Deuteronomio 12
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Tanging Lugar ng Pagsamba
12 “Ito ang mga tuntunin na kailangan ninyong sundin sa buong panahon ng inyong paninirahan sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. 2 Gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng pagsamba ng mga tao roon sa kanilang mga diyus-diyosan: sa itaas ng mga bundok, sa mga burol, at sa lilim ng mga punongkahoy. 3 Gibain(A) ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, sunugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, durugin ang kanilang mga diyus-diyosan, at alisin sa lugar na iyon ang anumang bakas nila.
4 “At sa pagsamba ninyo sa Diyos ninyong si Yahweh, huwag kayong tutulad sa kanila na sumasamba sa kanilang mga diyus-diyosan kahit saan maibigan. 5 Sa halip, hanapin ninyo ang lugar na pipiliin ni Yahweh sa lupain ng isa sa inyong mga lipi; doon lamang niya ipahahayag ang kanyang pangalan at iyon ang ituturing niyang tahanan. 6 Doon ninyo siya sasambahin at doon iaalay ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog tulad ng ikasampung bahagi, handog mula sa inyong ani, pangakong handog, kusang handog, ang mga unang bunga ng pananim, at ang panganay na anak ng inyong mga alagang hayop. 7 Doon din kayo magsasalu-salo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos bilang pasasalamat sa mga pagpapala niya sa inyo.
8 “Hindi na ninyo magagawa roon ang ginagawa ninyo rito ngayon. Nagagawa ninyo ngayon ang anumang magustuhan ninyo, 9 sapagkat wala pa kayo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. 10 Ngunit pagkatawid ninyo ng Jordan, kapag kayo'y nasa lupaing inyong pupuntahan, nalipol na ninyo ang inyong mga kaaway, at panatag na ang inyong pamumuhay, iba na ang inyong gagawin. 11 Ialay ninyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog, tulad ng ikapu, handog mula sa inyong mga ani, at mga pangakong handog. 12 Magdiwang kayo sa harapan ni Yahweh, kasama ang inyong mga anak at mga alipin. Isama rin ninyo ang mga Levita, sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain. 13 Ngunit huwag na huwag kayong magsusunog ng handog kahit saan ninyo maibigan. 14 Doon lamang ninyo iaalay ang mga handog na susunugin at gagawin ang lahat ng iniuutos ko sa inyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh mula sa lupain ng isa sa inyong mga lipi.
15 “Kahit saan ay maaari kayong magpatay ng hayop at maaaring kumain ng karne nito hanggang gusto ninyo, katulad ng pagkain ng usa. Maaaring kumain nito pati ang mga itinuturing na marumi. 16 Ngunit(B) huwag ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa. 17 Hindi rin ninyo maaaring kainin sa inyong mga tirahan ang mga ito: ang ikasampung bahagi ng inyong mga ani, alak at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang pangakong handog, kusang handog, at iba pang handog. 18 Ang mga ito ay maaari lamang ninyong kainin sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh, sa lugar na pipiliin niya. Maaari ninyong makasalo ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita bilang pagdiriwang dahil sa pagpapala sa inyo ni Yahweh. 19 Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang kayo'y nasa inyong lupain.
20 “Kapag napalawak na ni Yahweh ang lupaing nasasakop ninyo at ibig na ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo. 21 Kung kayo'y malayo sa lugar ng pagsamba na pinili niya, maaari ninyong patayin ang isa sa inyong mga hayop, 22 at kainin tulad ng pagkain ng usa. Lahat ay maaari nang kumain, maging ang taong itinuturing na malinis o marumi. 23 Ngunit(C) huwag ninyong kakainin ang dugo sapagkat nasa dugo ang buhay; ang sangkap ng buhay ay hindi dapat kainin. 24 Huwag na huwag ninyong kakainin ang dugo, sa halip ay patuluin ito sa lupa. 25 Huwag ninyong kakainin iyon; magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh. 26 Ang lahat ng handog na dapat ninyong ibigay at ang inyong pangakong handog ay dadalhin ninyo sa lugar na pipiliin niya. 27 Ang inyong mga handog na susunugin, laman at dugo, ay ihahain ninyo sa altar niya. Ibubuhos ninyo sa altar ang dugo, at ang laman ay maaari ninyong kainin. 28 Sundin ninyong mabuti ang mga tagubilin ko sa inyo at magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak sa habang panahon, sapagkat ang pagsunod na ito'y tama at katanggap-tanggap kay Yahweh na inyong Diyos.
Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
29 “Kapag napalayas na ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tao sa lupaing iyon at kayo na ang nakatira roon, 30 huwag ninyong tutularan ang kasuklam-suklam nilang gawain. Huwag na ninyong alamin pa kung paano sila sumamba sa mga diyos nila, baka gayahin pa ninyo ang mga iyon. 31 Huwag ninyong gagawin kay Yahweh ang karumal-dumal na gawain nila sa pagsamba sa kanilang diyus-diyosan gaya ng pagsusunog ng kanilang anak bilang handog.
32 “Sundin(D) ninyong mabuti ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan.
Deuteronomio 12
Ang Biblia (1978)
Ang lahat ng paghahandog ay gagawin sa iisang dako.
12 Ito (A)ang mga palatuntunan at mga kahatulan na inyong isasagawa sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang upang ariin, sa (B)lahat ng mga araw na inyong ikabubuhay sa ibabaw ng lupa.
2 Tunay na gigibain ninyo ang lahat ng mga dako, na pinaglilingkuran sa kanilang dios ng mga bansang inyong aariin, (C)sa ibabaw ng matataas na bundok, at sa ibabaw ng mga burol, at sa lilim ng bawa't punong kahoy na sariwa:
3 (D)At iyong iwawasak ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputol-putulin ang kanilang mga haliging pinakaalaala, at susunugin ang kanilang mga Asera sa apoy; at inyong ibubuwal ang mga larawang inanyuan na kanilang mga dios; at inyong papawiin ang kanilang pangalan sa dakong yaon.
4 (E)Huwag kayong gagawa ng ganito sa Panginoon ninyong Dios.
5 Kundi sa (F)dakong (G)pipiliin ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng inyong mga lipi na paglalagyan ng kaniyang pangalan, sa makatuwid baga'y sa kaniyang tahanan ay inyong hahanapin, at doon kayo paroroon:
6 At doon ninyo dadalhin ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, at ang (H)inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang inyong mga panata, at ang inyong mga kusang handog, at ang mga panganay sa inyong mga bakahan at sa inyong mga kawan:
7 At (I)doon kayo kakain sa harap ng Panginoon ninyong Dios, (J)at kayo'y mangagagalak sa lahat na kalagyan ng inyong kamay, kayo at ang inyong mga sangbahayan kung saan ka pinagpala ng Panginoon mong Dios.
8 Huwag ninyong gagawin ang ayon sa lahat ng mga bagay na ating ginagawa dito sa araw na ito, (K)na ang magalingin ng bawa't isa sa kaniyang paningin;
9 Sapagka't hindi pa kayo nakararating sa kapahingahan at sa mana, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon ninyong Dios.
10 Datapuwa't (L)pagtawid ninyo ng Jordan, at pagtahan sa lupain na ipinamamana sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, at pagkabigay niya sa inyo ng kapahingahan sa lahat ng inyong mga kaaway sa palibot, na ano pa't kayo'y tumahang tiwasay;
11 Ay mangyayari nga, na (M)ang dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan ay doon ninyo dadalhin ang lahat na aking iniuutos sa inyo; ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang lahat ng inyong piling panata na inyong ipinananata sa Panginoon:
12 At (N)kayo'y magagalak sa harap ng Panginoon ninyong Dios, kayo at ang inyong mga anak na lalake at babae, at ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang Levita na nasa loob ng inyong mga pintuang-daan, sapagka't siya'y (O)walang bahagi ni mana na kasama ninyo.
13 (P)Magingat ka na huwag mong ihahandog ang iyong handog na susunugin sa alinmang dakong iyong makikita:
14 (Q)Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon sa isa sa iyong mga lipi ay doon mo ihahandog ang iyong mga handog na susunugin, at doon mo gagawin ang lahat na aking iniuutos sa iyo.
Batas tungkol sa pagkain ng karne.
15 Gayon ma'y makapapatay ka at makakakain ka ng karne sa loob ng lahat ng iyong mga pintuang-daan, (R)ayon sa buong nasa ng iyong kaluluwa, (S)ayon sa pagpapala ng Panginoon mong Dios na kaniyang ibinigay sa iyo: ang marumi at ang malinis ay makakakain niyaon, (T)gaya ng maliit na usa, at gaya ng malaking usa.
16 Huwag lamang ninyong kakanin (U)ang dugo; iyong ibubuhos sa lupa na parang tubig.
17 Hindi mo makakain sa loob ng iyong mga pintuang-daan ang ikasangpung bahagi ng iyong trigo, o ng iyong alak, o ng iyong langis, o ng mga panganay sa iyong bakahan o sa iyong kawan, ni anoman sa iyong mga panata na iyong ipananata, ni ang iyong mga kusang handog, ni ang handog na itataas ng iyong kamay:
18 (V)Kundi iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios, kakanin mo, at ng iyong anak na lalake at babae, at ng iyong aliping lalake at babae, at ng Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan: at kagagalakan mo sa harap ng Panginoon mong Dios, ang lahat ng kalagyan ng iyong kamay.
19 (W)Ingatan mong huwag mong pabayaan ang Levita samantalang nabubuhay ka sa iyong lupain.
20 Pagka palalakihin ng Panginoon mong Dios ang iyong hangganan, (X)gaya ng kaniyang ipinangako sa iyo, at iyong sasabihin, Ako'y kakain ng karne, sapagka't nasa mong kumain ng karne; ay makakakain ka ng karne, ayon sa buong nasa mo.
21 Kung ang dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios na paglalagyan ng kaniyang pangalan ay totoong malayo sa iyo, ay papatay ka nga sa iyong bakahan at sa iyong kawan, na ibinigay sa iyo ng Panginoon, gaya ng iniutos ko sa iyo, at makakakain ka sa loob ng iyong mga pintuang-daan, ayon sa buong nasa mo.
22 Kung paano ang pagkain sa maliit at malaking usa, ay gayon kakanin; ang marumi at ang malinis ay kapuwang makakakain niyaon.
23 (Y)Lamang ay pagtibayin mong hindi mo kakanin ang dugo: (Z)sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman.
24 Huwag mong kakanin yaon; iyong ibubuhos sa ibabaw ng lupa na parang tubig.
25 Huwag mong kakanin yaon; (AA)upang ikabuti mo, at (AB)ng iyong mga anak pagkamatay mo, kung iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon.
26 (AC)Ang iyo lamang mga itinalagang bagay na tinatangkilik mo, at (AD)ang iyong mga panata, ang iyong dadalhin, at yayaon ka sa dakong pipiliin ng Panginoon:
27 At (AE)iyong ihahandog ang iyong mga handog na susunugin, ang laman at ang dugo, sa ibabaw ng dambana ng Panginoon mong Dios: at ang dugo ng iyong mga hain ay ibubuhos sa ibabaw ng dambana ng Panginoon mong Dios; at iyong kakanin ang karne.
28 Iyong sundin at dinggin ang lahat ng mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo, upang magpakailan man ay ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, pagka iyong ginawa ang mabuti at matuwid sa paningin ng Panginoon mong Dios.
29 (AF)Pagka naihiwalay ng Panginoon mong Dios sa harap mo, ang mga bansa na iyong pinapasok upang ariin, at iyong halinhan sila, at nakatahan ka sa kanilang lupain,
30 (AG)Ay magingat ka na huwag masilong sumunod sa kanila, pagkatapos na sila'y malipol sa harap mo; at huwag kang magusisa ng tungkol sa kanilang mga dios, na magsabi, Paanong naglilingkod ang mga bansang ito sa kanilang mga dios? na gayon din ang gagawin ko.
31 Huwag (AH)mong gagawing gayon sa Panginoon mong Dios: sapagka't bawa't karumaldumal sa Panginoon, na kaniyang kinapopootan, ay kanilang ginagawa sa kanilang mga dios; sapagka't (AI)pati ng kanilang mga anak na lalake at babae ay kanilang sinusunog sa apoy sa kanilang mga dios.
32 Kung (AJ)anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong isasagawa: huwag mong dadagdagan, ni babawasan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
