Deuteronomio 24
Ang Biblia, 2001
Paghihiwalay at Muling Pag-aasawa
24 “Kapag(A) ang isang lalaki ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, at kung ang babae ay hindi kalugdan ng kanyang paningin, sapagkat natagpuan niya itong may isang kahiyahiyang bagay, lalagda ang lalaki ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibibigay niya sa kanyang kamay. Kanyang palalabasin siya sa kanyang bahay,
2 at pagkaalis niya sa bahay ng lalaki ay makakahayo siya at makakapag-asawa sa ibang lalaki;
3 kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibigay sa kanyang kamay, at palabasin siya sa kanyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa na kumuha sa kanya upang maging asawa niya;
4 hindi na siya muling makukuha upang maging asawa ng kanyang unang asawa na humiwalay sa kanya, pagkatapos na siya'y marumihan; sapagkat iyo'y karumaldumal sa harapan ng Panginoon. Huwag mong dadalhan ng pagkakasala ang lupain na ibinibigay bilang pamana sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
Iba't ibang mga Batas
5 “Kapag ang isang lalaki ay bagong kasal, hindi siya lalabas upang sumama sa hukbo ni mamamahala ng anumang katungkulan. Siya'y magiging malaya sa bahay sa loob ng isang taon at kanyang pasasayahin ang kanyang asawa na kanyang kinuha.
6 “Walang taong kukuha ng gilingan o ng batong nasa itaas ng gilingan bilang isang sangla, sapagkat para na niyang kinuha bilang sangla ang buhay.
7 “Kung(B) ang sinuman ay matagpuang nagnanakaw ng sinuman sa kanyang mga kapatid sa mga anak ni Israel, at kanyang inalipin siya o ipinagbili siya, ang magnanakaw na iyon ay papatayin. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
8 “Mag-ingat(C) ka sa salot na ketong. Masikap mong gawin ang ayon sa lahat ng ituturo sa iyo ng mga paring Levita. Kung paanong iniutos ko sa kanila ay gayon mo isasagawa.
9 Alalahanin(D) mo ang ginawa ng Panginoon mong Diyos kay Miriam sa daan nang kayo'y lumalabas sa Ehipto.
10 “Kapag(E) ikaw ay magpapahiram sa iyong kapwa ng anumang bagay, huwag kang papasok sa kanyang bahay upang kunin ang kanyang sangla.
11 Ikaw ay tatayo sa labas, at ang taong iyong pinahihiram ang maglalabas ng sangla sa iyo.
12 Kung siya'y taong mahirap ay huwag kang matutulog na nasa iyo ang sangla niya.
13 Isasauli mo sa kanya ang sangla paglubog ng araw, upang siya'y matulog sa kanyang balabal at pagpalain ka. Ito ay magiging katuwiran mo sa harapan ng Panginoon mong Diyos.
14 “Huwag(F) mong pagmamalupitan ang isang upahang manggagawa na dukha at nangangailangan, maging siya'y mula sa iyong mga kapatid, o sa mga dayuhan na nasa lupain mo sa loob ng iyong mga bayan.
15 Ibibigay mo sa kanya ang kanyang upa sa araw na kinita niya iyon, bago lumubog ang araw sapagkat siya'y mahirap at itinalaga niya roon ang kanyang puso; baka siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo at maging kasalanan mo.
16 “Ang(G) mga magulang ay hindi papatayin dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawat tao'y papatayin dahil sa kanyang sariling kasalanan.
17 “Huwag(H) mong babaluktutin ang katarungan sa dayuhan ni sa ulila; ni huwag mong kukuning sangla ang damit ng babaing balo;
18 kundi aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa Ehipto at tinubos ka ng Panginoon mong Diyos mula roon; kaya't iniuutos ko sa iyong gawin mo ito.
19 “Kapag(I) inaani mo ang iyong ani sa bukid at nalimutan mo ang isang bigkis sa bukid ay huwag mong babalikan upang kunin iyon. Iyon ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo, upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay.
20 Kapag pinipitasan mo ang iyong puno ng olibo ay huwag mong babalikan ang mga nalampasan; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.
21 Kapag ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.
22 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto; kaya't iniuutos ko na gawin mo ito.