Bilang 4-6
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Angkan ni Kohat
4 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 2 “Isensus ninyo ang mga angkan ni Kohat na sakop ng mga Levita, ayon sa kanilang pamilya. 3 Isama sa bilang ang lahat ng lalaking may edad na 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.
4 “Ang mga gawain ng mga angkan ni Kohat sa Toldang Tipanan ay ang pag-aasikaso ng pinakabanal na mga bagay. 5 Kung aalis na kayo sa inyong pinagkakampuhan, si Aaron at ang mga anak niya ay papasok sa Tolda at kukunin ang kurtina sa loob at itataklob ito sa Kahon ng Kasunduan. 6 At tatakluban pa nila ito ng magandang klase ng balat[a] at ng telang asul, at pagkatapos ay isusuot nila sa mga argolya ang mga pambuhat nito.
7 “Sasapinan din nila ng asul na tela ang mesa na nilalagyan ng tinapay na iniaalay sa presensya ng Dios; at ilalagay nila sa mesa ang mga pinggan, mga tasa, mga mangkok, mga banga na lalagyan ng mga handog na inumin, at hindi aalisin ang mga tinapay na laging nasa mesa. 8 Pagkatapos, tatakluban nila ito ng telang pula, at tatakluban pa ng magandang klase ng balat at pagkatapos ay isusuot ang mga pambuhat nito sa lalagyan.
9 “Ang mga lalagyan ng ilaw ay babalutin nila ng telang asul, pati ang mga ilaw nito, ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, ang mga lalagyan ng upos na mula sa ilawan at mga banga na lalagyan ng langis ng ilaw. 10 Babalutin pa nila itong lahat ng magandang klase ng balat at itatali sa tukod na pambuhat.
11 “Tatakluban din nila ng telang asul ang gintong altar at tatakluban pa ng magandang klase ng balat, at pagkatapos, isusuot sa mga argolya ang mga pambuhat nito. 12 Ang mga natirang kagamitan ng Tolda na ginagamit sa paglilingkod sa templo ay babalutin din nila ng telang asul at tatakluban ng magandang klase ng balat ng hayop at itatali sa tukod na pambuhat.
13 “Kailangang alisin ang abo sa altar, at tatakluban ng telang kulay ube. 14 At ilalagay nila sa altar ang lahat ng kagamitan nito: Ang lalagyan ng baga, ang malalaking tinidor para sa karne, ang mga pala at ang mga mangkok. Tatakluban nila ito ng magandang klase ng balat at isusuot nila sa argolya ang mga pambuhat nito.
15 “Matapos takluban ni Aaron at ng mga anak niya ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, dadalhin ito ng angkan ni Kohat kapag aalis na sila sa kanilang pinagkakampuhan. Pero hindi nila hahawakan ang mga banal na bagay para hindi sila mamatay. Ito nga ang mga kagamitan ng Toldang Tipanan na dadalhin ng mga angkan ni Kohat.
16 “Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ang responsable sa langis para sa mga ilaw, sa insenso, sa araw-araw na handog bilang pagpaparangal sa akin at sa langis na pamahid. Siya ang mamamahala sa buong Tolda at sa lahat ng kagamitan nito.”
17 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 18 “Huwag ninyong pabayaang mawala ang pamilya ni Kohat sa mga Levita. 19 Ganito ang inyong gagawin para hindi sila mamatay kapag lalapit sila sa pinakabanal na mga bagay: sasamahan sila ni Aaron at ng mga anak nito kapag papasok na sila sa Tolda at sasabihin sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin at kung ano ang kanilang dadalhin. 20 Kung hindi sila sasamahan, hindi sila dapat pumasok kahit sandali lang para tingnan ang banal na mga bagay, para hindi sila mamatay.”
Ang mga Angkan ni Gershon
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 22 “Isensus ang mga angkan ni Gershon ayon sa kanilang pamilya. 23 Isama sa sensus ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.
24 “Ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon ay ang pagdadala ng mga sumusunod: 25 ang mga kurtina ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, ang lahat ng pantaklob nito at ang mga kurtina sa pintuan, 26 ang mga kurtina sa bakuran na nakapalibot sa Tolda at altar, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa paglilingkod sa Tolda. Sila ang gagawa ng lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 27 Si Aaron at ang mga anak niya ang mamamahala sa mga angkan ni Gershon tungkol sa kanilang mga gawain, magdadala man ng mga kagamitan o gagawa ng ibang mga gawain. Kayo ni Aaron ang magsasabi kung ano ang kanilang dadalhin. 28 Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”
Ang mga Angkan ni Merari
29 “Bilangin mo rin ang mga angkan ni Merari ayon sa kanilang pamilya. 30 Isama sa bilang ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan. 31 Ito ang kanilang mga gawain sa Toldang Tipanan: sila ang magdadala ng mga balangkas ng Tolda, mga biga nito, mga haligi at ng mga pundasyon. 32 Sila rin ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga haligi na pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ang mga pundasyon, mga tulos at mga tali. At sila rin ang gagawa ng mga gawaing kaugnay sa mga kagamitang ito. Kayo ni Aaron ang magsasabi sa bawat isa sa kanila kung ano ang kanilang dadalhin. 33 Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Merari sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”
Ang Pagbilang sa mga Levita
34-48 Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, inilista nina Moises, Aaron at ng mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel ang mga angkan nina Kohat, Gershon at Merari ayon sa bawat pamilya nito. Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan, at ito ang bilang nila:
Pamilya | Bilang |
---|---|
Kohat | 2,750 |
Gershon | 2,630 |
Merari | 3,200 |
Ang kabuuang bilang nila ay 8,580. 49 Kaya ayon sa utos ng Panginoon kay Moises, binilang ang bawat isa sa kanila at binigyan ng kanya-kanyang gawain at sinabihan kung ano ang kanilang dadalhin.
Ang Paglilinis ng Kampo
5 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Utusan mo ang mga Israelita na palabasin nila sa kampo ang sinumang may malubhang sakit sa balat o may lumalabas sa kanyang ari dahil sa karamdaman o itinuring siyang marumi dahil nakahipo siya ng patay. 3 Palabasin ninyo sila, lalaki man o babae para hindi nila marumihan ang kampo, kung saan ako naninirahang kasama ninyo.” 4 Kaya pinalabas ng mga Israelita ang mga ganoong tao sa kampo ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Bayad sa Ginawan ng Masama
5 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 6 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay sumuway sa gusto ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng masama sa kanyang kapwa, nagkasala ang taong iyon. 7 Kailangang aminin niya ang nagawang kasalanan, at kailangang bayaran niya ng buo ang ginawan niya ng masama, at dagdagan ng 20 porsiyento ang bayad. 8 Pero kung patay na ang ginawan ng masama at wala na siyang malapit na kamag-anak na tatanggap ng bayad, ang bayad ay mapupunta sa Panginoon at kailangang ibigay ito sa pari, kasama ng tupa na ihahandog ng pari para tubusin ang kasalanan ng taong iyon. 9 Ang lahat ng banal na regalo na dinadala ng mga Israelita sa mga pari ay magiging pag-aari na ng pari. 10 Magiging pag-aari ng mga pari ang mga banal na handog na ito.”
Ang Parusa sa Babaeng Nanlalalaki
11 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 12-13 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Kung sakali man na may isang lalaking naghihinala na nanlalalaki ang kanyang asawa, ngunit wala siyang katibayan dahil walang nakakita nito sa akto, 14-15 kailangang dalhin niya ang kanyang asawa sa pari, kahit na hindi totoong dinungisan nito ang sarili sa pamamagitan ng pangangalunya. At kailangang magdala ang lalaki ng handog na dalawang kilong harinang sebada para sa kanyang asawa. Hindi niya ito dapat lagyan ng langis o insenso dahil itoʼy handog ng paghihinala. 16 Dadalhin ng pari ang babae sa aking presensya, 17 at pagkatapos ay maglalagay ang pari ng tubig sa mangkok na gawa sa putik, at lalagyan niya ito ng alikabok na mula sa sahig ng Toldang Tipanan. 18 Kapag pinatayo na ng pari ang babae sa aking presensya, ilulugay ng pari ang buhok ng babae, at ilalagay sa kamay niya ang handog ng paghihinala para malaman kung talagang nagkasala ang babae. Pagkatapos, hahawakan ng pari ang mangkok na may mapait na tubig na nagdadala ng sumpa, 19 at pasusumpain niya ang babae at sasabihin sa kanya, ‘Kung hindi mo dinungisan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki, hindi ka masasaktan ng parusang dala ng tubig na ito. 20 Pero kung dinungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki na hindi mo asawa, 21 sumusumpa ako na magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Dios sa iyo. At sanaʼy hindi ka magkaanak.[b] 22 Ang tubig sana na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok sa iyong katawan para hindi ka na magkaanak.’ Pagkatapos, sasabihin ng babae, ‘Mangyari sana ito.’
23 “At isusulat ng pari ang sumpang ito sa isang sulatan at huhugasan niya ito sa mangkok na may mapait na tubig. 24 (Kapag napainom na sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa. At kung may kasalanan siya, magiging dahilan ito ng matinding paghihirap niya, kung talagang nagkasala siya.) 25 Pagkatapos, kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog ng paghihinala na inihandog ng asawa niya dahil sa paghihinala nito, at itataas ito ng pari sa aking presensya at dadalhin sa altar. 26 Kukuha ang pari ng isang dakot ng handog na ito upang malaman kung nagkasala nga ang babae o hindi, at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom niya sa babae ang tubig. 27 Kung totoong dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtataksil sa kanyang asawa, magpaparusa sa kanya nang matindi ang tubig na kanyang ininom na nagdadala ng sumpa. Hindi na siya magkakaanak at magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Dios sa kanya. 28 Pero kung hindi niya dinungisan ang kanyang sarili, hindi siya masasaktan, at magkakaanak siya.
29 “Ito ang kautusan tungkol sa lalaki na naghihinala sa kanyang asawa. Kung nadungisan ng babae ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtataksil sa kanyang asawa, 30 o naghihinala ang lalaki sa kanyang asawa na nanlalalaki ito, kailangang patayuin ng pari ang asawa niya sa aking presensya at ipagawa ang kautusang ito sa kanya. 31 Walang pananagutan ang lalaki pero may pananagutan ang babae kung nagkasala siya, at magdurusa siya sa kanyang kasalanan.”
Ang Tuntunin tungkol sa Taong Inihandog para sa Paglilingkod sa Panginoon
6 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay gagawa ng isang panata na itatalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa akin bilang Nazareo,[c] 3 kailangang hindi siya iinom ng alak na mula sa ubas o ng kahit na anong nakalalasing na inumin. Hindi rin siya gagamit ng suka na galing sa anumang inuming nakalalasing. Hindi rin siya dapat uminom ng katas ng ubas, o kumain ng ubas o pasas. 4 Habang isa siyang Nazareo, kailangang hindi siya kakain ng kahit anong galing sa ubas, kahit na buto o balat nito.
5 “Hindi rin niya pagugupitan ang kanyang buhok habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon. Kailangang maging banal siya hanggang sa matapos ang panahon ng kanyang panata. Kaya hahayaan lang niyang humaba ang kanyang buhok. 6 At habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon, hindi siya dapat lumapit sa patay, 7 kahit na ama pa niya ito, ina o kapatid. Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili dahil lang sa kanila. Dahil ang kanyang buhok ay simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon.[d] 8 Kaya sa buong panahon ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay, ibinukod siya para sa Panginoon.
9 “Kung may biglang namatay sa kanyang tabi, at dahil ditoʼy nadumihan ang kanyang buhok[e] na simbolo ng kanyang pagkakatalaga sa Panginoon, kailangang ahitin niya ito sa ikapitong araw, iyon ang araw ng kanyang paglilinis. 10 Sa ikawalong araw, kailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa pari roon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 11 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isa bilang handog na sinusunog. Sa pamamagitan nito, mapapatawad siya sa kasalanan niya na paghipo sa patay. Sa mismong araw na iyon, itatalaga niyang muli ang kanyang sarili[f] at muli niyang pahahabain ang kanyang buhok. 12 Ang lumipas na mga araw ng kanyang paglilingkod sa Panginoon ay hindi kabilang sa pagtupad niya sa kanyang panata, dahil nadungisan siya nang nakahipo siya ng patay. Kailangang italaga niyang muli ang kanyang sarili hanggang sa matapos ang kanyang panata, at magdala siya ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan.
13 “Ito ang kanyang dapat gawin kapag natapos na niya ang kanyang panata bilang Nazareo: Kailangang dalhin siya sa pintuan ng Toldang Tipanan. 14 Doon, maghahandog siya sa Panginoon nitong mga sumusunod na hayop na walang kapintasan: isang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog, isang babaeng tupa na isang taong gulang din bilang handog sa paglilinis at isang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon. 15 Bukod pa rito, maghahandog din siya ng mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, mga handog na inumin at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa, na ginawa mula sa magandang klaseng harina. Ang ibang tinapay ay makapal na hinaluan ng langis, at ang iba naman ay manipis na pinahiran ng langis.
16 “Ang pari ang maghahandog nito sa Panginoon: Ihahandog niya ang handog sa paglilinis at ang handog na sinusunog; 17 pagkatapos, ihahandog din niya ang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon kasama ang isang basket na tinapay na walang pampaalsa. At ihahandog din niya ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ang mga handog na inumin.
18 “At doon sa pintuan ng Toldang Tipanan aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok na simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon. Susunugin niya ito sa apoy na pinagsusunugan ng handog na para sa mabuting relasyon. 19 Pagkatapos nito, ilalagay ng pari sa kamay ng Nazareo ang balikat ng nilagang tupa at ang manipis at makapal na mga tinapay na walang pampaalsa na galing sa basket. 20 Pagkatapos, kukunin ito ng pari at itataas sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinaas. Banal ang bahaging ito ng handog, at ito ay para na sa pari, pati ang dibdib at paa ng tupa na itinaas din sa Panginoon. Pagkatapos nito, maaari nang makainom ng alak na ubas ang Nazareo.
21 “Ito ang tuntunin para sa isang Nazareo. Pero kung mangangako ang isang Nazareo na maghahandog siya sa Panginoon na sobra sa ipinatutupad sa kanyang panata, dapat niya itong sundin.”
Ang Pagbendisyon ng mga Pari
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 23 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki na ito ang kanilang sasabihin kapag magbabasbas sila sa mga Israelita:
24 ‘Pagpalain sana kayo ng Panginoon.
25 Ipakita sana ng Panginoon ang kanyang kabutihan at awa sa inyo.
26 At malugod sana ang Panginoon sa inyo at bigyan niya kayo ng mabuting kalagayan.’
27 “Sa pamamagitan nitoʼy maipapahayag nila sa mga Israelita kung sino ako, at pagpapalain ko sila.”
Footnotes
- 4:6 magandang klase ng balat: maaaring ang ibig sabihin nito sa Hebreo, balat ng “dolphin”. Ganoon din sa talatang 8, 10, 11, 12, 14.
- 5:21 hindi ka magkaanak: sa literal, lumiit ang iyong balakang (o ari) at mamaga ang iyong tiyan.
- 6:2 Nazareo: Ang ibig sabihin, itinalaga. Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 6:7 Kaugalian na noon ang pagpapakalbo bilang pagluluksa sa namatay. Hindi ito maaaring gawin ng isang Nazareo.
- 6:9 buhok: sa Hebreo, ulo.
- 6:11 sarili: sa Hebreo, ulo.
Marcos 4:1-20
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
4 Muling nagturo si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. At dahil sa dami ng taong nakapalibot sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon umupo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. 2 Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, 3 “Makinig kayo! May isang magsasakang naghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga binhing iyon. 5 May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. 6 Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. 7 May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi kaya hindi namunga. 8 Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo at lumago ang mga ito, at namunga. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[a] 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[b]
Ang Layunin ng mga Talinghaga(B)
10 Nang nakauwi na ang mga tao, tinanong siya ng 12 apostol at ng iba pang mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon. 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa iba[c] ay ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, 12 upang matupad ang nakasulat sa Kasulatan,
‘Tumingin man sila nang tumingin, hindi sila makakakita.
Makinig man sila nang makinig, hindi sila makakaunawa.
Dahil kung makakaunawa sila, magsisisi sila sa kanilang kasalanan at patatawarin sila ng Dios.’[d]”
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)
13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghaga na ito, paano ninyo mauunawaan ang iba ko pang mga talinghaga? 14 Ang inihahasik ng manghahasik ay ang salita ng Dios. 15 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. Ngunit dumating agad si Satanas at inagaw ang salita ng Dios na narinig nila. 16 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi, ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios at masaya itong tinanggap kaagad. 17 Ngunit hindi taimtim sa puso ang pagtanggap nila, kaya hindi tumatagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na tinanggap nila, tumatalikod sila kaagad sa kanilang pananampalataya. 18 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. 19 Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo, paghahangad na yumaman, at paghahabol sa marami pang mga bagay, nakakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namumunga ang salita sa kanilang buhay. 20 Ngunit ang mabuting lupa na hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig ng salita ng Dios at tumanggap nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[e]
Read full chapterFootnotes
- 4:8 Ang ibaʼy … napakarami: sa literal, Ang ibaʼy 30, ang ibaʼy 60, at ang iba namaʼy 100.
- 4:9 Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan: sa literal, Ang may taingang nakakarinig ay dapat makinig.
- 4:11 sa iba: sa literal, sa mga nasa labas. Maaaring ang mga tinutukoy dito ay ang mga nasa labas ng kanilang grupo o ang mga hindi sumasampalataya kay Jesus.
- 4:12 Isa. 6:9-10.
- 4:20 Ang ibaʼy … napakarami: sa literal, Ang ibaʼy 30, ang ibaʼy 60, at ang iba namaʼy 100.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®