Deuteronomio 3
Ang Biblia (1978)
Nilupig ang Basan.
3 Nang magkagayo'y pumihit tayo, at ating sinampa ang daang patungo sa Basan: at (A)si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa atin, siya at ang buong bayan niya, sa pakikipagbaka (B)sa Edrei.
2 At sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong katakutan siya, sapagka't aking ibinigay sa iyong kamay siya, at ang kaniyang buong bayan, at ang kaniyang lupain; at iyong gagawin sa kaniya ang gaya ng iyong ginawa kay (C)Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumahan sa Hesbon.
3 Gayon din ibinigay ng Panginoon nating Dios sa ating kamay si Og, na hari sa Basan, at ang buong bayan niya; (D)at ating sinaktan siya hanggang sa walang natira sa kaniya.
4 At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon; (E)walang bayan na di sinakop natin sa kanila; anim na pung bayan ang buong lupain ng Argob, ang kaharian ni Og, sa Basan.
5 Ang lahat ng ito'y mga bayang nakukutaan ng matataas na kuta, na may mga pintuang-bayan at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga bayan na walang kuta.
6 At ating lubos na nilipol, na gaya ng ating ginawa kay Sehon na hari sa (F)Hesbon, na lubos nating nilipol bawa't bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata.
7 Nguni't ang madlang kawan at ang nasamsam sa mga bayan ay ating dinala.
8 At ating sinakop ang lupain nang panahong yaon sa kamay ng dalawang hari ng mga Amorrheo na nasa dako roon ng Jordan, mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon;
9 (Na siyang Hermon ay tinatawag ng mga taga Sidon na Sirion, at tinatawag ng mga Amorrheo na (G)Senir):
10 (H)Lahat ng mga bayan ng kapatagan, at ang buong Galaad, at (I)ang buong Basan, hanggang Salcha at Edrei, na mga bayan ng kaharian ni Og sa Basan.
11 (J)(Sapagka't si Og lamang na hari sa Basan ang nalalabi sa natira sa mga (K)Rephaim; narito, ang kaniyang higaan ay higaang bakal; wala ba ito sa (L)Rabbath ng mga anak ni Ammon? siyam na siko ang haba niyaon at apat na siko ang luwang niyaon, ayon (M)sa siko ng isang lalake).
Pagaari ng buong Jordanita.
12 At ang lupaing ito'y ating sinakop na pinakaari nang panahong yaon; (N)mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Galaad, (O)at ang mga bayan niyaon, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita:
13 (P)At ang labis ng Galaad, at ang buong Basan, na kaharian ni Og, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases; ang buong lupain ng Argob, sa makatuwid baga'y ang buong Basan. (Siya ring tinatawag na lupain ng mga Rephaim.
14 Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob, hanggang sa hangganan ng mga Gessureo at ng mga Machateo; (Q)at mga tinawag niya ng Basan ayon sa kaniyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.)
15 (R)At aking ibinigay ang Galaad kay Machir.
16 At sa mga Rubenita at sa mga (S)Gadita ay aking ibinigay ang mula sa Galaad hanggang sa libis ng Arnon, na siyang kalahatian ng libis, na pinaka hangganan niyaon hanggang sa ilog Jaboc, (T)na siyang hangganan ng mga anak ni Ammon;
17 Pati ng Araba at ng Jordan at ng hangganan niyaon, mula sa (U)Cinereth (V)hanggang sa Dagat ng Araba (W)na Dagat na Alat, sa ibaba ng gulod ng Pisga sa dakong silanganan.
18 At kayo'y aking inutusan nang panahong yaon, na sinasabi, Ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios ang lupaing ito upang ariin: (X)kayo'y daraang may sakbat sa harap ng inyong mga kapatid na mga anak ni Israel, lahat ng taong matapang.
19 Nguni't ang inyong mga asawa at ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop, ((Y)aking talastas na kayo'y mayroong maraming hayop), ay mangatitira sa inyong mga bayan na aking ibinigay sa inyo;
20 Hanggang sa bigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanilang ariin naman ang lupain na ibinigay sa kanila ng Panginoon ninyong Dios, sa dako roon ng Jordan; kung magkagayon ay (Z)babalik ang bawa't lalake sa inyo sa kaniyang pagaari, na aking ibinigay sa inyo.
21 (AA)At aking iniutos kay Josue nang panahong yaon, na sinasabi, Nakita ng iyong mga mata ang lahat ng ginawa ng Panginoon mong Dios sa dalawang haring ito; gayon ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng mga kahariang iyong daraanan.
22 Huwag kayong matakot sa kanila: sapagka't ipinakikipaglaban kayo (AB)ng Panginoon ninyong Dios.
Hindi itinulot ang pagtawid sa Jordan.
23 At ako'y dumalangin sa Panginoon nang panahong yaon, na sinasabi,
24 Oh Panginoong Dios, iyong minulang ipinakilala sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: (AC)ano ngang Dios sa langit o sa lupa ang makagagawa ng ayon sa iyong mga gawa, at ayon sa iyong mga makapangyarihang kilos?
25 Paraanin mo nga ako, isinasamo ko sa iyo, at aking makita ang (AD)mabuting lupain na nasa dako roon ng Jordan, yaong mainam na bundok, at ang (AE)Libano.
26 Nguni't (AF)ang Panginoon ay nagalit sa akin dahil sa inyo, at hindi ako dininig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Siya na; huwag ka nang magsalita pa sa akin ng tungkol sa bagay na ito.
27 (AG)Sumampa ka sa taluktok ng Pisga at ilingap mo ang iyong mga mata sa dakong kalunuran, at sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at masdan mo ng iyong mga mata; sapagka't hindi ka makatatawid sa Jordang ito.
28 Nguni't (AH)pagbilinan mo si Josue, at palakasin mo ang kaniyang loob at palakasin mo siya: sapagka't siya'y daraan sa harap ng bayang ito, at kaniyang ipamamana sa kanila ang lupain na iyong makikita.
29 Sa gayo'y tumahan tayo sa (AI)libis, na nasa tapat ng Beth-peor.
Deuteronomio 3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Natalo si Haring Og ng Bashan(A)
3 “Pagkatapos, dumiretso tayo sa Bashan pero pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan at ng mga sundalo nito. 2 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag kang matakot sa kanya dahil siguradong ibibigay ko siya sa iyo pati ang kanyang mga sundalo at ang kanyang lupain. Gagawin mo sa kanya ang ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghari sa Heshbon.’ 3 Kaya ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios si Haring Og ng Bashan at ang lahat ng kanyang sundalo. Pinatay natin sila at wala tayong itinirang buhay. 4 Inagaw natin ang lahat ng 60 lungsod niya – ang buong teritoryo ng Argob kung saan naghahari si Haring Og ng Bashan. 5 Ang lahat ng lungsod na ito ay napapalibutan ng matataas na pader na may pintuan at kandado. Inagaw din natin ang napakaraming mga baryo na walang pader.
6 “Nilipol natin sila nang lubusan[a] katulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Heshbon. Pinatay natin ang lahat ng tao sa bawat lungsod na ating naagaw – mga lalaki, babae at bata. 7 Ngunit dinala natin ang lahat ng hayop at mga ari-arian na nasamsam natin sa kanilang mga lungsod.
8 “Kaya naagaw natin mula sa dalawang hari ng mga Amoreo, ang lupain sa silangan ng Ilog ng Jordan mula sa Lambak ng Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. 9 (Ang Bundok ng Hermon ay tinatawag ng mga Sidoneo na Sirion at ng mga Amoreo na Senir.) 10 Inagaw natin ang lahat ng bayan na nasa talampas, ang buong Gilead at ang buong Bashan hanggang sa Saleca at Edrei, na mga bayan na sakop ng kaharian ni Og ng Bashan. 11 (Si Haring Og lang ang nag-iisang natira sa mga lahi ng Refaimeo. Ang higaan niyang bakal[b] ay may habang 13 talampakan at anim na talampakan ang lapad. Makikita pa ito ngayon sa Rabba na lungsod ng mga Ammonita.)
Ang Paghahati-hati ng Lupa(B)
12 “Nang maagaw natin ang lupaing ito, ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang lupain sa hilaga ng Aroer malapit sa Lambak ng Arnon pati na ang kalahati ng kaburulan ng Gilead at ang mga bayan nito. 13 Ibinigay ko ang natirang bahagi ng Gilead at ng buong Bashan, na kaharian ni Og, sa kalahating lahi ni Manase. (Ang buong Argob sa Bashan ay tinatawag noon na Lupa ng mga Refaimeo.) 14 Si Jair na mula sa lahi ni Manase, ang nagmamay-ari ng buong Argob na sakop ng Bashan hanggang sa hangganan ng lupain ng mga Geshureo at ng mga Maacateo. Pinangalanan ni Jair ng mismong pangalan niya ang teritoryong ito, kaya hanggang sa ngayon, ang Bashan ay tinatawag na ‘Mga Bayan ni Jair.’ 15 Ibinigay ko ang Gilead sa pamilya ni Makir. 16 Ibinigay ko sa mga lahi nina Reuben at Gad ang mga lupain mula sa Gilead hanggang sa Lambak ng Arnon. Ang gitna ng Arnon ang kanilang hangganan sa timog, at ang kanilang hangganan sa hilaga ay ang Lambak ng Jabok, na hangganan din ng lupain ng mga Ammonita. 17 Ang hangganan sa kanluran ay ang Kapatagan ng Jordan[c] pati na ang Ilog ng Jordan, mula sa Lawa ng Galilea hanggang sa Dagat na Patay[d] sa ibabang bahagi ng libis ng Pisga sa silangan.
18 “Nang panahong iyon, inutusan ko ang mga angkan ninyo na naninirahan sa silangan ng Jordan,[e] ‘Kahit na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios ang lupang ito para angkinin ninyo, kailangang tumawid ang lahat ng sundalo ninyo sa Ilog ng Jordan na armado at handang manguna sa inyong mga kapatid na Israelita sa pakikipaglaban. 19 Ngunit iiwan ninyo ang inyong mga asawaʼt anak, at ang napakarami ninyong hayop sa mga bayan na ibinigay ko sa inyo. 20 Kapag naangkin na ng mga kapwa ninyo Israelita ang lupain sa kabila ng Jordan na ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios, at kapag nabigyan na sila ng kasiguraduhan katulad ng kanyang ginawa sa inyo, makabalik na kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo.’
Hindi Pinayagan si Moises na Makapasok sa Canaan
21 “At nang panahong iyon, sinabi ko rin kay Josue, ‘Nakita mo ang lahat ng ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa dalawang haring iyon. Ganoon din ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kaharian na inyong pupuntahan. 22 Huwag kayong matakot sa kanila; ang Panginoon na inyong Dios mismo ang makikipaglaban para sa inyo.’
23 “Nang panahong iyon, nagmakaawa ako sa Panginoon. Sinabi ko, 24 ‘O Panginoong Dios, sinimulan na ninyong ipakita sa inyong lingkod ang inyong kadakilaan, dahil walang dios sa langit o sa lupa na makakagawa ng mga himala na inyong ginawa. 25 Kaya payagan po ninyo akong makatawid para makita ko ang magandang lupain sa kabila ng Jordan, ang magagandang kaburulan at ang mga kabundukan ng Lebanon.’
26 “Ngunit nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at hindi niya ako pinakinggan. Sinabi niya, ‘Tama na iyan! Huwag mo na akong kausapin tungkol sa mga bagay na iyan. 27 Umakyat ka sa tuktok ng Bundok ng Pisga at tumanaw sa lupain sa kahit saang direksyon, dahil hindi ka makakatawid sa Jordan. 28 Ngunit turuan mo si Josue sa kanyang gagawin. Palakasin mo ang loob niya dahil siya ang mamumuno sa mga taong ito sa pagtawid sa Jordan. Ibibigay niya sa kanila ang lupaing nakikita mo ngayon!’ 29 Kaya nanatili tayo sa lambak malapit sa Bet Peor.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
