Add parallel Print Page Options

Ang mga Tuntunin tungkol sa Unang Bunga at Ikasampung Bahagi ng mga Ani

26 “Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, kumuha(A) kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’

“Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:

‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’

“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. 11 Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo.

12 “Sa(B) ikatlong taon, ibubukod ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani upang ibigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila, at sa mga balo upang sila'y may makain. Kapag nagawa na ito, 13 sasabihin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos, ‘Naibukod ko na po ang bahaging nakalaan sa inyo, at naibigay ko na sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at balo, ayon sa utos ninyo sa akin. Hindi ko nilabag o kinaligtaan isa man sa inyong utos. 14 Hindi ko binawasan ang ikasampung bahagi kahit sa panahon ng kahirapan. Hindi ko ito inilabas sa aking bahay nang ako'y marumi. Hindi ko rin iniatang sa mga patay ang bahagi nito. Dininig ko ang inyong tinig, Yahweh, aking Diyos. Sinunod kong lahat ang iniutos ninyo sa amin. 15 Kaya nga, tingnan ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit at pagpalain ninyo ang bayang Israel pati na ang lupaing ibinigay ninyo sa amin ayon sa pangako ninyo sa aming mga ninuno, ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.’

Bayang Nakalaan kay Yahweh

16 “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso't kaluluwa. 17 Ipinahayag ninyo ngayon na si Yahweh ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at papakinggan ang kanyang tinig. 18 Ipinahayag(C) naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayang hinirang, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. 19 Pagpapalain niya kayo higit sa lahat ng bansang kanyang itinatag. Kayo ang bansang nakalaan sa kanya. At tulad ng kanyang pangako, kayo ay tatanggap ng papuri, katanyagan at karangalan.”

Mga Handog mula sa Inani

26 “Kapag nakapasok ka sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana, at iyong naangkin at iyong tinitirhan;

kukunin(A) mo ang bahagi ng una sa lahat ng bunga ng lupain na iyong aanihin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, iyong isisilid sa isang buslo. Ikaw ay pupunta sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos, bilang tahanan ng kanyang pangalan.

Pupunta ka sa pari na nangangasiwa nang araw na iyon at sasabihin mo sa kanya, ‘Aking ipinahahayag sa araw na ito sa Panginoon mong Diyos, na ako'y dumating na sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa aming mga magulang na ibibigay sa amin.’

Kukunin ng pari ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harapan ng dambana ng Panginoon mong Diyos.

“At ikaw ay sasagot at magsasabi sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Ang aking ama ay isang lagalag na taga-Aram. Siya ay bumaba sa Ehipto at nanirahan doon, na iilan sa bilang, at doo'y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal.

Kami ay pinagmalupitan, pinahirapan at inatangan kami ng mabigat na pagkaalipin ng mga Ehipcio.

Kami ay dumaing sa Panginoon, sa Diyos ng aming mga ninuno at pinakinggan ng Panginoon ang aming tinig, kanyang nakita ang aming kahirapan, ang aming gawa, at ang aming kaapihan.

Inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto ng kamay na makapangyarihan, ng unat na bisig, ng malaking pagkasindak, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan;

at dinala niya kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing ito, na lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.

10 At ngayon, dala ko ang una sa mga bunga ng lupa na ibinigay mo sa akin, O Panginoon.’ Iyong ilalapag sa harapan ng Panginoon mong Diyos, at sasamba ka sa harapan ng Panginoon mong Diyos.

11 Kaya ikaw, kasama ang mga Levita at ang mga dayuhang naninirahang kasama mo, ay magdiriwang sa lahat ng kasaganaang ibinigay sa iyo ng Panginoon at sa iyong sambahayan.

12 “Pagkatapos(B) mong maibigay ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasampung bahagi, na ibinibigay ito sa Levita, sa mga dayuhan, sa ulila, sa babaing balo, upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga bayan, at mabusog,

13 kung gayo'y iyong sasabihin sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Aking inalis ang mga bagay na banal sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo, ayon sa lahat ng utos na iyong iniutos sa akin; hindi ko nilabag ang anuman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ang mga iyon.

14 Hindi ko iyon kinain habang ako'y nagluluksa, ni inilabas ko nang ako'y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay. Aking pinakinggan ang tinig ng Panginoon kong Diyos; aking ginawa ayon sa lahat ng iniutos mo sa akin.

15 Tumingin ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno, na isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.’

Ang Sariling Bayan ng Panginoon

16 “Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos na tuparin mo ang mga tuntunin at mga batas na ito; iyo ngang maingat na tutuparin ng buong puso at kaluluwa mo.

17 Ipinahayag mo sa araw na ito na ang Panginoon ay iyong Diyos, at ikaw ay lalakad sa kanyang mga daan, at iyong gaganapin ang kanyang mga tuntunin at mga utos at mga batas, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.

18 Ipinahayag(C) ng Panginoon sa araw na ito na ikaw ay isang sambayanan na kanyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, na iyong tutuparin ang lahat ng kanyang utos,

19 upang itaas ka sa lahat ng bansa na kanyang nilikha, sa ikapupuri, sa ikababantog, sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi.”

'Deuteronomio 26 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.