Add parallel Print Page Options

Sinariwa ni Moises ang Pangako ni Yahweh

Ito ang tagubilin ni Moises sa buong Israel nang sila'y nasa ilang sa ibayo ng Jordan, sa Araba. Ito ay nasa tapat ng Suf, sa pagitan ng bayan ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Di-zahab. (Labing-isang araw ang paglalakbay mula sa Sinai[a] hanggang sa Kades-barnea kung sa kaburulan ng Seir dadaan.) Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon mula nang sila'y umalis sa Egipto, sinabi ni Moises sa mga Israelita ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh. Nalupig(A) na niya noon ang mga haring Amoreo na sina Sihon ng Hesbon, at Og ng Bashan na nakatira sa Astarot at Edrei. Ipinaliwanag ni Moises ang kautusang ito nang sila'y nasa lupain ng Moab sa silangan ng Jordan.

Ang sabi niya, “Nang tayo'y nasa Sinai,[b] ganito ang sinabi sa atin ni Yahweh na ating Diyos, ‘Matagal-tagal na rin kayong nakatigil sa bundok na ito. Magpatuloy na kayo ng paglalakbay papunta sa kaburulang tinitirhan ng mga Amoreo at sa mga karatig na lugar sa Araba, sa kaburulan, kapatagan, sa katimugang disyerto at sa baybay-dagat, samakatuwid ang buong lupain ng Canaan at Lebanon hanggang sa Ilog Eufrates. Sakupin ninyo ang lupaing ito na inihanda ko para sa inyo. Iyan ang lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’”

Ang Pagpili sa mga Hukom(B)

Patuloy pa ni Moises, “Sinabi ko sa inyo noon na hindi ko na kayo kayang pamahalaang mag-isa. 10 Pinarami kayo ni Yahweh na ating Diyos, at ngayon ay sindami na tayo ng bituin sa langit. 11 Nawa'y pagpalain niya kayo, at tulad ng kanyang pangako, paramihin nawa niya kayo ng sanlibo pang ulit. 12 Ngunit paano ko pa magagampanan ang aking tungkulin sa inyo at maigagawad ang angkop na hatol para sa inyong mga usapin? 13 Kaya, pinapili ko kayo ng mga taong matalino, maunawain at may sapat na karanasan upang italaga kong tagapamahala ninyo, 14 at sumang-ayon naman kayo sa akin. 15 Kaya't pumili kayo noon ng mga lalaking kilala sa inyong mga lipi, mga lalaking may talino at sapat na karanasan. Sila'y inilagay kong tagapamahala ng bawat angkan. Ang ilan sa kanila ay naging tagapamahala sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.

16 “Ipinagbilin ko sa kanila noon na pag-aralang mabuti ang usaping idudulog sa kanila, at igawad ang kaukulang hatol nang walang kinikilingan, maging sa katutubong Israelita o sa dayuhan man. 17 Dapat maging pantay-pantay ang kanilang paghatol sa mga tao; ibibigay nila ang katarungan sa bawat tao, maging sinuman siya. Huwag silang matatakot kaninuman sapagkat ang ihahatol nila ay mula sa Diyos. Kung inaakala nilang mabigat ang usapin, dalhin nila ito sa akin at ako ang hahatol. 18 Sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.

Isinugo ang mga Espiya(C)

19 “Bilang pagsunod sa utos ni Yahweh, nagpatuloy tayo ng paglalakbay mula sa Sinai.[c] Pinasok natin ang napakalawak at nakakatakot na ilang bago tayo nakarating sa kaburulan ng mga Amoreo. At narating nga natin ang Kades-barnea. 20 Sinabi ko sa inyo noon, ‘Narito na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo, sa lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos. 21 Ang lupaing ito'y inihanda na niya sa atin. Huwag na kayong mag-atubili ni matakot man. Sakupin na ninyo agad iyon tulad ng ipinagbilin sa atin ng Diyos ng ating mga ninuno.’ 22 Ngunit hiniling ninyo na magpadala muna tayo ng mga espiya upang pag-aralan kung paano natin papasukin ang lugar na iyon. 23 Sa tingin ko'y mabuti ang sinabi ninyo, kaya pumili ako ng labindalawang kalalakihan, isa sa bawat lipi. 24 Pumunta sila sa kaburulang iyon hanggang sa libis ng Escol at doo'y nagsiyasat. 25 Nang sila'y magbalik, may dala silang mga prutas mula roon, at sinabi nilang maganda ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh.

26 “Ngunit(D) hindi kayo nagpunta; sa halip ay sinuway ninyo ang utos ni Yahweh. 27 Lihim kayong nag-usap-usap sa inyong mga tolda. Ang sabi ninyo, ‘Marahil ay galit sa atin si Yahweh kaya niya tayo inilabas sa Egipto at dinala rito upang ipapatay sa mga Amoreo. 28 Paano tayo makakarating sa lupaing iyon. Nakakatakot palang pumunta roon. Mas malalaki pala kaysa sa atin ang mga tao roon, malalaki ang lunsod, at ang pader ay abot sa langit; may mga higante pa roon!’

29 “Ang sabi ko naman sa inyo, ‘Huwag kayong matakot sa kanila 30 sapagkat si Yahweh ang mangunguna sa inyo at ipaglalaban niya kayong tulad ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto at sa ilang. 31 Dinala(E) niya kayong ligtas hanggang sa lugar na ito tulad ng pagkalong ng isang ama sa kanyang anak.’ 32 Sa(F) kabila ng sinabi ko'y hindi pa rin kayo nagtiwala sa kanya 33 gayong siya ang nanguna sa inyo. Pinatnubayan niya kayo sa pamamagitan ng haliging apoy kung gabi, at haliging ulap kung araw, at itinuro sa inyo ang inyong daraanan at ang inyong pagkakampuhan.

Pinarusahan ni Yahweh ang Israel(G)

34 “Narinig(H) ni Yahweh ang usapan ninyo, at siya'y nagalit. Dahil dito, isinumpa niya: 35 ‘Isa man sa inyo ay hindi makakarating sa lupaing aking ipinangako sa inyong mga ninuno, 36 maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Siya lamang ang makakapasok doon. Ibibigay ko sa kanya at sa kanyang magiging angkan ang lupaing maaabot niya sapagkat lubusan siyang sumunod sa akin.’ 37 Nagalit din sa akin si Yahweh dahil sa inyo. Sinabi niya, ‘Kahit ikaw, Moises, ay hindi makakapasok sa lupaing iyon. 38 Ang kanang kamay mong si Josue ang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop nila sa lupaing iyon.’

39 “Sinabi rin niya, ‘Makakarating doon ang mga maliliit ninyong anak na hindi pa nakakaalam ng mabuti at masama—ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng mga kaaway. Ibibigay ko sa kanila ang lupain at sasakupin nila ito. 40 Ngunit kayo'y babalik sa ilang papuntang Dagat na Pula.’[d]

Ang Pagkatalo ng Israel sa Horma(I)

41 “Sinabi naman ninyo sa akin noon, ‘Nagkasala kami kay Yahweh. Pupunta na kami roon at makikipaglaban tulad ng iniutos niya sa amin.’ At kayong lahat ay dali-daling nagsakbat ng sandata sapagkat akala ninyo'y madali lamang ang paglusob sa kaburulan ng mga Amoreo.

42 “Ipinapigil kayo sa akin ni Yahweh sapagkat hindi niya kayo papatnubayan, at malulupig lamang kayo ng inyong sasalakayin. 43 Ngunit hindi kayo nakinig sa akin. Sinuway ninyo ang utos ni Yahweh at nagpatuloy kayo sa inyong paglusob. 44 Kaya naman parang mga bubuyog na dinagsa kayo ng mga Amoreo; ginapi nila kayo at tinugis hanggang Horma. 45 Dumaing kayo kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo pinakinggan o pinansin man lamang.

Ang mga Taon sa Ilang

46 “Kaya, napilitan kayong tumigil nang matagal sa Kades.

Footnotes

  1. Deuteronomio 1:2 Sinai: o kaya'y Horeb .
  2. Deuteronomio 1:6 Sinai: o kaya'y Horeb .
  3. Deuteronomio 1:19 Sinai: o kaya'y Horeb .
  4. Deuteronomio 1:40 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .