Deuteronomio 29
Ang Biblia, 2001
Ang Tipan ng Panginoon sa Israel sa Lupain ng Moab
29 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kanyang ginawa sa kanila sa Horeb.
2 Tinawag ni Moises ang buong Israel at sinabi sa kanila, “Inyong nakita ang lahat na ginawa ng Panginoon sa harapan ng inyong paningin sa lupain ng Ehipto, kay Faraon at sa lahat ng kanyang lingkod at kanyang buong lupain;
3 ang malaking pagsubok na nakita ng inyong mga mata, ang mga tanda, at ang mga dakilang kababalaghan.
4 Ngunit hindi kayo binigyan ng Panginoon ng isipang makakaunawa, at ng mga matang makakakita, at ng mga pandinig na makakarinig, hanggang sa araw na ito.
5 Pinatnubayan ko kayo ng apatnapung taon sa ilang; ang inyong mga damit ay hindi naluma, at ang inyong sandalyas ay hindi nasira sa inyong paa.
6 Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing, upang inyong malaman na ako ang Panginoon ninyong Diyos.
7 At(A) nang kayo'y dumating sa dakong ito, si Sihon na hari ng Hesbon at si Og na hari ng Basan ay lumabas laban sa atin sa pakikidigma at ating tinalo sila.
8 Ating(B) sinakop ang kanilang lupain at ibinigay natin bilang pamana sa mga Rubenita, Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.
9 Kaya't ingatan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong gawin upang kayo'y magtagumpay sa lahat ng inyong ginagawa.
10 “Kayong lahat ay nakatayo sa araw na ito sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos; ang inyong mga puno, ang inyong mga lipi, ang inyong matatanda, at ang inyong mga pinuno, lahat ng mga lalaki sa Israel,
11 ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang dayuhan na nasa gitna ng inyong mga kampo mula sa inyong mangangahoy hanggang sa tagasalok ng inyong tubig;
12 upang ikaw ay makipagtipan sa Panginoon mong Diyos, at sa kanyang pangako na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Diyos sa araw na ito;
13 upang kanyang itatag ka sa araw na ito bilang isang bayan, at upang siya'y maging iyong Diyos, na gaya ng kanyang ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.
14 Hindi lamang sa inyo ko ginagawa ang tipang ito at ang pangakong ito;
15 kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harapan ng Panginoon nating Diyos, at gayundin sa hindi natin kasama sa araw na ito;
16 “(Sapagkat nalalaman ninyo kung paanong nanirahan tayo sa lupain ng Ehipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;
17 at inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal na bagay, at ang kanilang mga diyus-diyosan na yari sa kahoy, bato, pilak at ginto na nasa gitna nila.)
18 Baka(C) magkaroon sa gitna ninyo ng lalaki, o babae, o angkan, o lipi na ang puso'y humiwalay sa araw na ito sa ating Panginoong Diyos, upang maglingkod sa mga diyos ng mga bansang iyon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nakalalason at ng mapait na bunga;
19 na kapag kanyang narinig ang mga salita ng sumpang ito ay kanyang basbasan ang kanyang sarili sa kanyang puso, na sasabihin, ‘Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso.’ Makapagpapaalis ito ng basa-basa at pagkatuyo.
20 Hindi siya patatawarin ng Panginoon, kundi ang galit at paninibugho ng Panginoon ay mag-uusok laban sa taong iyon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay mapapasa kanya at papawiin ng Panginoon ang kanyang pangalan sa ilalim ng langit.
21 Ihihiwalay siya ng Panginoon sa lahat ng mga lipi sa Israel para sa sakuna, ayon sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan.
22 Ang mga lahing darating, ang inyong mga anak na babangon pagkamatay ninyo, at ang dayuhan na magmumula sa malayong lupain ay magsasabi, kapag nakita nila ang mga salot ng lupaing iyon, at ang sakit na inilagay ng Panginoon,
23 at(D) ang buong lupaing iyon ay sunóg na asupre, at asin, na hindi nahahasikan, hindi nagbubunga, ni walang tumutubong damo, na gaya ng nangyari sa pagkawasak ng Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboyin, na winasak ng Panginoon sa kanyang matinding galit.
24 Kaya't lahat ng mga bansa ay magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupaing ito? Ano ang dahilan ng pagpapakita ng ganitong matinding galit?’
25 Kaya't sasabihin ng mga tao, ‘Sapagkat kanilang tinalikuran ang tipan ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na kanyang ginawa sa kanila nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto;
26 at sila'y humayo at naglingkod sa ibang mga diyos, at sinamba nila ang mga diyos na hindi nila nakilala na hindi niya ibinigay sa kanila.
27 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-init laban sa lupaing ito, at dinala sa kanya ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito.
28 Sila'y binunot ng Panginoon sa kanilang lupain dahil sa galit, sa poot, at sa malaking pagngingitngit, at sila'y itinaboy sa ibang lupain, gaya sa araw na ito.’
29 “Ang mga bagay na lihim ay para sa Panginoon nating Diyos, ngunit ang mga bagay na hayag ay para sa atin at sa ating mga anak magpakailanman, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.