Daniel 5
Ang Biblia, 2001
Ang Handaan ni Belshasar
5 Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.
2 Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
3 Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
4 Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.
6 Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.
7 Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”
8 Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.
9 Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.
10 Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.
11 May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,
12 palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat
13 Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari kay Daniel, “Ikaw ba si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda, na kinuha sa Juda ng aking amang hari?
14 Nabalitaan ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at ang liwanag at pagkaunawa at di-pangkaraniwang karunungan ay natagpuan sa iyo.
15 Ang mga pantas at mga engkantador ay dinala sa harapan ko upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaalam sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
16 Ngunit nabalitaan ko na ikaw ay nakapagbibigay ng mga kahulugan at nakakalutas ng mga suliranin. Kung iyo ngang mababasa ang nakasulat, at maipaalam sa akin ang kahulugan, ikaw ay daramtan ng kulay ube. Magkakaroon ka ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.”
17 Nang magkagayo'y sumagot si Daniel sa harapan ng hari, “Iyo na ang iyong mga kaloob, o ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba! Gayunma'y aking babasahin sa hari ang nakasulat at ipapaalam ko sa kanya ang kahulugan.
18 O hari, ang Kataas-taasang Diyos ay nagbigay kay Nebukadnezar na iyong ama ng kaharian, kadakilaan, kaluwalhatian, at kamahalan.
19 Dahil sa kadakilaang ibinigay niya sa kanya, nanginig at natakot sa harapan niya ang lahat ng mga bayan, mga bansa, at wika. Ang ibig niyang patayin ay kanyang pinapatay, at ang ibig niyang buhayin ay kanyang hinahayaang mabuhay. Ang ibig niyang itaas ay kanyang itinataas, at ang ibig niyang ibaba ay kanyang ibinababa.
20 Ngunit nang ang kanyang puso ay magpakataas, at ang kanyang espiritu ay magmatigas at siya'y nag-asal na may kapalaluan, siya'y pinatalsik sa kanyang trono ng pagkahari, at ang kanyang kaluwalhatian ay inalis sa kanya.
21 Siya'y pinalayas mula sa mga anak ng mga tao, at ang kanyang puso ay naging gaya ng sa hayop, at ang kanyang tahanan ay kasama ng maiilap na mga asno. Siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kanyang kilalanin na ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa kaharian ng mga tao, at iniluluklok niya roon ang sinumang kanyang maibigan.
22 Ngunit ikaw na kanyang anak, O Belshasar, ay hindi mo pinapagkumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat ng ito!
23 Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit! Kanilang dinala ang mga sisidlan ng kanyang bahay sa harapan mo, at ikaw, at ang iyong mga maharlika, ang iyong mga asawa at ang iyong mga asawang-lingkod, ay uminom ng alak mula sa mga iyon. Pinuri mo ang mga diyos na pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, o nakakaalam man. Ngunit ang Diyos na may hawak sa iyong paghinga, at sa kanya ang lahat mong mga lakad, ay hindi mo niluwalhati.
24 Kaya't mula sa kanyang harapan ay sinugo niya ang kamay, at ang sulat na ito'y iniukit.
25 At ito ang sulat na iniukit: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26 Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang na ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian, at ito ay winakasan.
27 TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang.
28 PERES;[a] ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga-Media at taga-Persia.”
29 Nang magkagayo'y nag-utos si Belshasar, at dinamitan nila si Daniel ng kulay ube, at kuwintas na ginto ang inilagay sa palibot ng leeg niya. Gumawa siya ng pahayag tungkol sa kanya, na siya'y dapat maging ikatlong pinuno sa kaharian.
30 Nang gabing iyon ay napatay si Belshasar na hari ng mga Caldeo.
31 At tinanggap ni Dario na taga-Media ang kaharian, siya noo'y halos animnapu't dalawang taong gulang.
Footnotes
- Daniel 5:28 o Upharsin .
Daniel 5
Ang Dating Biblia (1905)
5 Si Belsasar na hari ay gumawa ng malaking piging sa isang libo na kaniyang mga mahal na tao, at uminom ng alak sa harap ng sanglibo.
2 Samantalang nilalasap ni Belsasar ang alak, ay nagutos na dalhin doon ang mga ginto at pilak na sisidlan na kinuha ni Nabucodonosor na kaniyang ama sa templo na nasa Jerusalem; upang mainuman ng hari, ng kaniyang mga mahal na tao, ng kaniyang mga asawa, at ng kaniyang mga babae.
3 Nang magkagayo'y dinala nila ang mga gintong sisidlan na kinuha sa templo ng bahay ng Dios na nasa Jerusalem; at ininuman ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, at ng kaniyang mga asawa at ng kaniyang mga babae.
4 Sila'y nangaginuman ng alak, at nagsipuri sa mga dios na ginto, at pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding yaon ay may lumabas na mga daliri ng kamay ng isang tao at sumulat sa tapat ng kandelero sa panig na may palitada ng palacio: at nakita ng hari ang bahagi ng kamay na sumulat.
6 Nang magkagayo'y nagbago ang pagmumukha ng hari, at binagabag siya ng kaniyang mga pagiisip; at ang pagkakasugpong ng kaniyang mga balakang ay nakalag, at ang kaniyang mga tuhod ay nagkaumpugan.
7 Ang hari ay sumigaw ng malakas, na papasukin ang mga enkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita, at nagsabi sa mga pantas sa Babilonia, Sinomang makababasa ng sulat na ito, at makapagpapaaninaw sa akin ng kahulugan niyan, magdadamit ng kulay morado, at magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg, at magiging ikatlong puno sa kaharian.
8 Nang magkagayo'y nagsipasok ang lahat na pantas ng hari; nguni't hindi nila nabasa ang sulat, o naipaaninaw man sa hari ang kahulugan niyaon.
9 Nang magkagayo'y nabagabag na mainam ang haring Belsasar, at ang kaniyang pagmumukha ay nabago, at ang kaniyang mga mahal na tao ay nangatitigilan.
10 Ang reina, dahil sa mga salita ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao ay pumasok sa bahay na pinagpigingan: ang reina ay nagsalita, at nagsabi, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man; huwag kang bagabagin ng iyong mga pagiisip, o mabago man ang iyong pagmumukha.
11 May isang lalake sa iyong kaharian na kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na dios; at sa mga kaarawan ng iyong ama, ay nasumpungan sa kaniya ang liwanag at unawa at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga dios; at ang haring Nabucodonosor, na iyong ama, ang hari, sinasabi ko, ang iyong ama, ay ginawa niya siyang panginoon ng mga mago, ng mga enkantador, ng mga Caldeo, at ng mga manghuhula;
12 Palibhasa'y isang marilag na espiritu, at kaalaman, at unawa, pagpapaaninaw ng mga panaginip, at pagpapakilala ng mga malabong salita, at pagpapaliwanag ng pagaalinlangan, ay nangasumpungan sa Daniel na iyan, na pinanganlan ng hari na Beltsasar. Tawagin nga si Daniel, at kaniyang ipaaaninaw ang kahulugan.
13 Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harap ng hari. Ang hari ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Ikaw baga'y si Daniel na sa mga anak ng pagkabihag sa Juda, na kinuha sa Juda ng haring aking ama?
14 Nabalitaan kita, na ang espiritu ng mga dios ay sumasa iyo, at ang liwanag at unawa at marilag na karunungan ay masusumpungan sa iyo.
15 At ang mga pantas nga, ang mga enkantador, dinala sa harap ko, upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaaninaw sa akin ang kahulugan; nguni't hindi nila naipaaninaw ang kahulugan ng bagay.
16 Nguni't nabalitaan kita, na ikaw ay makapagpapaaninaw ng mga kahulugan, at makapagpapaliwanag ng alinlangan: kung iyo ngang mabasa ang sulat, at maipaaninaw sa akin ang kahulugan, mananamit ka ng kulay morado, at magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.
17 Nang magkagayo'y sumagot, at nagsabi si Daniel sa harap ng hari, Iyo na ang iyong mga kaloob, at ibigay mo ang iyong mga ganting pala sa iba; gayon ma'y aking babasahin sa hari ang sulat, at ipaaninaw ko sa kaniya ang kahulugan.
18 Oh ikaw na hari, ang Kataastaasang Dios, nagbigay kay Nabucodonosor na iyong ama ng kaharian, at kadakilaan, at kaluwalhatian, at kamahalan:
19 At dahil sa kadakilaan na ibinigay niya sa kaniya, nanginig at natakot sa harap niya lahat ng mga bayan, bansa, at wika: ang kaniyang ibiging patayin ay kaniyang pinapatay, at ang kaniyang ibiging buhayin ay kaniyang binubuhay; at ang ibiging itaas ay kaniyang itinataas, at ang ibiging ibaba ay kaniyang ibinababa.
20 Nguni't nang ang kaniyang puso ay magpakataas, at ang kaniyang espiritu ay magmatigas na siya'y gumawang may kapalaluan, siya'y ibinaba sa kaniyang luklukang pagkahari, at inalis nila ang kaniyang kaluwalhatian:
21 At siya'y pinalayas sa mga anak ng mga tao, at ang kaniyang puso ay naging gaya ng sa mga hayop, at ang kaniyang tahanan ay napasama sa maiilap na mga asno; siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kaniyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kaniyang naalaman na ang Kataastaasang Dios ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at iniluklok niya roon ang sinomang kaniyang ibigin.
22 At ikaw na kaniyang anak, Oh Belsasar, hindi mo pinapagpakumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat na ito,
23 Kundi ikaw ay nagpakataas laban sa Panginoon ng langit; at kanilang dinala ang mga kasangkapan ng kaniyang bahay sa harap mo, at ikaw, at ang iyong mga mahal na tao, ang iyong mga asawa at ang iyong mga babae, ay nagsiinom ng alak sa mga yaon; at iyong pinuri ang mga dios na pilak, at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nangakakakita, o nangakakarinig man, o nakakaalam man; at ang Dios na kinaroroonan ng iyong hininga, at kinaroroonan ng lahat na iyong lakad, hindi mo niluwalhati.
24 Nang magkagayo'y ang bahagi nga ng kamay ay sinugo mula sa harap niya, at ang sulat na ito'y nalagda.
25 At ito ang sulat na nalagda, MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26 Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang ng Dios ang iyong kaharian, at niwakasan.
27 TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan, at ikaw ay nasumpungang kulang.
28 PERES; ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga Media at taga Persia.
29 Nang magkagayo'y nagutos si Belsasar, at pinanamit nila si Daniel ng kulay morado, at nilagyan ng kuwintas na ginto sa palibot ng leeg niya, at nagtanyag tungkol sa kaniya, na siya'y ikatlong puno sa kaharian.
30 Nang gabing yaon ay napatay si Belsasar na hari ng mga taga Caldea.
31 At tinanggap ni Dario na taga Media ang kaharian, na noo'y anim na pu't dalawang taon ang gulang niya.
Daniel 5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Piging ni Belshazar
5 1-3 Noong si Belshazar ang hari ng Babilonia, naghanda siya ng malaking piging para sa kanyang 1,000 marangal na mga bisita. Habang nag-iinuman sila, ipinakuha ni Belshazar ang mga tasang ginto at pilak na kinuha ng ama niyang si Nebucadnezar sa templo ng Dios sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito para gamitin nila ng kanyang mga marangal na mga bisita, ng kanyang mga asawa, at ng iba pa niyang mga asawang alipin. Nang madala na sa kanya ang mga tasa, ginamit nila ito para inuman. 4 At habang silaʼy nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga dios na gawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Walang anu-anoʼy may nakitang kamay ang hari na sumusulat sa pader ng palasyo malapit sa ilawan. 6 Dahil dito, nanginig at namutla ang hari sa tindi ng takot. 7 Kaya sumigaw siya na ipatawag ang marurunong sa Babilonia: ang mga salamangkero, mga astrologo,[a] at mga manghuhula.
Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makabasa ng nakasulat na iyan at makapagpaliwanag ng kahulugan ay bibihisan ko ng maharlikang damit at pasusuotan ko ng gintong kwintas. At siyaʼy magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
8 Lumapit ang mga marurunong upang basahin ang nakasulat sa pader. Pero hindi nila kayang basahin o maipaliwanag sa hari ang kahulugan nito. 9 Kaya lalong natakot at namutla si Haring Belshazar. Litong-lito naman ang isip ng kanyang marangal na mga bisita.
10 Nang marinig ng reyna[b] ang kanilang pagkakagulo, lumapit siya sa kanila at sinabi, “Mabuhay ang Mahal na Hari! Huwag kang matakot o mag-alala, 11 dahil may isang tao sa iyong kaharian na nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios.[c] Noong panahon ng iyong amang si Haring Nebucadnezar, ang taong ito ay nagpamalas ng kanyang karunungan tulad sa karunungan ng mga dios. Ginawa siya ng iyong ama na pinuno ng mga salamangkero, engkantador, manghuhula, at mga astrologo. 12 Siya ay si Daniel na pinangalanan ng hari na Belteshazar. May pambihira siyang kakayahan at karunungan. Marunong siyang magbigay-kahulugan sa mga panaginip, magpaliwanag ng mga bugtong, at lumutas ng mahihirap na mga problema. Kaya ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa pader.”
13 Kaya ipinatawag si Daniel. At nang siyaʼy dumating, sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw pala si Daniel na isa sa mga bihag na Judio na dinala rito ng aking ama mula sa Juda. 14 Nabalitaan kong ang espiritu ng mga dios ay nasa iyo at mayroon kang pambihirang kakayahan at karunungan. 15 Ipinatawag ko na ang marurunong, pati na ang mga engkantador, para ipabasa at ipaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa pader, pero hindi nila ito nagawa. 16 Nabalitaan kong marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga pangyayari at kaya mo ring lutasin ang mabibigat na mga problema. Kung mababasa mo at maipapaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyan, pabibihisan kita ng maharlikang damit at pasusuotan ng gintong kwintas. At gagawin kitang pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
17 Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng regalo; ibigay nʼyo na lamang sa iba. Pero babasahin ko pa rin para sa inyo ang nakasulat sa pader at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito.
18 “Mahal na Hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay ginawang hari ng Kataas-taasang Dios. Naging makapangyarihan siya at pinarangalan. 19 Dahil sa kapangyarihang ibinigay ng Dios sa kanya, ang mga tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika ay natakot sa kanya. Nagagawa niyang patayin ang sinumang gusto niyang patayin. At nagagawa rin niyang huwag patayin ang gusto niyang huwag patayin. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas, at ibinababa niya sa tungkulin ang gusto niyang ibaba. 20 Pero siya ay naging mayabang at nagmataas, kaya pinaalis siya sa kanyang tungkulin bilang hari, 21 at itinaboy mula sa mga tao. Naging isip-hayop siya. Tumira siya kasama ng mga asnong-gubat at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan. Ganoon ang kanyang kalagayan hanggang kilalanin niya na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.
22 “At ikaw, Haring Belshazar na anak niya, kahit na alam mo ang lahat ng ito, hindi ka pa rin nagpakumbaba, 23 sa halip itinuring mong mas mataas ka kaysa sa Panginoon. Ipinakuha mo ang mga tasang mula sa templo ng Dios at ginamit ninyong inuman ng iyong marangal na mga bisita, mga asawa, at iba pang mga asawang alipin. Maliban diyan, sumamba ka pa sa mga dios-diosang gawa sa pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato. Itoʼy mga dios na hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakaunawa. Ngunit hindi mo man lang pinuri ang Dios na siyang may hawak ng iyong buhay at nakakaalam ng iyong landas na dadaanan. 24-25 Kaya ipinadala niya ang kamay na iyon para isulat ang mga katagang ito:
“Mene, Mene, Tekel, Parsin. 26 Ang ibig sabihin nito:
Ang Mene ay nangangahulugan na bilang na ng Dios ang natitirang araw ng paghahari mo, dahil wawakasan na niya ito.
27 Ang Tekel ay nangangahulugan na tinimbang ka ng Dios at napatunayang ikaw ay nagkulang.
28 Ang Parsin[d] ay nangangahulugan na ang kaharian moʼy mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”
29 Pagkatapos magsalita ni Daniel, iniutos ni Haring Belshazar na bihisan si Daniel ng maharlikang damit at suotan ng gintong kwintas. At ipinahayag ng hari na siya ay magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Babilonia.
30 Nang gabi ring iyon, pinatay si Belshazar na hari ng mga taga-Babilonia.[e] 31 At si Darius na taga-Media ang pumalit sa kanya, na noon ay 62 taong gulang na.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®