Bilang 25
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sumamba ang mga Israelita kay Baal
25 Habang nagkakampo ang mga Israelita sa Shitim, nakipagtalik ang mga lalaki sa mga babaeng Moabita. 2 Hinikayat sila ng mga babaeng ito sa paghahandog sa mga dios-diosan, at kumain sila ng mga handog na ito at sumamba sa mga dios-diosan ng Peor. 3 Kaya nahikayat ang mga Israelita sa pagsamba kay Baal ng Peor. Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila.
4 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang lahat ng pinuno ng mga taong ito, at patayin sila sa aking presensya habang nakatingin ang mga tao, para mawala na ang matindi kong galit sa Israel.” 5 Kaya sinabi ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Kailangang patayin ninyo ang mga taong sumamba kay Baal ng Peor.”
6 Ngayon, may isang Israelitang nagdala ng isang Midianitang babae sa kanyang pamilya. Nakita ito ni Moises at ng buong kapulungan ng Israel habang nagluluksa sila roon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 7 Pagkakita rito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ng paring si Aaron, umalis siya sa kapulungan at kumuha ng sibat. 8 Sinundan niya ang tao sa loob ng tolda, at sinibat niya ang dalawa. Pagkatapos, huminto ang salot sa Israel, 9 pero 24,000 ang namatay dahil sa salot.
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 11 “Inalis ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ng paring si Aaron ang aking galit sa mga Israelita. Sa pamamagitan ng kanyang ginawa, ipinakita niya ang kanyang kagustuhan na protektahan ang aking karangalan sa gitna nila. Kaya hindi ko sila nilipol. 12 Kaya sabihin mo sa kanya na gagawa ako ng kasunduan sa kanya na pagpapalain ko siya. 13 At sa kasunduang ito, siya at ang kanyang mga angkan ang magiging mga pari magpakailanman dahil ipinakita niya ang aking galit at tinubos niya ang mga Israelita sa kanilang mga kasalanan.”
14 Ang Israelitang namatay kasama ng babaeng Midianita ay si Zimri na anak ni Salu, na pinuno ng isang pamilya na lahi ni Simeon. 15 At ang Midianitang babae ay si Cozbi na anak ni Zur. Si Zur ay isang pinuno ng isang pamilyang Midianita.
16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 17 “Ituring ninyong kaaway ang mga Midianita, at patayin ninyo sila, 18 dahil itinuring din nila kayong kaaway sa pamamagitan ng panlilinlang sa inyo roon sa Peor at dahil din kay Cozbi na anak ng isang pinunong Midianita. Pinatay ang babaeng ito noong dumating ang salot sa Peor.”
Mga Bilang 25
Ang Biblia (1978)
Ang kasalanan ng Baal-peor at ang katapatan ni Phinees.
25 At ang Israel ay tumahan sa (A)Sittim, at (B)ang bayan ay nagpasimulang magkasala ng pakikiapid sa mga anak na babae ng Moab:
2 Sapagka't kanilang (C)tinawag ang bayan sa mga (D)hain sa kanilang mga dios; at ang bayan ay kumain at yumukod sa kanilang mga dios.
3 At ang Israel ay nakilakip sa diosdiosang (E)Baal-peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel.
4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (F)Ipagsama mo ang lahat ng pangulo sa bayan at bitayin mo sila sa Panginoon sa harap ng araw, upang ang maningas na (G)galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel.
5 At sinabi ni Moises sa mga (H)hukom sa Israel, (I)Patayin ng bawa't isa sa inyo yaong mga nakilakip sa diosdiosang Baal-peor.
6 At, narito, isa sa mga anak ni Israel ay naparoon at nagdala sa kaniyang mga kapatid ng isang babaing Madianita sa paningin ni Moises, at sa paningin ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel, samantalang sila'y (J)umiiyak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
7 At nang makita ni (K)Phinees, na anak ni (L)Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ay tumindig siya sa gitna ng kapisanan, at humawak ng isang sibat sa kaniyang kamay;
8 At siya'y naparoon sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at kapuwa niya sinaksak, ang lalaking Israelita at ang babae sa kaniyang tiyan. Sa gayon ang salot ay (M)natigil sa mga anak ni Israel.
9 At yaong (N)nangamatay sa salot ay dalawang pu't apat na libo.
10 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
11 (O)Pinawi ni Phinees na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya'y (P)nagsikap dahil sa aking pagsisikap sa kanila, na anopa't hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking (Q)sikap.
12 Kaya't sabihin mo, (R)Narito, ako'y nakikipagtipan sa kaniya tungkol sa kapayapaan:
13 At magiging kaniya, at sa kaniyang (S)binhi pagkamatay niya, ang tipan ng (T)pagkasaserdoteng walang hanggan; sapagka't siya'y nagsikap sa kaniyang Dios, at tumubos sa mga anak ni Israel.
14 Ang pangalan nga ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kalakip ng babaing Madianita ay Zimri na anak ni Salu, na prinsipe sa isang sangbahayan ng mga magulang sa mga Simeonita.
15 At ang pangalan ng babaing Madianita na napatay ay Cozbi, na anak ni (U)Zur; siya'y prinsipe sa bayan ng isang sangbahayan ng mga magulang sa Madian.
16 (V)At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17 Bagabagin ninyo ang mga Madianita, at inyong saktan sila:
18 Sapagka't kanilang binagabag kayo ng kanilang mga (W)lalang na kanilang ipinangdaya sa inyo sa bagay ng (X)Peor, at sa bagay ni Cozbi, na anak na babae ng prinsipe sa Madian, na kanilang kapatid na namatay nang kaarawan ng salot dahil sa Peor.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.