Add parallel Print Page Options

Nalupig ng Israel si Haring Sihon(A)

26 “At mula sa ilang ng Kedemot, nagpadala ako ng sugo kay Haring Sihon na taga-Hesbon upang mag-alok ng kapayapaan: 27 ‘Makikiraan kami sa iyong lupain. Hindi kami lilihis ng daan. 28 Babayaran namin ang aming kakainin at iinumin. Kung maaari'y paraanin mo lang kami 29 tulad ng ginawa ng mga anak ni Esau sa Seir at ng mga Moabita sa Ar. Makikiraan lamang kami para makarating sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa amin ni Yahweh, na aming Diyos.’

30 “Ngunit hindi niya ito pinahintulutan. Siya'y pinagmatigas ni Yahweh para matalo natin at makuha ang kanyang lupain na hanggang ngayon ay sakop natin.

31 “At sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ito na ang simula ng pagbagsak ng kaharian ni Haring Sihon sa inyong mga kamay; sakupin na ninyo ang kanyang lupain.’ 32 Sinalakay tayo ni Sihon at ng lahat ng kanyang mga tauhan sa Jahaz. 33 Ngunit siya at ang kanyang mga tauhan ay natalo natin sa tulong ni Yahweh. 34 Nasakop natin ang kanyang mga lunsod; giniba natin ang mga ito at walang itinirang buháy isa man sa mga tagaroon. 35 Ang kanilang mga hayop at ari-arian ay sinamsam natin. 36 Walang lunsod na hindi natin napasok, mula sa Aroer hanggang Gilead; lahat ay nasakop natin sa tulong ni Yahweh. 37 Ngunit hindi natin ginalaw ang lupain ng lahi ni Ammon, ang baybayin ng Ilog Jabok, at ang kaburulan, sapagkat iyon ang kabilin-bilinan ni Yahweh na ating Diyos.

Nalupig ng Israel si Haring Og(B)

“Nagpatuloy tayo papuntang Bashan ngunit pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan. Sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag kayong matakot sa kanya sapagkat matatalo ninyo sila tulad ng ginawa ninyo kay Haring Sihon ng Hesbon at sa mga Amoreo.’

“Sa tulong ni Yahweh, natalo nga natin si Haring Og at ang buong Bashan; wala tayong itinirang buháy isa man sa kanila. Nasakop natin ang animnapu nilang lunsod sa Argob, ang buong kaharian ni Og sa Bashan, ang maraming maliliit na nayon, at ang malalaki nilang lunsod na napapaligiran ng pader. Tulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Hesbon, nilipol natin sila pati mga kababaihan at mga bata. Ang itinira lamang natin ay ang mga hayop at iba pang ari-arian nilang sinamsam natin.

“Nasakop natin noon ang lupain ng dalawang haring Amoreo, ang lupain nila sa silangan ng Jordan, mula sa Ilog Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. (Sirion ang tawag ng mga taga-Sidon sa Bundok ng Hermon at Senir naman ang tawag doon ng mga Amoreo.) 10 Nasakop din natin ang mga lunsod sa matataas na kapatagan, ang buong Gilead, ang Bashan, hanggang Salca at Edrei, na pawang sakop ni Haring Og.”

(11 Si Haring Og lamang ang natira sa mga taga-Refaim. Ang kabaong[a][b] niyang bato ay apat na metro ang haba at dalawang metro ang lapad. Ito ay nasa Lunsod ng Rabba, sa lupain ng Ammon, hanggang ngayon.)

Footnotes

  1. Deuteronomio 3:11 kabaong: o kaya'y higaan .
  2. Deuteronomio 3:11 bato: o kaya'y bakal .