Add parallel Print Page Options

11 “Noong unang taon ng paghahari ni Darius na taga-Media, ako ang tumulong at nagtanggol kay Micael.

Ang mga Hari ng Hilaga at Timog

“Sasabihin ko sa iyo ngayon ang katotohanan: Tatlo pang hari ang maghahari sa Persia. Ang ikaapat na hari na susunod sa kanila ay mas mayaman pa kaysa sa mga nauna. Sa pamamagitan ng kanyang kayamanan, magiging makapangyarihan siya, at susulsulan niya ang ibang kaharian na makipaglaban sa Grecia. Pagkatapos, isa pang makapangyarihang hari ang darating. Maraming bansa ang kanyang sasakupin, at gagawin niya ang gusto niyang gawin. Kapag siyaʼy naging makapangyarihan na, mawawasak ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na bahagi ng daigdig, pero hindi ang kanyang mga angkan ang maghahari dito. Ang mga haring papalit sa kanya ay hindi makakapamahala tulad ng kanyang pamamahala. Kukunin ang kanyang kaharian at ibibigay sa iba.

“Ang hari ng timog[a] ay magiging makapangyarihan. Pero isa sa kanyang mga heneral ay magiging mas makapangyarihan kaysa sa kanya. At sa bandang huli, ang heneral na ito ay maghahari rin at magiging makapangyarihan ang kaharian niya. Pagkalipas ng ilang taon, magsasanib ang dalawang kahariang ito, dahil ipapaasawa ng hari ng timog ang anak niyang babae sa hari ng hilaga.[b] Pero hindi magtatagal ang kapangyarihan ng babae pati ang kapangyarihan ng hari ng hilaga. Sapagkat sa panahong iyon, papatayin ang babae at ang kanyang asawaʼt anak,[c] pati ang mga naglilingkod sa kanya.[d]

“Sa bandang huli, maghahari sa timog ang kapatid ng babae. Siya ang papalit sa kanyang ama. Lulusubin niya ang mga sundalo ng hari ng hilaga at papasukin ang napapaderang lungsod[e] nito, at magtatagumpay siya sa labanan. Dadalhin niya pauwi sa Egipto ang mga dios-diosan nila at mga mamahaling ari-arian na yari sa ginto at pilak. Sa loob ng ilang taon, hindi na siya makikipagdigma sa hari ng hilaga. Pero sa bandang huli, lulusubin siya ng hari sa hilaga, pero matatalo ito at babalik sa kanyang bayan.

10 “Magtitipon ng maraming sundalo ang mga anak ng hari ng hilaga para maghanda sa pakikipaglaban. Ang isa sa kanila ay sasalakay na parang bahang hindi mapigilan. Sasalakay siya hanggang sa napapaderang lungsod ng hari ng timog. 11 At dahil sa galit ng hari ng timog, lalabanan niya ang hari ng hilaga at tatalunin niya ang napakaraming sundalo nito. 12 Sa kanyang tagumpay, magmamataas siya at marami pa ang kanyang papatayin, pero hindi magtatagal ang kanyang tagumpay. 13 Sapagkat ang hari ng hilaga ay muling magtitipon ng mas marami pang sundalo kaysa sa dati. At pagkalipas ng ilang taon, muli siyang sasalakay kasama ang napakaraming sundalo dala ang napakaraming kagamitang pandigma.

14 “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng timog. Isa na sa mga ito ang mga kababayan mong Israelita na mapupusok. Gagawin nila ito bilang katuparan ng pangitain, pero matatalo sila. 15 Sasalakayin ng hari ng hilaga ang isa sa mga napapaderang lungsod sa timog. Kukubkubin nila ito at papasukin. Walang magagawa ang mga sundalo sa timog pati na ang kanilang pinakamagaling na mga kawal, dahil hindi nila kayang talunin ang kalaban. 16 Kaya gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin at walang makapipigil sa kanya. Sasakupin niya ang magandang lupain ng Israel, at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.[f] 17 Talagang determinado ang hari ng hilaga na salakayin ang kaharian sa timog nang buong lakas ng kaharian niya. Makikipagkasundo muna siya sa hari ng timog sa pamamagitan ng pag-aalok ng kanyang anak na maging asawa ng nito, upang sa pamamagitan nito ay maibagsak niya ang kaharian sa timog. Pero hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. 18 Kaya ang mga bayan na lang muna sa tabing-dagat ang kanyang lulusubin at marami ang kanyang masasakop. Pero patitigilin ng isang pinuno ang kanyang pagpapahiya sa iba, at siya mismo ang mapapahiya. 19 Kaya uuwi siya sa napapaderan niyang mga bayan. Pero matatalo siya, at iyon ang magiging wakas niya.

20 “Ang haring papalit sa kanya ay mag-uutos sa isang opisyal na sapilitang maniningil ng buwis para madagdagan ang kayamanan ng kaharian niya. Pero hindi magtatagal ay mamamatay ang haring ito, hindi dahil sa labanan o sa mayroong galit sa kanya.

21 “Ang papalit sa kanya bilang hari ay taong hindi kagalang-galang at walang karapatang maging hari. Sa hindi inaasahan ng mga tao, bigla niyang sasakupin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya. 22 Maraming kalabang sundalo ang kanyang papatayin, pati na ang punong pari.[g] 23 Makikipagkasundo siya sa maraming bansa, pero dadayain niya ang mga ito sa bandang huli. Magiging makapangyarihan siya kahit maliit ang kaharian niya. 24 Sa hindi inaasahan ng mga tao, bigla niyang lulusubin ang mauunlad na lugar ng isang lalawigan. Gagawin niya ang hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Hahati-hatiin niya sa mga tagasunod niya ang kanyang mga nasamsam sa labanan. Pinaplano niyang salakayin ang mga napapaderang lungsod, pero sa maikling panahon lamang.

25 “Maglalakas-loob siyang salakayin ang hari ng timog na may marami at malakas ring hukbo. Pero matatalo ang hari ng timog dahil sa katusuhan ng kanyang mga kalaban. 26 Papatayin siya ng sarili niyang mga tauhan. Kaya matatalo ang kanyang mga sundalo at marami sa kanila ang mamamatay.

27 “Ang dalawang haring ito ay magsasama pero pareho silang magsisinungaling at mag-iisip ng masama laban sa isaʼt isa. Pareho silang hindi magtatagumpay sa kanilang binabalak laban sa isaʼt isa. At magpapatuloy ang labanan nila dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon. 28 Ang hari ng hilaga ay uuwi sa kanyang bayan dala ang maraming nasamsam na kayamanan mula sa digmaan. Pero bago siya umuwi, uusigin niya ang mga mamamayan ng Dios at ang kanilang relihiyon.[h] At pagkatapos ay saka siya uuwi sa sarili niyang bayan.

29 “Sa takdang panahon ay muli niyang lulusubin ang kaharian sa timog, pero ang mangyayari ay hindi na katulad ng nangyari noon. 30 Sapagkat lulusubin siya ng hukbong pandagat mula sa kanluran. At dahil dito, uurong siya at babalik sa kanyang bayan. Ibubunton niya ang kanyang galit sa mga mamamayan ng Dios at sa kanilang relihiyon, pero magiging mabuti siya sa mga tumalikod sa kanilang relihiyon.[i]

31 “Uutusan ng hari ng hilaga ang kanyang mga sundalo na lapastanganin ang templong napapalibutan ng pader. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo. 32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga tumalikod sa kanilang relihiyon para gumawa ng hindi mabuti. Pero lakas-loob siyang lalabanan ng mga taong tunay na tapat sa Dios.

33 “Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan ay magtuturo sa maraming tao, pero uusigin sila sa loob ng ilang araw. Ang ilan sa kanila ay papatayin sa pamamagitan ng espada o susunugin, at ang ilan ay bibihagin o kukunin ang kanilang mga ari-arian. 34 Sa panahon na inuusig sila, iilan lang ang tutulong sa kanila, pero maraming hindi tapat ang sasama sa kanila. 35 Uusigin ang ilang nakakaunawa ng katotohanan upang maging dalisay at malinis ang kanilang mga buhay hanggang sa dumating ang katapusan, na darating sa takdang panahon.

36 “Gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sinumang dios, at hahamakin niya ang Dios na higit kaysa sa lahat ng dios. Magtatagumpay siya hanggang sa panahon na ipakita ng Dios ang kanyang galit, dahil kailangang mangyari ang mga bagay na itinakda ng Dios na dapat mangyari. 37-38 Hindi niya kikilalanin ang dios ng kanyang mga ninuno o ang dios na mahal ng mga babae. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sa mga iyon. Wala siyang pahahalagahang dios maliban sa dios na nananalakay ng mga napapaderang bayan. Pararangalan niya ang dios na ito na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Hahandugan niya ito ng mga ginto, pilak, mamahaling bato, at ng iba pang mamahaling mga regalo. 39 Lulusubin niya ang pinakamatibay na mga lungsod sa tulong ng dios na iyon na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Pararangalan niya ang mga taong mabuti sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang mamahala sa maraming tao. At bibigyan niya sila ng lupain bilang gantimpala.

40 “Pagdating ng wakas, makikipaglaban ang hari ng timog sa hari ng hilaga. Pero lulusubin siya ng hari ng hilaga na may mga karwaheng pandigma, mga nangangabayong sundalo at mga hukbong pandagat. Lulusubin niya ang maraming bansa at maninira na parang baha. 41 Lulusubin niya pati ang magandang lupain ng Israel, at maraming tao ang mamamatay. Pero makakatakas ang Edom, ang Moab at ang mga pinuno ng Ammon. 42 Maraming bansa ang kanyang lulusubin, kabilang dito ang Egipto. 43 Mapapasakanya ang mga ginto, pilak, at ang lahat ng kayamanan ng Egipto. Sasakupin din niya ang Libya at Etiopia.[j] 44 Pero may mga balitang magmumula sa silangan at hilaga na babagabag sa kanya. Kaya sasalakay siya sa matinding galit, at maraming tao ang kanyang lilipulin nang lubusan. 45 Magtatayo siya ng maharlikang tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok. Pero mamamatay siya nang wala man lang tutulong sa kanya.”

Ang Pahayag ng Anghel tungkol sa Huling Panahon

12 “Sa panahong iyon,[k] darating si Micael, ang makapangyarihang pinuno[l] na nagtatanggol sa iyong mga kababayan. Magiging mahirap ang kalagayan sa mga panahong iyon, at ang matinding kahirapang ito ay hindi pa nangyayari mula nang naging bansa ang Israel. Pero ililigtas sa paghihirap ang iyong mga kababayan na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat.[m] Bubuhayin ang marami sa mga namatay na. Ang iba sa kanila ay tatanggap ng buhay na walang hanggan, pero ang iba ay isusumpa at ilalagay sa kahihiyang walang hanggan. Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan at nagtuturo sa mga tao na mamuhay nang matuwid ay magniningning na parang bituin sa langit magpakailanman. Pero Daniel, isara mo muna ang aklat na ito at huwag mo munang sabihin sa mga tao ang mensahe nito hanggang sa dumating ang katapusan. Habang hindi pa ito ipinapahayag, marami ang magsisikap na unawain ang mga nangyayari.”

Pagkatapos niyang sabihin iyon, may nakita pa akong dalawang taong nakatayo sa magkabilang pampang ng ilog. Nagtanong ang isa sa kanila sa taong nakadamit ng telang linen na nakatayo sa mataas na bahagi ng ilog, “Gaano kaya katagal bago matapos ang mga nakakamanghang pangyayaring iyon?”

Itinaas ng taong nakadamit ng telang linen ang kanyang dalawang kamay at narinig kong sumumpa siya sa Dios na buhay magpakailanman. Sinabi niya, “Matatapos ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng mga mamamayan ng Dios.”

Hindi ko naintindihan ang kanyang sagot kaya tinanong ko siya, “Ano po ba ang kalalabasan ng mga pangyayaring iyon?” Sumagot siya, “Sige na,[n] Daniel, hayaan mo na iyon, dahil ang sagot sa tanong moʼy mananatiling lihim at hindi maaaring sabihin hanggang sa dumating ang katapusan. 10 Marami sa mga nakakaunawa ng katotohanan ang lilinisin ang kanilang buhay, at mauunawaan nila ang mga sinasabi ko. Pero ang masasama ay patuloy na gagawa ng masama at hindi makakaunawa ng mga sinasabi ko.

11 “Lilipas ang 1,290 araw mula sa panahon ng pagpapatigil ng araw-araw na paghahandog at paglalagay ng kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo hanggang sa dumating ang katapusan. 12 Mapalad ang naghihintay at nananatili hanggang sa matapos ang 1,335 araw.

13 “At ikaw Daniel, ipagpatuloy mo ang iyong gawain. Mamamatay ka, pero bubuhayin kang muli sa mga huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala na inihanda para sa iyo.”

Footnotes

  1. 11:5 hari ng timog: Maaaring ang tinutukoy dito hanggang sa talata 40 ay ang hari ng Egipto.
  2. 11:6 hari ng hilaga: Maaaring ang tinutukoy dito hanggang sa talata 40 ay ang hari ng Syria.
  3. 11:6 anak: Ito ang nasa ibang lumang teksto. Sa Hebreo, ama.
  4. 11:6 naglilingkod sa kanya: o, sumusuporta sa kanya.
  5. 11:7 napapaderang lungsod: o, matibay na tanggulan. Ganito rin sa talatang 10,19, at 38.
  6. 11:16 mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan: o, may kapangyarihan siya para wasakin ito.
  7. 11:22 punong pari: sa literal, pinuno ng kasunduan.
  8. 11:28 ang mga mamamayan ng Dios at ang kanilang relihiyon: sa literal, ang banal na kasunduan.
  9. 11:30 tumalikod sa kanilang relihiyon: Maaaring ang tinutukoy nito ay ang taksil na mga Israelita. Ganito rin sa talatang 32.
  10. 11:43 Etiopia: sa Hebreo, Cush.
  11. 12:1 Sa panahong iyon: Ang huling panahon, ang panahon na mangyayari ang mga sinasabi sa 11:40-45.
  12. 12:1 pinuno: o, anghel.
  13. 12:1 aklat: listahan ng mga taong may buhay na walang hanggan.
  14. 12:9 Sige na: sa literal, Alis na.