Daniel 1
Ang Biblia, 2001
Ang Kasaysayan ni Daniel at ng Kanyang Tatlong Kaibigan
1 Nang(A) ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda, dumating sa Jerusalem si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at kinubkob iyon.
2 At(B) ibinigay ng Panginoon si Jehoiakim na hari ng Juda sa kanyang kamay, kabilang ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng Diyos. Ang mga ito ay dinala niya sa lupain ng Shinar sa bahay ng kanyang diyos, at inilagay niya ang mga kagamitan sa kabang-yaman ng kanyang diyos.
3 At inutusan ng hari si Aspenaz, na pinuno ng kanyang mga eunuko, na dalhin ang ilan sa mga Israelita na mula sa lahi ng hari at sa mga maharlika,
4 mga kabataang walang kapintasan, makikisig at bihasa sa lahat ng sangay ng karunungan, may taglay na kaalaman at pang-unawa, at may kakayahang maglingkod sa palasyo ng hari. Ituturo sa kanila ang panitikan at wika ng mga Caldeo.
5 Ang hari ay nagtakda sa kanila sa araw-araw ng bahagi mula sa pagkain na kinakain at alak na iniinom ng hari. Sila'y tuturuan sa loob ng tatlong taon upang sa katapusan ng panahong iyon ay mailagay sila sa bulwagan ng hari.
6 Kabilang sa mga ito ay sina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias mula sa lipi ni Juda.
7 Binigyan sila ng pinuno ng mga eunuko ng ibang pangalan: si Daniel ay tinawag na Belteshasar, si Hananias ay tinawag na Shadrac, si Mishael ay tinawag na Meshac, at si Azarias ay tinawag na Abednego.
8 Ngunit ipinasiya ni Daniel na hindi niya durungisan ang sarili sa pamamagitan ng bahagi ng pagkaing mula sa hari o ng alak man na kanyang iniinom. Kaya't kanyang hiniling sa pinuno ng mga eunuko na pahintulutan siyang huwag dungisan ang kanyang sarili.
9 At pinahintulutan ng Diyos na si Daniel ay tumanggap ng lingap at habag mula sa pinuno ng mga eunuko.
10 Sinabi ng pinuno ng mga eunuko kay Daniel, “Ako'y natatakot na baka makita ng aking panginoong hari na nagtakda ng inyong pagkain at inumin, na kayo ay nasa mas masamang kalagayan kaysa mga kabataan na inyong kasinggulang. Kaya't ilalagay ninyo sa panganib ang aking ulo sa hari.”
11 Nang magkagayo'y sinabi ni Daniel sa katiwala na hinirang ng pinuno ng mga eunuko upang mamuno kina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias:
12 “Subukin mo po sana ang iyong mga lingkod sa loob ng sampung araw. Bigyan mo kami ng mga gulay na makakain at tubig na maiinom.
13 Pagkatapos ay ihambing mo ang aming anyo sa anyo ng mga kabataang nagsisikain ng pagkain ng hari; at ayon sa iyong makikita ay gawin mo sa iyong mga lingkod.”
14 Kaya't sumang-ayon siya sa mungkahing ito, at sinubok sila sa loob ng sampung araw.
15 Sa katapusan ng sampung araw ay nakitang higit na mabuti ang kanilang anyo at higit na mataba kaysa lahat ng mga kabataang nagsikain ng pagkain ng hari.
16 Kaya't inalis ng katiwala ang kanilang bahaging pagkain at alak na mula sa hari, at binigyan sila ng mga gulay.
17 Tungkol sa apat na mga binatang ito, pinagkalooban sila ng Diyos ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan. Si Daniel ay mayroong pagkaunawa sa lahat ng pangitain at mga panaginip.
18 Sa katapusan ng mga araw na itinakda ng hari sa paghaharap sa kanila, ipinasok sila ng pinuno ng mga eunuko sa harap ni Nebukadnezar.
19 At ang hari ay nakipag-usap sa kanila, at sa kanilang lahat ay walang natagpuang gaya nina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias. Kaya't sila'y inilagay sa bulwagan ng hari.
20 At sa bawat bagay tungkol sa karunungan at pang-unawa na inusisa ng hari sa kanila, kanyang natuklasan na sila'y sampung ulit na mas mahusay kaysa sa lahat ng salamangkero at mga engkantador na nasa kanyang buong kaharian.
21 At si Daniel ay namalagi roon hanggang sa unang taon ng haring si Ciro.