Deuteronomio 14-16
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Utos tungkol sa Pagluluksa sa Patay
14 “Mga anak kayo ng Panginoon na inyong Dios. Kaya kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong susugatan ang mga sarili ninyo o aahitan ang mga ulo ninyo. 2 Sapagkat mga mamamayan nga kayo ng Panginoon na inyong Dios. Sa lahat ng tao sa mundo, kayo ang kanyang pinili na maging espesyal niyang mga mamamayan.
Ang mga Hayop na Itinuturing na Malinis at Marumi(A)
3 “Huwag kayong kakain ng anumang hayop na itinuturing na marumi. 4 Ito ang mga hayop na pwede ninyong kainin: baka, tupa, kambing, 5 usa, mailap na kambing, mailap na tupa at iba pang klase ng usa.[a] 6 Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng kanilang kinain. 7 Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi biyak ang kuko, gaya ng kamelyo, kuneho at daga sa batuhan. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. 8 Huwag din ninyong kakainin ang baboy, dahil kahit biyak ang kuko nito, hindi naman nginunguya ang kinakain nito. Huwag ninyong kakainin ang mga hayop na ito o hahawakan ang kanilang patay na katawan.
9 “Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na nabubuhay sa tubig na may mga palikpik at mga kaliskis. 10 Pero huwag ninyong kainin ang walang palikpik at kaliskis. Ituring ninyo itong marumi. 11 Pwede ninyong kainin ang anumang klase ng ibon na itinuturing na malinis. 12-18 Pero huwag ninyong kakainin ang mga ibon katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.[b] 19 Huwag din ninyong kakainin ang mga insektong may pakpak na gumagapang. 20 Pero pwede ninyong kainin ang mga insektong itinuturing na malinis.
21 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na patay na. Maaari ninyo itong ipagbili sa mga dayuhan o ibigay sa mga dayuhang naninirahang sa bayan nʼyo, at kakainin nila ito. Pero huwag kayong kakain nito, dahil ibinukod kayo bilang mamamayan ng Panginoon na inyong Dios.
“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.
Ang Ikapu
22 “Dapat ninyong ibukod ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ng inyong bukid bawat taon. 23 Dalhin ninyo ang ikasampung bahagi ng trigo, bagong katas ng ubas at langis, at ang panganay ng inyong mga hayop sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Doon ninyo ito dalhin sa kanyang presensya. Gawin ninyo ito para matuto kayo na laging gumalang sa Panginoon na inyong Dios. 24 Pero kung malayo sa inyo ang lugar na pinili ng Panginoon, at mahihirapan kayo sa pagdadala ng ikasampung bahagi ng mga pagpapala ng Panginoon na inyong Dios, 25 ipagpalit ninyo ang ikasampung bahagi ninyo sa pilak at dalhin ninyo ito roon sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios. 26 Pagkatapos, ang pilak na iyon ang ipambili ninyo ng baka, tupa, katas ng ubas o ng iba pang inumin, o ng anumang magustuhan ninyo. Pagkatapos, kainin ninyo ito ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios at magsaya. 27 At huwag ninyong kalilimutan ang mga Levita na naninirahan sa bayan ninyo, dahil wala silang bahagi o lupang minana.
28 “Sa katapusan ng bawat tatlong taon, tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng ani ninyo sa taong iyon, at dalhin ninyo ito sa pinagtataguan nito sa mga bayan ninyo. 29 Ibigay ninyo ito sa mga Levita na walang lupang minana, sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo, sa mga ulila at sa mga biyuda sa bayan ninyo para makakain din sila at mabusog. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo.
Ang Taon ng Pagkansela ng Utang
15 “Sa katapusan ng bawat ikapitong taon, dapat ninyong kanselahin na ang lahat ng utang. 2 Ito ang gawin ninyo: Hindi na dapat singilin ng nagpautang ang utang ng kapwa niya Israelita. Hindi na niya ito sisingilin dahil umabot na ang panahon na itinakda ng Panginoon na kanselahin ang mga utang. 3 Pwede ninyong singilin ang mga dayuhan pero kanselahin dapat ninyo ang utang ng kapwa ninyo Israelita.
4 “Kailangang walang maging mahirap sa inyo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios na inyong aangkinin, dahil tiyak na pagpapalain niya kayo, 5 basta sundin ninyong mabuti ang Panginoon na inyong Dios at tuparin ang lahat ng utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. 6 Pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios ayon sa ipinangako niya sa inyo. Maraming bansa ang mangungutang sa inyo, pero kayo ay hindi mangungutang. Pamamahalaan ninyo ang maraming bansa pero hindi kayo mapamamahalaan.
7 “Kung may mahirap sa bayan ninyo, sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, huwag kayong maging maramot sa kanya. 8 Kundi maging mapagbigay kayo at pautangin ninyo siya ng kanyang mga pangangailangan. 9 Huwag kayong mag-iisip ng masama, na dahil sa malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagkakansela ng mga utang, hindi na lang kayo magpapautang sa mga kababayan ninyong mahihirap. Kapag dumaing sa akin ang mga mahihirap na ito dahil sa inyong ginawa, may pananagutan kayo. 10 Magbigay kayo sa kanila nang bukal sa loob. Kung gagawin ninyo ito, pagpapalain kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng inyong ginagawa. 11 Hindi maiiwasan na may mahihirap sa inyong bayan, kaya inuutusan ko kayong maging lubos na mapagbigay sa kanila.
Ang Pagpapalaya sa mga Alipin(B)
12 “Kung ang kapwa mo Hebreo, lalaki man o babae ay ipinagbili ang sarili niya sa iyo bilang alipin, at naglingkod siya sa iyo sa loob ng anim na taon, kailangang palayain mo siya sa ikapitong taon. 13 At kapag palalayain mo na siya, huwag mo siyang paaalisin na walang dala. 14 Bigyan mo siya nang saganang hayop, trigo at katas ng ubas ayon sa pagpapala ng Dios sa iyo. 15 Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Egipto at pinalaya rin kayo ng Panginoon na inyong Dios. Iyan ang dahilan kaya ibinibigay ko ang mga utos na ito sa inyo ngayon.
16 “Pero kung sabihin ng alipin mo sa iyo, ‘Hindi po ako aalis sa inyo dahil mahal ko kayo at ang pamilya ninyo, at mabuti ang kalagayan ko dito sa inyo,’ 17 dalhin mo siya sa pintuan ng bahay mo, butasan ang tainga niya at magiging alipin mo siya sa buong buhay niya. Ganito rin ang gawin mo sa iyong aliping babae.
18 “Huwag sasama ang loob mo kung palalayain mo ang alipin mo dahil ang halaga ng pagseserbisyo niya sa iyo sa loob ng anim na taon ay doble pa sa sweldo na tinatanggap ng isang trabahador. Kung gagawin mo ito, pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ginagawa mo.
19 “Ibukod ninyo para sa Panginoon na inyong Dios ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop. Huwag ninyong pag-aararuhin ang mga panganay ng inyong mga baka o pagugupitan ang mga panganay ng inyong mga tupa. 20 Sa halip, kainin ninyo ito at ng inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios bawat taon, sa lugar na pipiliin niya. 21 Pero kung may kapintasan ang hayop na ito, halimbawaʼy pilay o bulag o anumang malalang kapansanan, hindi ninyo ito dapat ihandog sa Panginoon na inyong Dios. 22 Sa halip, kainin ninyo ito sa inyong mga bayan. Ang lahat ay makakakain nito, itinuturing man siyang malinis o marumi, katulad ng pagkain ninyo ng usa at ng gasela. 23 Pero huwag ninyong kainin ang dugo, kundi ibuhos ninyo ito sa lupa gaya ng tubig.
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel(C)
16 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa buwan ng Abib[c] bilang pagpaparangal sa Panginoon na inyong Dios, dahil sa buwan na itoʼy inilabas niya kayo nang gabi sa Egipto. 2 Maghandog kayo ng tupa o baka bilang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ihandog ninyo ito para sa Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya, kung saan pararangalan siya. 3 Kainin ninyo ito kasama ng tinapay na walang pampaalsa. Sa loob ng pitong araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa gaya ng ginawa ninyo noong nagmamadali kayong umalis sa Egipto. Kainin ninyo ang tinapay na ito, ang simbolo ng inyong pagtitiis, para maalala ninyo sa buong buhay ninyo ang panahon na lumabas kayo sa Egipto. 4 Wala dapat makitang pampaalsa sa mga bahay ninyo sa buong bansa sa loob ng pitong araw. At ang karneng inihandog nang gabi ng unang araw ay walang matitira sa kinaumagahan.
5 “Bilang pagdiriwang sa Pista ng Paglampas ng Anghel, ang hayop na ihahandog ninyo ay huwag ninyong ihahandog sa kahit saang bayan na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, 6 kundi sa lugar lang na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Kailangang ihandog ninyo ito sa paglubog ng araw, ang oras na umalis kayo sa Egipto. 7 Lutuin ninyo ito at kainin sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios. Pagkaumaga, bumalik kayo sa inyong mga tolda. 8 Sa susunod na anim na araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw, huwag kayong magtrabaho, kundi magtipon kayo para sumamba sa Panginoon na inyong Dios.
Ang Pista ng Pag-aani(D)
9 “Bumilang kayo ng pitong linggo mula sa pag-uumpisa ng tag-ani. 10 Pagkatapos, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani para parangalan ang Panginoon na inyong Dios sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog na kusang-loob ayon sa mga pagpapala na natanggap ninyo mula sa Panginoon na inyong Dios. 11 At magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Magdiwang kayo kasama ang inyong mga anak, alipin at Levita na naninirahan sa inyong mga bayan, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa inyong mga bayan. 12 Alalahanin ninyo na naging mga alipin muna kayo sa Egipto, kaya sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ito.
Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(E)
13 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol sa loob ng pitong araw sa katapusan ng tag-ani, pagkatapos na magiik ninyo ang mga trigo at mapiga ang mga ubas. 14 Magsaya kayo sa pagdiriwang ninyo ng pistang ito kasama ng inyong mga anak, mga alipin, mga Levita, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa bayan ninyo. 15 Sa loob ng pitong araw, ipagdiwang ninyo ang Pistang ito para parangalan ang Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya. Sapagkat pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ani ninyo at ang lahat ng ginagawa ninyo, at magiging lubos ang inyong kaligayahan.
16 “Bawat taon, dapat makiisa ang bawat lalaki sa tatlong pistang ito: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Pupunta ang bawat isa sa kanila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, 17 at nararapat na magdala sila ng handog sa Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios.
Ang mga Hukom
18 “Maglagay kayo ng mga hukom at opisyal sa bawat lahi ninyo sa lahat ng bayan na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sila ang maghuhukom sa mga mamamayan nang walang pinapanigan. 19 Huwag nilang babaluktutin ang hustisya at dapat wala silang pinapaboran sa paghuhukom. Huwag silang tatanggap ng suhol dahil makakabulag ito sa marurunong at matutuwid, at makakaimpluwensya sa desisyon nila. 20 Dapat mangibabaw ang tamang hustisya para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.
Ang Pagsamba sa Ibang mga Dios-diosan
21 “Huwag kayong magpapatayo ng poste na simbolo ng diosang si Ashera sa tabi ng altar na ginawa ninyo para sa Panginoon na inyong Dios, 22 at huwag kayong magpapatayo ng mga alaalang bato para sambahin, dahil kinasusuklaman ito ng Panginoon na inyong Dios.
Footnotes
- 14:5 Ang ibang mga hayop dito sa tekstong Hebreo ay mahirap kilalanin at ang iba ay wala rito sa Pilipinas.
- 14:12-18 paniki: o, paniking-bahay. Itinuturing ito na ibon ng mga Israelita.
- 16:1 buwan ng Abib: Unang buwan sa kalendaryo ng Hebreo, mula sa kalagitnaan ng Marso hanggang sa kalagitnaan ng Abril.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®