Add parallel Print Page Options

Ang Unang Sensus sa Israel

Noong unang araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang lumabas ang mga Israelita sa Egipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa Toldang Tipanan sa disyerto ng Sinai. Sabi niya, “Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang lahi at pamilya. Ilista ninyo ang pangalan ng lahat ng lalaki na may edad 20 taong gulang pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo. Kayong dalawa ni Aaron ang mamamahala sa sensus ng bawat lahi ng Israel. Tutulong sa inyo ang pinuno ng bawat lahi.” 5-15 Ito ang pangalan ng mga taong tutulong sa inyo:

Lahi Pinuno
ReubenElizur na anak ni Sedeur
SimeonSelumiel na anak ni Zurishadai
JudaNashon na anak ni Aminadab
IsacarNetanel na anak ni Zuar
ZebulunEliab na anak ni Helon
Efraim na anak ni JoseElishama na anak ni Amihud
Manase na anak ni JoseGamaliel na anak ni Pedazur
BenjaminAbidan na anak ni Gideoni
DanAhiezer na anak ni Amishadai
AsherPagiel na anak ni Ocran
GadEliasaf na anak ni Deuel
NaftaliAhira na anak ni Enan.

16 Sila ang mga pinuno ng mga lahing pinili mula sa mga mamamayan ng Israel.

17-18 Kasama ng mga pinunong ito, tinipon nina Moises at Aaron ang lahat ng mga Israelita nang araw ding iyon. Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad na 20 taong gulang pataas, ayon sa kanilang lahi at pamilya. 19 Inilista sila ni Moises doon sa disyerto ng Sinai, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

20-43 Ito ang bilang ng mga lalaking may edad 20 pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo, na nailista ayon sa kanilang lahi at pamilya:

Lahi Bilang
Reuben (ang panganay ni Jacob[a])46,500
Simeon59,300
Gad45,650
Juda74,600
Isacar54,400
Zebulun57,400
Efraim na anak ni Jose40,500
Manase na anak ni Jose32,200
Benjamin35,400
Dan62,700
Asher41,500
Naftali53,400

44-45 Sila ang mga lalaking nabilang nina Moises at Aaron at ng 12 pinuno ng Israel. Ang bawat isa sa kanila ay kumakatawan sa kani-kanilang pamilya. Sila ay 20 taong gulang pataas at may kakayahang maging sundalo ng Israel. 46 Ang kabuuang bilang nila ay 603,550 lahat. 47 Pero hindi kasama rito ang mga lahi ni Levi. 48 Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises, 49 “Huwag ninyong isama ang lahi ni Levi sa sensus kasama ng ibang mga Israelita, na magsisilbi sa panahon ng labanan. 50 Sa halip, ibigay sa kanila ang responsibilidad na pamahalaan ang Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos at ng lahat ng kagamitan nito. Sila ang magdadala ng Tolda at ng lahat ng kagamitan nito, at kailangang pangalagaan nila ito at magkampo sila sa paligid nito. 51 Kapag lilipat na ang Tolda, sila ang magliligpit nito. At kung itatayo naman, sila rin ang magtatayo nito. Ang sinumang gagawa ng ganitong gawain sa Tolda na hindi Levita ay papatayin. 52 Magkakampo ang mga Israelita ayon sa bawat lahi nila, at may bandila ang bawat lahi. 53 Pero ang mga Levita ay magkakampo sa paligid ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos, para hindi ako magalit sa mga mamamayan ng Israel. Ang mga Levita ang responsable sa pangangalaga ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos.”

54 Ginawa itong lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Footnotes

  1. 1:20-43 Jacob: sa Hebreo, Israel.