Add parallel Print Page Options

Ang mga Dapat Gawin upang Pagpalain ng Dios

30 “Kapag nangyari na sa inyo ang mga bagay na ito – ang mga pagpapala at ang mga sumpa na aking sinabi sa inyo – at maalala ninyo ito kapag naroon na kayo sa mga bansa kung saan ipinabihag kayo ng Panginoon na inyong Dios, at kung sa mga oras na iyon ay magbabalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, at susundin ninyo nang buong puso at kaluluwa ang lahat ng iniutos ko sa inyo ngayon, kaaawaan kayo ng Panginoon na inyong Dios at titipunin mula sa lahat ng bansa kung saan ipinabihag niya kayo, at pagkatapos ay muling magiging mabuti ang kalagayan ninyo. Kahit itinaboy pa niya kayo sa pinakamalayong bahagi ng mundo, titipunin pa rin kayo ng Panginoon na inyong Dios at pababalikin sa lupain ng inyong mga ninuno, at aangkinin ninyo ito. Pauunlarin at padadamihin pa niya kayo kaysa sa inyong mga ninuno. Babaguhin ng Panginoon na inyong Dios ang mga puso ninyo at ang mga puso ng inyong lahi para mahalin ninyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa, at mabubuhay kayo nang matagal. Ipaparanas ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng sumpang ito sa inyong mga kaaway na napopoot at gumigipit sa inyo. Muli ninyong susundin ang Panginoon at tutuparin ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pauunlarin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong mga ani, dahil natutuwa ang Panginoong pagpalain kayo gaya ng pagpapala niya sa inyong mga ninuno. 10 Mangyayari ito kung susundin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at tutuparin ang lahat ng utos niya at tuntuning nakasulat sa Aklat ng Kautusan, at kung manunumbalik kayo sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa.

11 “Hindi mahirap unawain at gawin ang mga utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 12 Wala ito sa langit para magtanong kayo, ‘Sino ba ang aakyat sa langit para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 13 Wala rin naman ito sa kabila ng dagat para magtanong kayo, ‘Sino ba ang tatawid sa dagat para kunin ito at ipahayag sa atin upang masunod natin?’ 14 Nasa inyo ito, sa bibig at puso ninyo, kaya sundin ninyo ito.

15 “Makinig kayo! Sa araw na ito, pinapapili ko kayo: buhay o kamatayan, kasaganaan o kahirapan. 16 Inuutusan ko kayo ngayon na mahalin ang Panginoon na inyong Dios, na mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, at sundin ang kanyang mga utos at tuntunin. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal at dadami, at pagpapalain kayo ng Panginoon doon sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.

17 “Ngunit kung tatalikod kayo at hindi susunod sa kanya, at kung sasamba kayo at maglilingkod sa ibang mga dios; 18 ngayon pa lang, binabalaan ko na kayo na siguradong mamamatay kayo. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa lupaing titirhan ninyo at mamanahin doon sa kabila ng Jordan.

19 “Sa araw na ito, tinawag ko ang langit at lupa na maging saksi kung alin dito ang pipiliin ninyo: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin sana ninyo ang buhay para mabuhay kayo nang matagal pati na ang inyong mga anak.[a] 20 Mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo siya at manatili kayo sa kanya, dahil siya ang inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal doon sa lupain na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.”

Footnotes

  1. 30:19 mga anak: o, lahi.