Deuteronomio 17-19
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
17 “Huwag kayong maghahandog sa Panginoon na inyong Dios ng baka o tupa na may kapintasan o kapansanan, dahil kasuklam-suklam ito sa Panginoon.
2 “Kung ang isang lalaki o babae na naninirahan sa isa sa mga bayan na ibinibigay ng Panginoon ay nahuling gumagawa ng masama sa paningin ng Panginoon na inyong Dios, sinira niya ang kasunduan sa Panginoon 3 at sumuway sa pamamagitan ng pagsamba sa ibang mga dios o sa araw o sa buwan o sa mga bituin; 4 kapag narinig ninyo ito, kailangang imbestigahan ninyo ito nang mabuti. Kung totoo ngang ginawa sa Israel ang kasuklam-suklam na bagay na ito, 5 dalhin ninyo ang taong gumawa ng masama sa pintuan ng lungsod at batuhin hanggang sa mamatay. 6 Pwede lang patayin ang tao kapag napatunayang nagkasala siya sa pamamagitan ng patotoo ng dalawa o tatlong saksi, pero kung isa lang ang saksi, hindi siya pwedeng patayin. 7 Ang mga saksi ang unang babato sa taong nagkasala, at susunod na babato ang lahat ng tao. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.
8 “Kung may mga kaso sa korte ninyo tungkol sa pagpatay, pag-aaway o pananakit na mahirap bigyan ng desisyon; ang gawin ninyo, dalhin ninyo ang kasong ito sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios 9 kung saan ang mga pari na mga Levita at ang mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon ang magdedesisyon sa kaso. 10 Kailangang tanggapin ninyo ang kanilang desisyon doon sa lugar na pinili ng Panginoon. Sundin ninyong mabuti ang lahat ng sinabi nila sa inyo. 11 Kung anuman ang kanilang napagdesisyunan ayon sa kautusan, dapat ninyo itong sundin. Huwag ninyong susuwayin ang sinabi nila sa inyo. 12 Ang taong hindi tatanggap sa desisyon ng hukom o ng pari na naglilingkod sa Panginoon na inyong Dios ay dapat patayin. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. 13 Kapag narinig ito ng lahat ng tao, matatakot sila at hindi na muling gagawa ng bagay na iyon.
Ang mga Hari
14 “Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios at maangkin na ninyo iyon at doon na kayo manirahan, sasabihin ninyo, ‘Pumili tayo ng hari na mamumuno sa atin katulad ng mga bansa sa palibot natin.’ 15 Siguraduhin ninyo na ang pipiliin ninyong hari ay ang pinili rin ng Panginoon na inyong Dios, at kailangang katulad ninyo siyang Israelita. Huwag kayong pipili ng dayuhan. 16 Hindi dapat mag-ipon ng maraming kabayo ang hari ninyo, at hindi niya dapat pabalikin sa Egipto ang mga tauhan niya para bumili ng mga kabayo, dahil sinabi ng Panginoong Dios sa inyo na huwag na kayong babalik doon. 17 Hindi siya dapat magkaroon ng maraming asawa dahil baka tumalikod siya sa Panginoon. At hindi dapat siya nagmamay-ari ng maraming pilak at ginto.
18 “Kung uupo na siya sa trono bilang hari, kailangan niyang kopyahin ang mga kautusang ito para sa kanyang sarili sa harapan ng mga pari na mga Levita. 19 Dapat niya itong ingatan at laging basahin sa buong buhay niya para matuto siyang gumalang sa Panginoon na kanyang Dios, at masunod niya nang mabuti ang lahat ng sinasabi ng mga kautusan at mga tuntunin. 20 Sa pamamagitan din ng laging pagbabasa nito, makakaiwas siya sa pagyayabang sa kapwa niya Israelita, at makakaiwas siya sa pagsuway sa mga utos ng Panginoon. Kung susundin niyang lahat ito, maghahari siya at ang kanyang angkan nang matagal sa Israel.
Mga Handog para sa mga Pari at sa mga Levita
18 “Ang mga pari na mga Levita, at ang iba pang mga sakop ng lahi ni Levi ay walang lupaing mamanahin sa Israel. Makakakain lang sila sa pamamagitan ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon, dahil ito ang kanilang mana. 2 Wala silang mamanahing lupain hindi tulad ng kapwa nila Israelita; ang Panginoon ang kanilang mana ayon sa ipinangako niya sa kanila.
3 “Balikat, pisngi at tiyan ang mga bahaging mula sa baka o tupa na mula sa handog ng mga tao ang nakalaan para sa mga pari. 4 Ibigay din ninyo sa mga pari ang naunang bahagi ng inyong trigo, bagong katas ng ubas, langis at balahibo ng tupa. 5 Sapagkat sa lahat ng lahi ng Israel, sila at ang kanilang mga angkan ang pinili ng Panginoon na inyong Dios para maglingkod sa kanya magpakailanman.
6 “Ang sinumang Levita na naninirahan sa kahit saang lugar ng Israel ay makakapunta sa lugar na pinili ng Panginoon, 7 at makapaglilingkod siya roon sa Panginoon na kanyang Dios, katulad ng kapwa niya Levita na naglilingkod doon sa presensya ng Panginoon. 8 Makakatanggap din siya ng kanyang bahagi sa mga handog kahit na mayroon pa siyang tinatanggap mula sa iba na kanyang ikinabubuhay.
Ang mga Kasuklam-suklam na Kaugalian
9 “Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag ninyong susundin ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga naninirahan doon. 10 Wala ni isa man sa inyo na magsusunog ng kanyang anak bilang handog. At huwag din kayong manghuhula, mangkukulam, 11 manggagaway, gumagawa ng mga ginagawa ng mga espiritista, at makikipag-usap sa espiritu ng mga patay. 12 Kinasusuklaman ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit palalayasin ng Panginoon na inyong Dios ang mga bansa sa inyong harapan. 13 Wala dapat kayong maging kapintasan sa harap ng Panginoon na inyong Dios.
Ang mga Propeta
14 “Ang mga bansang ito na palalayasin ninyo ay sumasangguni sa mga mangkukulam at mga manghuhula. Pero kayo, pinagbabawalan ng Panginoon na inyong Dios sa paggawa nito. 15 Sa halip, magpapadala sa inyo ang Panginoon na inyong Dios ng isang propeta na mula sa inyo at kadugo ninyo tulad ko. At kailangang makinig kayo sa kanya. 16 Sapagkat ito ang hinihingi ninyo sa Panginoon na inyong Dios nang magtipon kayo roon sa Horeb. Sinabi ninyo sa Panginoon, ‘Huwag nʼyong iparinig sa amin ang boses nʼyo o ipakita ang naglalagablab na apoy dahil baka mamatay kami.’
17 “Kaya sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Mabuti ang kanilang hinihingi. 18 Magpapadala ako sa kanila ng isang propeta na mula sa kanila at kadugo nila tulad mo. Ipasasabi ko sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanila. 19 Parurusahan ko ang sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi ng propeta na ito sa pamamagitan ng aking pangalan. 20 At kailangang patayin ang sinumang propetang magsasalita sa aking pangalan nang hindi ko inuutusan o magsasalita sa pangalan ng ibang dios.’
21 “Maaaring isipin ninyo, ‘Paano ba namin malalaman kung iyon nga ay mensahe ng Panginoon?’ 22 Kapag ang sinabi ng propeta na gumamit ng pangalan ng Panginoon ay hindi mangyari o magkatotoo, ang mensahe niya ay hindi galing sa Panginoon. Gawa-gawa lang iyon ng propeta, kaya huwag kayong matakot sa kanya.
Ang mga Lungsod na Tanggulan(A)
19 “Kapag nilipol na ng Panginoon na inyong Dios ang mga mamamayan na ang mga lupain ay ibinibigay niya sa inyo, at kapag napalayas na ninyo sila at doon na kayo naninirahan sa kanilang mga bayan at mga bahay, 2 pumili kayo ng tatlong lungsod na tanggulan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na aangkinin ninyo. 3 Hatiin ninyo sa tatlong distrito ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, na may isang lungsod na tanggulan sa bawat distrito. Ayusin ninyo ang mga daan papunta doon, para ang sinumang makapatay ng tao ay makakatakas papunta sa isa sa mga lungsod na iyon. 4 Kung nakapatay ng tao ang kanyang kapwa nang hindi sinadya at hindi dahil sa galit, makakatakas siya papunta sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon.
5 “Kung ang isang tao ay pumunta sa kakahuyan para mangahoy kasama ang kanyang kapitbahay, at habang pumuputol siya ng kahoy ay biglang natanggal ang ulo ng palakol niya at natamaan ang kapitbahay niya, at namatay ito, pwede siyang makatakas papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan at walang makakapanakit sa kanya doon. 6 Kung ang lungsod na tanggulan ay malayo sa taong nakapatay, baka habulin siya ng tao na gustong gumanti sa kanya, at mapatay siya. Pero hindi siya dapat patayin dahil hindi sinasadya ang pagkakapatay niya at wala naman siyang galit sa napatay. 7 Ito ang dahilan kung bakit ko kayo inuutusang pumili ng tatlong lungsod na tanggulan.
8 “Palalawakin ng Panginoon na inyong Dios ang teritoryo ninyo ayon sa ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at magiging inyo ang buong lupain na ipinangako niya sa kanila. 9 Gagawin ito ng Panginoon na inyong Dios kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng utos na iniuutos ko sa inyo ngayon, na mahalin ninyo ang Panginoon na inyong Dios at mamuhay kayong lagi ayon sa kanyang mga pamamaraan. Kapag lumawak na ang inyong lupain, magdagdag pa kayo ng tatlo pang bayan na tanggulan. 10 Gawin ninyo ito para walang inosenteng tao na mamamatay sa lupain ninyo, na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios bilang mana, at para hindi na kayo magkasala kung may inosenteng tao na mapatay.
11 “Ngunit kung ang isang tao ay napopoot sa kanyang kapwa at inabangan niya ito at pinatay, at pagkatapos ay tumakas siya papunta sa isa sa mga lungsod na tanggulan, 12 kailangang ipakuha siya ng mga tagapamahala ng kanyang bayan at ibigay sa gustong gumanti sa kanya para patayin siya. 13 Huwag kayong maaawa sa kanya. Kailangang alisin ninyo sa Israel ang pumapatay ng mga inosenteng tao para maging mabuti ang inyong kalagayan.
Ang Hangganan ng Lupa
14 “Kapag dumating na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, huwag ninyong nanakawin ang lupain ng inyong kapwa sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon[a] ng kanyang lupain na inilagay noon ng inyong ninuno.
Ang mga Saksi
15 “Huwag ninyong hahatulan na nagkasala ang isang tao dahil lang sa patotoo ng isang saksi. Kailangang may dalawa o tatlong saksi na magpapatotoo na ang isang tao ay nagkasala. 16 Kung ang isang saksi ay tatayo sa korte at magpapahayag ng kasinungalingan na nagkasala ang isang tao, 17 patatayuin silang dalawa sa presensya ng Panginoon, sa harap ng mga pari at ng mga hukom na naglilingkod sa panahong iyon. 18-19 Dapat itong imbestigahang mabuti ng mga hukom, at kung mapapatunayang nagsisinungaling nga ang saksi sa pamamagitan ng pambibintang sa kanyang kapwa, dapat siyang parusahan ng parusang dapat sana ay sa taong pinagbintangan niya. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. 20 Matatakot ang makakarinig nito at wala nang gagawa muli ng masamang gawang ito. 21 Huwag kayong magpakita ng awa. Kung pinatay ng isang tao ang kapwa niya, dapat din siyang patayin. Kung nambulag siya, dapat din siyang bulagin. Kung nambungi siya, dapat din siyang bungiin. Kung nambali siya ng kamay at paa, dapat ding baliin ang kamay at paa niya.
Footnotes
- 19:14 muhon: Tanda ng hangganan ng lupa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®