawa sa tanso – 3 ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga. 4 Magpagawa ka rin ng parilyang tanso para sa altar, at lagyan ito ng argolyang[a] tanso sa bawat sulok. 5 Pagkatapos, ilagay mo ito sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa bandang gitna ng altar. 6 Magpagawa ka rin ng tukod na pambuhat sa altar. Kailangang galing ito sa kahoy na akasya, at nababalutan ng tanso. 7 Ipasok ang tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar para mabuhat ang altar. 8 Ang ipapagawa mong altar ay tabla at dapat bakante sa loob. Ipagawa ito ayon sa planong sinabi ko sa iyo roon sa bundok.
Ang Bakuran ng Toldang Sambahan(B)
9 “Palagyan ng bakuran ang Toldang Sambahan, at palibutan ito ng kurtina na gawa sa pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10 Ikabit ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa baras na pilak sa mga haligi. 11 Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba. Ikabit din ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pagkakabitan ng mga kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.
12 “Ang kurtina sa bandang kanluran ay may sukat na 75 talampakan ang haba at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok sa sampung pundasyon. 13 Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14 Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina rin ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15 Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit din ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon.
16 “Ang pintuan ng bakuran ay palagyan mo ng kurtina na 30 talampakan ang haba. Kailangang gawa ang kurtina mula sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. Pagkatapos, isabit ang kurtina sa apat na haligi na nakasuksok sa apat na pundasyon. 17 Kailangang may kawit at baras na pilak ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran, at kailangan ding may mga tansong pundasyon. 18 Ang buong sukat ng bakuran ay 150 talampakan ang haba at 75 talampakan ang lapad. Napapalibutan ito ng kurtinang pinong telang linen, na pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Ang mga haligi nito ay nakasuksok sa mga pundasyong tanso. 19 Kailangang purong tanso ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan pati na ang lahat ng tulos ng Tolda at sa bakuran nito.
Ang Pangangalaga sa Ilawan ng Toldang Sambahan(C)
20 “Utusan mo ang mga Israelita na dalhan ka nila ng purong langis na mula sa pinigang olibo para sa mga ilaw ng Tolda, para tuloy-tuloy ang pag-ilaw nito. 21 Ilagay ang lalagyan ng ilaw sa labas ng kurtina na tumatakip sa Kahon ng Kasunduan. Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ang mag-aasikaso sa mga ilaw sa Toldang Tipanan.[b] Sisindihan nila ito sa aking presensya araw at gabi. Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ng mga Israelita at ng susunod pa nilang mga henerasyon.
Ang Mga Damit ng mga Pari(D)
28 “Ibukod mo sa mga tao si Aaron at ang mga anak niyang lalaki na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 2 Magpatahi ka ng banal na damit para sa kapatid mong si Aaron, para maparangalan siya. 3 Sabihin mo sa lahat ng mahuhusay na mananahi na binigyan ko ng kakayahang manahi na itahi nila ng damit si Aaron na magbubukod sa kanya sa mga tao para makapaglingkod siya sa akin bilang pari. 4 Ito ang mga damit na tatahiin nila: ang bulsa na nasa dibdib, ang espesyal na damit,[c] ang damit-panlabas, ang damit-panloob na binurdahan, ang turban at ang sinturon. Itatahi rin nila ng banal na mga damit ang mga anak na lalaki ni Aaron para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 5 Kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, ube at pula ang gagamitin nilang tela.
Ang Espesyal na Damit ng mga Pari(E)
6 “Ang espesyal na damit ng mga pari ay kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. 7 May dalawang parte ito, likod at harapan, at pinagdudugtong ng dalawang tirante sa may balikat. 8 Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula.
9 “Magpakuha ka ng dalawang batong onix at iukit mo rito ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Jacob.[d] 10 Dapat sunud-sunod ang paglalagay ng mga pangalan ayon sa kanilang kapanganakan, at anim na pangalan ang ilalagay sa bawat bato. 11 Dapat iukit ito kagaya ng pag-ukit ng platero sa pantatak. Pagkatapos, ilagay ang bato sa balangkas na ginto, 12 at ikabit ito sa tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato nila para sa mga lahi ng Israel. Sa pamamagitan nito, palaging madadala ni Aaron ang pangalan nila sa presensya ko, at aalalahanin ko sila. 13 Ang balangkas na ginto ay 14 palagyan mo ng dalawang mala-kwintas na tali na purong ginto para maikabit sa may balikat ng damit.
Ang Bulsa na Nasa Dibdib(F)
15 “Magpagawa ka ng bulsa sa dibdib na ginagamit sa pag-alam ng kalooban ng Panginoon.[e] Kailangang maganda ang pagkakagawa nito, at ang tela nitoʼy kapareho ng tela ng espesyal na damit ng mga pari: pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula. 16 Ang bulsa na nasa dibdib ay dapat nakatupi nang doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 17 Palagyan ito ng apat na hanay ng mga mamahaling bato. Sa unang hanay, ilalagay ang rubi, topaz at beril; 18 sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 19 sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista, 20 at sa ikaapat na hanay, krisolito, onix at jasper. Ilagay ang mga bato sa balangkas na ginto. 21 Dapat ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa 12 lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
22 “Palagyan din ng mala-kwintas na tali na purong ginto ang bulsa na nasa dibdib. 23 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit ito sa ibabaw ng mga sulok ng bulsa na nasa dibdib. 24 Isuot sa parang singsing na ito ang dalawang mala-kwintas na taling ginto, 25 at ang dalawang dulo naman ng mala-kwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng espesyal na damit. 26 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ipasok ito sa ilalim ng mga gilid ng bulsa na nasa dibdib na nakapatong sa espesyal na damit. 27 Magpagawa ka pa ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit mo ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon. 28 Pagkatapos, talian ninyo ng asul na panali ang mga pang-ilalim na parang singsing na ginto sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, maikakabit nang maayos ang bulsa na nasa dibdib ng espesyal na damit, sa itaas ng sinturon.
29 “Kung papasok si Aaron sa Banal na Lugar, kailangang suot niya ang bulsa sa dibdib na may pangalan ng mga lahi ng Israel para alalahanin ko silang palagi. 30 Ilagay sa bulsa na nasa dibdib ang ‘Urim’ at ‘Thummim’[f] para naroon ito sa bulsa ni Aaron kapag pupunta siya sa aking presensya para malaman ang kalooban ko para sa mga Israelita.
Ang Iba pang Damit ng mga Pari(G)
31 “Ang damit-panlabas na napapatungan ng espesyal na damit ay kailangang purong asul 32 at may butas sa gitna para sa ulo. At kailangang lagyan ng butas ang parang kwelyo para hindi ito mapunit. 33-34 Palagyan ang palibot ng mga laylayan nito ng mga palamuti na korteng prutas na pomegranata, na gawa sa lanang kulay asul, ube at pula. Isingit mo ang mga palamuting ito sa mga pagitan ng gintong mga kampanilya. 35 Kailangang isuot ito ni Aaron kapag papasok siya sa Banal na Lugar para maglingkod sa aking presensya, para marinig ang tunog ng mga kampanilya kung papasok at lalabas si Aaron sa Banal na Lugar. Kung gagawin niya ito, hindi siya mamamatay.
36 “Magpagawa ka ng medalyang ginto at paukitan mo ito ng ganitong mga salita: ‘Ibinukod para sa Panginoon.’ 37 Itali mo ito sa harap ng turban ni Aaron sa pamamagitan ng asul na panali, 38 para makita ito sa kanyang noo. Ipinapakita nito na dadalhin ni Aaron ang kahit anong kasalanang nagawa ng mga Israelita sa paghahandog nila sa Panginoon. Lagi itong ikakabit ni Aaron sa kanyang noo para matuwa ang Panginoon sa mga mamamayan.
39 “Ang damit-panloob ni Aaron ay kailangang pinong linen, ganoon din ang kanyang turban at ang sinturon na binurdahan ng maganda. 40 Magpatahi ka rin ng mga damit-panloob, mga sinturon, at mga turban para sa mga anak ni Aaron para sa ikararangal nila.
41 “Ipasuot mo ang mga damit sa kapatid mong si Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at pagkatapos, pahiran[g] mo sila ng langis at ordinahan. Italaga mo sila sa akin para makapaghandog sila sa akin bilang mga pari.
42 “Ipatahi mo rin sila ng mga pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran. Ang haba nitoʼy mula sa baywang hanggang sa hita para hindi sila masilipan. 43 Kailangan nila itong isuot kapag papasok sila sa Toldang Tipanan, o kapag lalapit sila sa altar ng Banal na Lugar sa paglilingkod bilang mga pari, para hindi sila masilipan at mamatay. Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ni Aaron at ng kanyang salinlahi magpakailanman.
Footnotes
- 27:4 argolya: Tingnan ang “footnote” sa 26:29.
- 27:21 Toldang Tipanan: Ang Toldang Sambahan.
- 28:4 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.” Ito rin ay nasa talatang 6, 12, 15, 25-28 at 31.
- 28:9 Jacob: sa Hebreo, Israel.
- 28:15 Tingnan ang talatang 30.
- 28:30 ‘Urim’ at ‘Thummim’: Dalawang bagay na ginagamit sa pag-alam ng kalooban ng Dios.
- 28:41 pahiran: o, buhusan.
Mateo 21:1-22
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(A)
21 Malapit na sina Jesus sa Jerusalem. Pagdating nila sa nayon ng Betfage na nasa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa niyang tagasunod 2 at sinabi, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Makikita ninyo roon ang isang asno na nakatali, kasama ang bisiro nito. Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin dito sa akin. 3 Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hahayaan na niya kayo.” 4 Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng propeta:
5 “Sabihin ninyo sa mga naninirahan sa Zion na paparating na ang kanilang hari!
Mapagpakumbaba siya, at nakasakay sa asno, sa isang bisirong asno.”[a]
6 Lumakad nga ang mga tagasunod at ginawa ang iniutos ni Jesus. 7 Dinala nila ang asno at ang bisiro nito kay Jesus. Sinapinan nila ang mga ito ng kanilang mga balabal at sumakay si Jesus. 8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. 9 Ang mga tao sa unahan ni Jesus at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw, “Purihin ang Anak ni David![b] Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Dios!”[c] 10 Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lungsod, at nagtanungan ang mga tao, “Sino ang taong iyan?” 11 Sumagot ang mga kasama ni Jesus, “Siya ang propetang si Jesus na taga-Nazaret, na sakop ng Galilea.”
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(B)
12 Pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. 13 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang bahay ko ay bahay-panalanginan.’[d] Pero ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[e]
14 May mga bulag at pilay na lumapit kay Jesus doon sa templo, at pinagaling niya silang lahat. 15 Nagalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa ni Jesus, at nang marinig nila ang mga batang sumisigaw doon sa templo ng “Purihin ang Anak ni David!”[f] 16 Sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” Sumagot si Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa Kasulatan na kahit ang maliliit na bata ay tinuruan ng Dios na magpuri sa kanya?”[g] 17 Pagkatapos, iniwan sila ni Jesus. Lumabas siya ng lungsod at nagpunta sa Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(C)
18 Kinaumagahan, nang pabalik na sina Jesus sa lungsod ng Jerusalem, nagutom siya. 19 May nakita siyang puno ng igos sa tabi ng daan, kaya nilapitan niya ito. Pero wala siyang nakitang bunga kundi puro mga dahon. Kaya sinabi niya sa puno, “Hindi ka na mamumunga pang muli!” At agad na natuyo ang puno. 20 Namangha ang mga tagasunod ni Jesus nang makita nila iyon. Sinabi nila, “Paanong natuyo kaagad ang puno?” 21 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo at walang pag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos. At hindi lang iyan, maaari rin ninyong sabihin sa bundok, ‘Lumipat ka sa dagat!’ at lilipat nga ito. 22 Anumang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin ay matatanggap ninyo kung sumasampalataya kayo.”
Read full chapterFootnotes
- 21:5 Zac. 9:9.
- 21:9 Anak ni David: Ito ang tawag ng mga Judio sa Mesias o Cristo dahil sa paniniwalang siyaʼy mula sa angkan ni David.
- 21:9 Salmo 118:26.
- 21:13 Isa. 56:7.
- 21:13 Jer. 7:11.
- 21:15 Anak ni David: Ito ang tawag ng mga Judio sa Mesias o Cristo dahil sa paniniwalang siyaʼy mula sa angkan ni David.
- 21:16 Salmo 8:2.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®