Daniel 6
Ang Biblia, 2001
Si Daniel sa Yungib ng mga Leon
6 Minabuti ni Dario na magtalaga sa kaharian ng isandaan at dalawampung satrap, na mamamahala sa buong kaharian.
2 Ang namumuno sa kanila'y tatlong pangulo, na isa sa kanila ay si Daniel. Ang mga tagapamahalang ito ay magbibigay-sulit sa kanila upang ang hari ay huwag malagay sa panganib.
3 Hindi nagtagal, si Daniel ay nangibabaw sa lahat ng ibang mga pangulo at sa mga satrap, sapagkat taglay niya ang isang di-pangkaraniwang espiritu; at pinanukala ng hari na italaga siya upang mamuno sa buong kaharian.
4 Nang magkagayo'y sinikap ng mga pangulo at ng mga tagapamahala na makakita ng batayan upang makapagsumbong laban kay Daniel tungkol sa kaharian. Ngunit hindi sila makakita ng anumang batayan upang makapagsumbong o anumang pagkukulang sapagkat tapat siya, at walang kamalian ni pagkukulang na natagpuan sa kanya.
5 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, “Hindi tayo makakatagpo ng anumang batayan na maisusumbong laban sa Daniel na ito, malibang ito'y ating matagpuan na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”
6 Kaya't ang mga pangulo at mga tagapamahalang ito ay dumating na magkakasama sa hari, at sinabi sa kanya, “O Haring Dario, mabuhay ka magpakailanman!
7 Lahat ng mga pangulo ng kaharian, mga kinatawan, mga tagapamahala, mga tagapayo, at ang mga gobernador, ay nagkasundo na ang hari ay dapat gumawa ng isang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na sinumang manalangin sa sinumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari ay ihahagis sa yungib ng mga leon.
8 Ngayon, O hari, pagtibayin mo ang pagbabawal, at lagdaan mo ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia na hindi maaaring pawalang-bisa.”
9 Kaya't nilagdaan ni Haring Dario ang kasulatan at ang pagbabawal.
10 Nang malaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan na, siya'y pumasok sa kanyang bahay na ang mga bintana ay bukas paharap sa Jerusalem. At siya'y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, na nananalangin, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya nang kanyang dating ginagawa.
11 Nang magkagayo'y nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito at natagpuan si Daniel na nananalangin at sumasamo sa kanyang Diyos.
12 Kaya't lumapit sila at nagsalita sa harapan ng hari tungkol sa ipinagbabawal ng hari, “O hari! Hindi ba lumagda ka ng isang pagbabawal, na sinumang tao na humingi sa kanino mang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Ang hari ay sumagot, “Ang pagbabawal ay matatag, ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia, na hindi maaaring pawalang-bisa.”
13 Nang magkagayo'y sumagot sila sa hari, “Ang Daniel na iyon na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi nakikinig sa iyo, O hari, maging ang pagbabawal man na iyong nilagdaan, kundi nananalangin ng tatlong ulit sa loob ng isang araw.”
14 Nang marinig ng hari ang mga salitang ito, siya ay lubhang nabahala. Ipinasiya niyang iligtas si Daniel, at hanggang sa paglubog ng araw ay kanyang pinagsikapang iligtas siya.
15 At nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito sa hari at sinabi sa kanya, “Alalahanin mo, O hari, na isang batas ng mga taga-Media at ng mga taga-Persia na walang pagbabawal o utos man na pinagtibay ng hari ang maaaring baguhin.”
16 Nang magkagayo'y nag-utos ang hari, at dinala si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon. Nagsalita ang hari at sinabi kay Daniel, “Ang iyo nawang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ang siyang magligtas sa iyo!”
17 Dinala ang isang bato at inilagay sa bunganga ng yungib, at tinatakan ng hari ng kanyang sariling pantatak at ng pantatak ng kanyang mga maharlika upang walang anumang bagay na mabago tungkol kay Daniel.
18 Umuwi ang hari sa kanyang palasyo, at pinalipas ang buong magdamag na nag-aayuno. Walang libangang dinala sa kanya at ayaw siyang dalawin ng antok.
19 Nang mag-uumaga na, ang hari ay bumangon at nagmamadaling pumunta sa yungib ng mga leon.
20 Nang siya'y mapalapit sa yungib na kinaroroonan ni Daniel, siya'y sumigaw na may pagdadalamhati at sinabi kay Daniel, “O Daniel, lingkod ng buháy na Diyos, ang iyo bang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ay nakapagligtas sa iyo sa mga leon?”
21 Sinabi naman ni Daniel sa hari, “O hari, mabuhay ka magpakailanman!
22 Isinugo ng aking Diyos ang kanyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon. Hindi nila ako sinaktan sapagkat ako'y natagpuang walang sala sa harap niya at gayundin sa harapan mo. O hari, wala akong ginawang kasalanan.”
23 Nang magkagayo'y tuwang-tuwa ang hari, at ipinag-utos na kanilang iahon si Daniel mula sa yungib. Kaya't iniahon si Daniel mula sa yungib, at walang anumang sugat na natagpuan sa kanya sapagkat siya'y nagtiwala sa kanyang Diyos.
24 Ang hari ay nag-utos, at ang mga lalaking nagparatang kay Daniel ay kanilang hinuli at sila'y inihagis sa yungib ng mga leon—sila, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa. Hindi pa man sila umaabot sa ibaba ng yungib, ang mga leon ay nanaig sa kanila, at pinagputul-putol ang lahat nilang mga buto.
25 Nang magkagayo'y sumulat ang haring si Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: “Kapayapaa'y sumagana sa inyo.
26 Ako'y nag-uutos na sa lahat ng sakop ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat manginig at matakot sa Diyos ni Daniel:
Sapagkat siya ang buháy na Diyos,
at nananatili magpakailanman.
Ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak,
at ang kanyang kapangyarihan ay walang katapusan.
27 Siya'y nagliligtas at nagpapalaya,
siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa,
sapagkat iniligtas niya si Daniel
mula sa kapangyarihan ng mga leon.”
28 Kaya't ang Daniel na ito ay umunlad sa panahon ng paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga-Persia.
Daniel 6
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Inihulog si Daniel sa Kulungan ng mga Leon
6 Pumili si Haring Darius ng 120 gobernador para mamahala sa kanyang buong kaharian. 2 Ang mga gobernador na itoʼy nasa ilalim ng pamamahala ng tatlong administrador, at isa sa kanila ay si Daniel. Ginawa ito para hindi mahirapan sa pamamahala ang hari. 3 Si Daniel ang natatangi sa kanilang lahat dahil sa kanyang pambihirang kakayahan, kaya binalak ng hari na siya ang gawing tagapamahala ng buong kaharian. 4 Dahil dito, ang dalawa pang kasama niyang administrador at mga gobernador ay naghanap ng kamalian sa pamamahala ni Daniel para paratangan siya. Pero wala silang makita, dahil si Daniel ay tapat sa kanyang tungkulin at maaasahan. 5 Kaya sinabi nila, “Wala tayong maipaparatang sa kanya maliban kung hahanap tayo ng kasalanan na may kaugnayan sa Kautusan ng kanyang Dios.”
6 Kaya pumunta sila sa hari at sinabi, “Mahal na Hari! 7 Kaming mga administrador, mayor, gobernador, tagapayo, at mga komisyoner ng inyong kaharian ay nagkasundong hilingin sa inyo na gumawa ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa sinumang dios o tao maliban sa inyo. At dapat itong sundin, dahil ang sinumang susuway sa utos na ito ay itatapon sa kulungan ng mga leon. 8 Kaya Mahal na Hari, magpalabas na po kayo ng ganoong kautusan. Ipasulat nʼyo po at lagdaan para hindi na mabago o mapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.”
9 Pumayag si Haring Darius, kaya nilagdaan niya ang kautusang iyon. 10 Nang malaman ni Daniel na lumagda ang hari, umuwi siya at pumunta sa kanyang silid na nasa itaas na bahagi ng bahay, kung saan nakabukas ang bintana na nakaharap sa Jerusalem. Doon lumuhod siya, nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Dios, tatlong beses sa isang araw, ayon sa kanyang nakaugalian. 11 Pero sinusubaybayan pala siya ng mga opisyal na kumakalaban sa kanya, at nakita nila siyang nananalangin at nagpupuri sa kanyang Dios. 12 Kaya pumunta sila sa hari at sinabi ang paglabag ni Daniel sa kautusan. Sinabi nila sa hari, “Mahal na Hari, hindi baʼt lumagda kayo ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa alin mang dios o tao maliban sa inyo? At ang sinumang lumabag sa kautusang iyon ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon?”
Sumagot ang hari, “Totoo iyon, at hindi na iyon mababago o mapapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.”
13 Sinabi nila sa hari, “Si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi sumusunod sa inyong utos. Nananalangin siya sa kanyang Dios ng tatlong beses sa isang araw.” 14 Nang marinig ito ng hari, nabalisa siya ng sobra. Nais niyang tulungan si Daniel, kaya buong maghapon siyang nag-isip at naghanap ng paraan para mailigtas si Daniel.
15 Nagtipong muli ang mga opisyal ng hari at sinabi, “Mahal na Hari, alam nʼyo naman na ayon sa kautusan ng Media at Persia, kapag nagpalabas ang hari ng kautusan ay hindi na ito maaaring baguhin.”
16 Kaya iniutos ng hari na hulihin si Daniel at ihulog sa kulungan ng mga leon. Sinabi ng hari kay Daniel, “Iligtas ka nawa ng iyong Dios na patuloy mong pinaglilingkuran.”
17 Pagkatapos, tinakpan ng isang malaking bato ang kulungan na pinaghulugan kay Daniel, at tinatakan ng singsing ng hari at ng singsing ng mga marangal sa kaharian para walang sinumang magbubukas nito. 18 Pagkatapos ay umuwi si Haring Darius sa palasyo niya. Hindi siya kumain ng gabing iyon at hindi rin humiling na siya ay aliwin. At hindi siya makatulog.
19 Kinaumagahan, nagbubukang-liwayway pa lamang ay nagmamadaling pumunta ang hari sa kulungan ng mga leon. 20 Pagdating niya roon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, lingkod ng buhay na Dios, iniligtas ka ba sa mga leon ng iyong Dios na patuloy mong pinaglilingkuran?” 21 Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari! 22 Hindi ako sinaktan ng mga leon, dahil nagpadala ang Dios ng kanyang mga anghel para itikom ang mga bibig ng mga leon. Ginawa ito ng Dios dahil alam niyang matuwid ang aking buhay at wala akong ginawang kasalanan sa inyo.” 23 Nang marinig iyon ng hari, nagalak siya at nag-utos na kunin si Daniel sa kulungan. Nang nakuha na si Daniel, wala silang nakitang kahit galos man lamang sa kanyang katawan, dahil nagtiwala siya sa Dios.
24 Nag-utos ang hari na ang lahat ng nagparatang kay Daniel ay hulihin at ihulog sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang asawaʼt mga anak. Hindi pa sila nakakarating sa ilalim ng kulungan, agad silang sinakmal ng mga leon at nilapa.
25 Pagkatapos ay sumulat si Haring Darius sa lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika sa mundo. Ito ang nakasulat:
“Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan.
26 “Iniuutos ko sa lahat ng tao na nasasakupan ng aking kaharian na matakot at gumalang sa Dios ni Daniel.
Sapagkat siya ang buhay na Dios at nabubuhay magpakailanman.
Ang paghahari niya ay walang hanggan,
at walang makakapagbagsak nito.
27 Nagliligtas siya at gumagawa ng mga himala at kababalaghan sa langit at dito sa lupa.
Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”
28 Naging maunlad ang buhay ni Daniel sa panahon ng paghahari ni Darius at sa panahon ng paghahari ni Cyrus na taga-Persia.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
