Baruc 1
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Panimula
1 Ito(A) ang aklat ni Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maseias. Si Maseias ay mula sa lahi nina Zedekias, Hasadias at Hilkias. Ito ay sinulat sa Babilonia 2 noong ikapitong araw ng buwan, limang taon matapos sakupin at sunugin ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem. 3 Binasa(B) ni Baruc ang aklat na ito kay Jehoiakin[a] na anak ni Jehoiakim, hari ng Juda, sa harapan ng lahat ng dumating upang mapakinggan ang pagbasa niyon. 4 Kabilang sa mga ito ang mga maharlika, ang mga anak ng mga hari, ang matatandang pinuno at ang lahat ng uri ng Judiong naninirahan sa Babilonia, mayaman at mahirap, sa baybayin ng Ilog Sud.
5 Nang mabasa ang aklat, ang lahat ay nanangis, nag-ayuno at nanalangin sa Panginoon. 6 Nangolekta sila ng salapi at ang bawat isa'y nagkaloob ayon sa kanyang makakaya. 7 Ang nalikom ay ipinadala sa Jerusalem kay Jehoiakim, ang pinakapunong pari na anak ni Hilkias at apo ni Sallum, sa mga pari, gayundin sa lahat ng mga kasama niya sa Jerusalem.
8 Noong ikasampung araw ng ikatlong buwan, kinuha ni Baruc ang mga sisidlang pilak na sinamsam sa Templo at ipinabalik sa Juda. Ang mga sisidlang ito ay ang mga ipinagawa ni Zedekias na anak ni Haring Josias ng Juda, 9 nang dalhing-bihag sa Babilonia ni Haring Nebucadnezar si Jehoiakin,[b] ang mga pinuno, mga bilanggo, mga maharlika at mga karaniwang mamamayan sa Jerusalem.
Sulat sa Jerusalem
10 Ganito ang nasasaad sa sulat: “Ang perang kalakip nito ay ibili ninyo ng mga gagamitin bilang handog na susunugin, handog ukol pangkasalanan, handog na pagkain at insenso. Ihandog ninyo ang mga ito sa altar ng Panginoon nating Diyos. 11 Idalangin din ninyo si Haring Nebucadnezar at si Belsazar na kanyang anak, upang tumagal ang buhay nila tulad ng kalangitan. 12 Sa gayon, palalakasin tayo at papatnubayan ng Panginoon. Mamumuhay tayo sa ilalim ng pag-iingat ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, at ng anak niyang si Belsazar. Maglilingkod tayo sa kanila sa mahabang panahon at sa gayo'y malulugod sila sa atin. 13 Idalangin din ninyo kami sa Panginoon naming Diyos sapagkat kami'y nagkasala laban sa kanya. Hanggang ngayo'y galit pa siya sa amin. 14 Basahin ninyo ang aklat na ito at ipahayag ninyo ang inyong kasalanan doon sa Templo, sa unang araw ng Pista ng mga Tolda at sa inyong mga pagdiriwang ng iba pang mga takdang kapistahan.”
Panalangin ng Pagsisisi sa Kasalanan
15 Ganito ang sabihin ninyo: “Matuwid ang Panginoon naming Diyos. Ngunit lubog pa rin kami sa kahihiyan hanggang ngayon—kaming mga taga-Juda, mga mamamayan ng Jerusalem, 16 pati ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta at mga ninuno— 17 sapagkat nagkasala kami sa Panginoon. 18 Nilabag namin ang kanyang mga utos at hindi kami nakinig sa kanya, at hindi namin sinunod ang mga tuntuning ibinigay niya sa amin. 19 Mula nang ang mga ninuno namin ay ilabas ng Panginoon sa Egipto hanggang ngayon, patuloy kaming sumusuway sa Panginoon naming Diyos. Nagpabaya kami at hindi siya pinakinggan. 20 Kaya(C) ngayon ay naghihirap kami. Nagaganap sa amin ang sumpa na ibinabala ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises nang ang mga ninuno namin ay ilabas niya sa Egipto at dalhin sa isang lupaing mayaman at masagana sa lahat ng bagay. 21 Hindi namin pinakinggan ang mga salita ng Panginoon naming Diyos sa pamamagitan ng mga propetang isinugo niya. Ang sinunod nami'y ang masasamang hilig at panay kasamaan ang aming ginawa. Sumamba kami sa mga diyus-diyosan at ang ginawa namin ay pawang kinasusuklaman ng Panginoon naming Diyos.