Deuteronomio 9
Ang Biblia, 2001
Mga Bunga ng Pagsuway
9 “Pakinggan mo, O Israel, ikaw ay tatawid sa Jordan sa araw na ito, upang iyong pasukin at agawin ang mga bansang higit na dakila at makapangyarihan kaysa iyo, na mga bayang malaki at may pader hanggang sa langit,
2 isang bayang malaki at mataas, mga anak ng Anakim na iyong nakikilala at tungkol sa kanila ay narinig mong sinasabi, ‘Sinong makakatayo sa harapan ng mga anak ni Anak?’
3 Alamin mo sa araw na ito na ang Panginoon mong Diyos ay siyang mangunguna sa iyo na parang apoy na lumalamon. Kanyang pupuksain sila at kanyang payuyukurin sila sa harapan mo; sa gayo'y mapapalayas mo sila at mabilis mo silang malilipol na gaya ng sinabi sa iyo ng Panginoon.
4 “Huwag mong sasabihin sa iyong puso, pagkatapos na mapalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, ‘Dahil sa aking pagiging matuwid ay dinala ako ng Panginoon upang angkinin ang lupaing ito.’ Sa halip ay dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng Panginoon sa harapan mo.
5 Hindi dahil sa iyong pagiging matuwid o dahil sa katapatan ng iyong puso ay iyong pinapasok upang angkinin ang kanilang lupain, kundi dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, at upang kanyang papagtibayin ang salita na ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.
6 “Alamin mo na hindi ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang mabuting lupaing ito upang angkinin ng dahil sa iyong pagiging matuwid; sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.
7 Alalahanin mo, huwag mong kalimutan, kung paanong ginalit mo ang Panginoon mong Diyos sa ilang; mula nang araw na kayo'y umalis sa lupain ng Ehipto, hanggang sa kayo'y dumating sa dakong ito ay naging mapaghimagsik kayo laban sa Panginoon.
8 Gayundin sa Horeb na inyong ginalit ang Panginoon, at ang Panginoon ay nagalit sa inyo at handa na sana siyang lipulin kayo.
9 Nang(A) ako'y umakyat sa bundok upang tanggapin ang mga tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo, nanatili ako sa bundok ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig.
10 Ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos. Nasa mga iyon ang lahat ng mga sinabi ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng pagtitipon.
11 Sa katapusan ng apatnapung araw at apatnapung gabi, ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan.
12 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumindig ka, bumaba ka agad mula riyan; sapagkat ang iyong bayan na inilabas mo sa Ehipto ay nagpakasama. Sila'y mabilis na lumihis sa daang iniutos ko sa kanila; sila'y gumawa para sa kanila ng isang larawang inanyuan.’
13 “Bukod dito'y nagsalita sa akin ang Panginoon, na sinasabi, ‘Aking nakita ang bayang ito, at aking nakita na ito'y isang bayang matigas ang ulo.
14 Hayaan mong lipulin ko sila, at aking burahin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit; at gagawin kitang isang bansang higit na makapangyarihan at malaki kaysa kanila.’
15 Sa gayo'y pumihit ako at bumaba mula sa bundok, at ang bundok ay nagniningas sa apoy, at ang dalawang tapyas ng tipan ay nasa aking dalawang kamay.
16 Tumingin ako, at nakita kong kayo'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos. Kayo'y gumawa para sa inyo ng isang guyang inanyuan. Kayo'y madaling lumihis sa daan na iniutos sa inyo ng Panginoon.
17 Kaya't aking hinawakan ang dalawang tapyas at inihagis ng aking dalawang kamay, at winasak ang mga ito sa harapan ng inyong paningin.
18 At ako'y nagpatirapa sa harapan ng Panginoon, gaya nang una, sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig; dahil sa lahat ng inyong kasalanan na inyong ginawa sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon na inyong ginalit.
19 Sapagkat(B) natatakot ako dahil sa galit at maalab na poot na ikinayamot ng Panginoon sa inyo, na lilipulin sana kayo. Ngunit pinakinggan din ako noon ng Panginoon.
20 Ang Panginoon ay galit na galit kay Aaron na siya sana'y papatayin; at akin din namang idinalangin si Aaron nang panahong iyon.
21 At kinuha ko ang makasalanang bagay na inyong ginawa, ang guya, at aking sinunog sa apoy, at aking niyapakan at dinurog na mabuti, hanggang sa naging durog na parang alabok; at aking inihagis ang alabok niyon sa batis na umaagos mula sa bundok.
Ang Israel ay Naging Mapaghimagsik at si Moises ay Namagitan
22 “At(C) sa Tabera, sa Massah, sa Kibrot-hataava ay inyong ginalit ang Panginoon.
23 Nang(D) suguin kayo ng Panginoon mula sa Kadesh-barnea, na sinasabi, ‘Umakyat kayo at angkinin ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo;’ pagkatapos ay naghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Diyos, at hindi ninyo siya pinaniniwalaan, ni pinakinggan ang kanyang tinig.
24 Kayo'y naging mapaghimagsik laban sa Panginoon, mula nang araw na kayo'y aking makilala.
25 “Kaya't ako'y nagpatirapa sa harapan ng Panginoon ng apatnapung araw at apatnapung gabi, sapagkat sinabi ng Panginoon na lilipulin niya kayo.
26 At ako'y nanalangin sa Panginoon, at sinabi, ‘O Panginoong Diyos, huwag mong pupuksain ang iyong bayan at ang iyong mana, na iyong tinubos ng iyong kadakilaan, na iyong inilabas sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.
27 Alalahanin mo ang iyong mga lingkod, sina Abraham, Isaac, at Jacob. Huwag mong masdan ang pagmamatigas ng bayang ito, ni ang kasamaan nila, ni ang kasalanan nila.
28 Baka sabihin ng mga tao sa lupaing pinaglabasan mo sa amin: “Sapagkat hindi sila naipasok ng Panginoon sa lupain na ipinangako sa kanila, at sapagkat napoot siya sa kanila, ay inilabas sila upang patayin sa ilang.”
29 Gayunman sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas ng iyong dakilang kapangyarihan at ng iyong unat na bisig.’