Bilang 1-3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Unang Sensus sa Israel
1 Noong unang araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang lumabas ang mga Israelita sa Egipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa Toldang Tipanan sa disyerto ng Sinai. Sabi niya, 2 “Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang lahi at pamilya. Ilista ninyo ang pangalan ng lahat ng lalaki 3 na may edad 20 taong gulang pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo. Kayong dalawa ni Aaron ang mamamahala sa sensus ng bawat lahi ng Israel. 4 Tutulong sa inyo ang pinuno ng bawat lahi.” 5-15 Ito ang pangalan ng mga taong tutulong sa inyo:
Lahi | Pinuno |
---|---|
Reuben | Elizur na anak ni Sedeur |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurishadai |
Juda | Nashon na anak ni Aminadab |
Isacar | Netanel na anak ni Zuar |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon |
Efraim na anak ni Jose | Elishama na anak ni Amihud |
Manase na anak ni Jose | Gamaliel na anak ni Pedazur |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni |
Dan | Ahiezer na anak ni Amishadai |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel |
Naftali | Ahira na anak ni Enan. |
16 Sila ang mga pinuno ng mga lahing pinili mula sa mga mamamayan ng Israel.
17-18 Kasama ng mga pinunong ito, tinipon nina Moises at Aaron ang lahat ng mga Israelita nang araw ding iyon. Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad na 20 taong gulang pataas, ayon sa kanilang lahi at pamilya. 19 Inilista sila ni Moises doon sa disyerto ng Sinai, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
20-43 Ito ang bilang ng mga lalaking may edad 20 pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo, na nailista ayon sa kanilang lahi at pamilya:
Lahi | Bilang |
---|---|
Reuben (ang panganay ni Jacob[a]) | 46,500 |
Simeon | 59,300 |
Gad | 45,650 |
Juda | 74,600 |
Isacar | 54,400 |
Zebulun | 57,400 |
Efraim na anak ni Jose | 40,500 |
Manase na anak ni Jose | 32,200 |
Benjamin | 35,400 |
Dan | 62,700 |
Asher | 41,500 |
Naftali | 53,400 |
44-45 Sila ang mga lalaking nabilang nina Moises at Aaron at ng 12 pinuno ng Israel. Ang bawat isa sa kanila ay kumakatawan sa kani-kanilang pamilya. Sila ay 20 taong gulang pataas at may kakayahang maging sundalo ng Israel. 46 Ang kabuuang bilang nila ay 603,550 lahat. 47 Pero hindi kasama rito ang mga lahi ni Levi. 48 Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises, 49 “Huwag ninyong isama ang lahi ni Levi sa sensus kasama ng ibang mga Israelita, na magsisilbi sa panahon ng labanan. 50 Sa halip, ibigay sa kanila ang responsibilidad na pamahalaan ang Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos at ng lahat ng kagamitan nito. Sila ang magdadala ng Tolda at ng lahat ng kagamitan nito, at kailangang pangalagaan nila ito at magkampo sila sa paligid nito. 51 Kapag lilipat na ang Tolda, sila ang magliligpit nito. At kung itatayo naman, sila rin ang magtatayo nito. Ang sinumang gagawa ng ganitong gawain sa Tolda na hindi Levita ay papatayin. 52 Magkakampo ang mga Israelita ayon sa bawat lahi nila, at may bandila ang bawat lahi. 53 Pero ang mga Levita ay magkakampo sa paligid ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos, para hindi ako magalit sa mga mamamayan ng Israel. Ang mga Levita ang responsable sa pangangalaga ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos.”
54 Ginawa itong lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Pagkakaayos ng Kampo ng mga Israelita
2 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 2 “Magkakampo ang bawat lahi ng Israel sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ang Toldang Tipanan ay ilalagay sa gitna ng kampo. 3-8 Ang mga lahi nina Juda, Isacar at Zebulun ay magkakampo sa silangan, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at ang bilang ng kanilang mga tauhan:
Lahi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Juda | Nashon na anak ni Aminadab | 74,600 |
Isacar | Netanel na anak ni Zuar | 54,400 |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon | 57,400 |
9 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Juda ay 186,400. Sila ang nasa unahan kapag naglalakbay ang mga Israelita.
10-15 “Ang mga lahi nina Reuben, Simeon at Gad ay magkakampo sa timog, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at ang bilang ng kanilang mga tauhan:
Lahi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Reuben | Elizur na anak ni Sedeur | 46,500 |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurishadai | 59,300 |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel | 45,650 |
16 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Reuben ay 151,450. Sila ang ikalawang grupo sa linya kapag naglalakbay ang mga Israelita.
17 “Kasunod nila ang mga Levita na nagdadala ng Toldang Tipanan. Ang lahat ng lahi ay maglalakad ng magkakasunod gaya ng kanilang posisyon kapag nagkakampo sila, bawat lahi ay nasa ilalim ng kani-kanilang bandila.
18-23 “Ang mga lahi nina Efraim, Manase at Benjamin ay magkakampo sa kanluran, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at bilang ng kanilang mga tauhan:
Lahi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Efraim | Elishama na anak ni Amihud | 40,500 |
Manase | Gamaliel na anak ni Pedazur | 32,200 |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni | 35,400 |
24 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Efraim ay 108,100. Sila ang susunod sa lahi ni Levi kapag naglalakbay ang mga Israelita.
25-30 “Ang mga lahi nina Dan, Asher at Naftali ay magkakampo sa hilaga, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at ang bilang ng kanilang mga tauhan:
Lahi | Pinuno | Bilang |
---|---|---|
Dan | Ahiezer na anak ni Amishadai | 62,700 |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran | 41,500 |
Naftali | Ahira na anak ni Enan | 53,400 |
31 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Dan ay 157,600. Sila ang kahuli-hulihang grupo sa linya kapag naglalakbay ang mga Israelita.”
32 Ang kabuuang bilang ng mga Israelita na nailista ayon sa kanilang lahi ay 603,550 lahat. 33 Pero hindi kasama rito ang mga Levita, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
34 Kaya ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang bawat lahi ay nagkampo at naglakbay sa ilalim ng kani-kanilang bandila ayon sa kani-kanilang lahi at pamilya.
Ang mga Levita
3 Ito ang tala tungkol sa mga angkan nina Aaron at Moises nang panahong nakipag-usap ang Panginoon kay Moises doon sa Bundok ng Sinai.
2 Ang mga anak ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Si Nadab ang panganay. 3 Pinili sila at inordinahan para sa paglilingkod bilang mga pari. 4 Pero sina Nadab at Abihu ay namatay sa presensya ng Panginoon nang gumamit sila ng apoy na hindi dapat gamitin sa paghahandog sa Panginoon doon sa disyerto ng Sinai. Namatay silang walang anak, kaya sina Eleazar at Itamar lang ang naglingkod bilang mga pari habang nabubuhay pa si Aaron.
5 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 6 “Ipatawag ang lahi ni Levi at dalhin sila sa paring si Aaron para tumulong sa kanya. 7 Maglilingkod sila kay Aaron at sa mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng pag-aasikaso ng mga gawain sa Toldang Sambahan, na tinatawag din na Toldang Tipanan. 8 Sila rin ang mangangalaga ng lahat ng kagamitan ng Toldang Tipanan, at maglilingkod sa Toldang iyon para sa mga Israelita. 9 Itatalaga ang mga Levita para tumulong kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. 10 Si Aaron at ang mga anak niya ang piliin mo na maglilingkod bilang mga pari. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.”
11 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 12 “Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. Akin ang bawat Levita, 13 dahil akin ang bawat panganay. Nang pinagpapatay ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng Israel, tao man o hayop. Kaya akin sila. Ako ang Panginoon.”
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai, 15 “Bilangin mo ang mga lalaking Levita mula sa edad na isang buwan pataas, ayon sa kanilang pamilya.” 16 Kaya binilang sila ni Moises, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
17 Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari. 18 Ang mga anak ni Gershon ay sina Libni at Shimei. 19 Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 20 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Mushi.
Sila ang mga Levita, ayon sa kanilang pamilya.
21 Ang mga angkan ni Gershon ay ang mga pamilya na nanggaling kina Libni at Shimei. 22 Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 7,500. 23 Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa likod ng Toldang Sambahan, sa bandang kanluran. 24 Ang kanilang pinuno ay si Eliasaf na anak ni Lael. 25 Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga kagamitang ito sa Toldang Tipanan: Ang mga pantaklob, ang kurtina ng pintuan ng Tolda, 26 ang mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda at sa altar, pati ang kurtina ng pintuan ng bakuran, at ang mga tali. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito.
27 Ang mga angkan ni Kohat ay ang mga pamilya na nanggaling kina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 28 Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 8,600. Binigyan sila ng responsibilidad na asikasuhin ang Toldang Tipanan. 29 Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa bandang timog ng Toldang Sambahan. 30 At ang pinuno nila ay si Elizafan na anak ni Uziel. 31 Sila ang responsable sa pag-aasikaso ng Kahon ng Kasunduan, ang mesa ang lalagyan ng ilaw, ang altar, ang mga kagamitang ginagamit ng mga pari sa kanilang paglilingkod at ang kurtina. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 32 Ang pinuno ng mga Levita ay si Eleazar na anak ng paring si Aaron. Siya ang pinili na mamahala sa mga binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng Tolda.
33 Ang mga angkan ni Merari ay ang mga pamilya na nanggaling kina Mahli at Mushi. 34 Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 6,200. 35 Ang kanilang pinuno ay si Zuriel na anak ni Abihail. Nasa bandang hilaga ng Toldang Sambahan ang lugar na kanilang pinagkakampuhan. 36 Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga balangkas ng Tolda, ng mga biga nito, ng mga haligi at mga pundasyon. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 37 Sila rin ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga haligi na pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ang mga pundasyon, mga tulos at mga tali.
38 Ang lugar na pinagkakampuhan nina Moises at Aaron at ng mga anak niya ay nasa harapan ng Toldang Sambahan, sa bandang silangan. Sila ang binigyan ng responsibilidad para pamahalaan ang mga gawain sa Tolda para sa mga Israelita. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.
39 Ang kabuuang bilang ng mga lalaki na Levita mula isang buwang gulang pataas ay 22,000 lahat. Sina Moises at Aaron ang bumilang sa kanila, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanila.
40 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo at ilista ang mga pangalan ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita, mula sa edad na isang buwan pataas. 41 Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga hayop ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.”
42-43 Kaya binilang ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita na may edad isang buwan pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. Ang bilang nila ay 22,273.
44 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 45 “Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng mga panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga panganay na hayop ng mga Israelita. Akin ang mga Levita. Ako ang Panginoon. 46 At dahil sobra ng 273 ang panganay na lalaki ng mga Israelita kaysa sa mga Levita, kailangang tubusin sila. 47 Ang ibabayad sa pagtubos sa bawat isa sa kanila ay limang pirasong pilak ayon sa timbang ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. 48 Ibigay mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang sobrang pera na itinubos sa mga panganay.”
49 Kaya kinolekta ni Moises ang pera na ipinangtubos sa mga panganay na anak ng mga Israelita na sobra sa bilang ng mga Levita. 50 Ang kanyang nakolekta ay 1,365 pirasong pilak, ayon sa timbang ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. 51 At ibinigay niya ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.
Footnotes
- 1:20-43 Jacob: sa Hebreo, Israel.
Marcos 3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(A)
3 Muling pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. 2 Araw ng Pamamahinga noon, kaya binantayang mabuti ng mga Pariseo si Jesus kung pagagalingin niya ang lalaking iyon, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3 Sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa harapan.” 4 Pagkatapos, tinanong niya ang mga Pariseo, “Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Pero hindi sila sumagot. 5 Galit silang tiningnan ni Jesus, pero nalungkot din siya sa katigasan ng kanilang mga puso. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 6 Agad na umalis ang mga Pariseo at nakipagpulong sa mga tauhan ni Haring Herodes. Pinag-usapan nila kung paano nila ipapapatay si Jesus.
Sinundan ng Maraming Tao si Jesus sa Tabi ng Lawa
7 Pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa tabi ng lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, 8 Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabila ng Ilog ng Jordan, at sa palibot ng Tyre at Sidon. Dinayo siya ng mga tao dahil nabalitaan nila ang mga ginagawa niya. 9 Dahil sa dami ng tao, nagpahanda ng isang bangka si Jesus sa mga tagasunod niya, para may masakyan siya kung sakaling magsiksikan sa kanya ang mga tao. 10 Maraming pinagaling si Jesus, kaya dinumog siya ng lahat ng may sakit para mahawakan man lang siya. 11 Kapag nakikita siya ng mga taong sinasaniban ng masamang espiritu, lumuluhod sila sa harap niya at sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Dios!” 12 Pero mahigpit niya silang pinagbawalan na sabihin sa iba kung sino siya.
Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol(B)
13 Pagkatapos, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag niya ang mga taong nais niyang piliin. At lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng 12 [na tinawag niyang mga apostol] upang makasama niya at suguing mangaral. 15 Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 16 [Ito ang 12 apostol na kanyang pinili:] si Simon na tinawag niyang Pedro, 17 sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee (tinawag niya silang Boanerges na ang ibig sabihin ay mga anak ng kulog), 18 si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, si Simon na makabayan[a] 19 at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.
Si Jesus at si Satanas(C)
20 Pag-uwi ni Jesus sa bahay na tinutuluyan niya, muling dumating ang napakaraming tao kaya siya at ang mga tagasunod niya ay hindi man lang nagkaroon ng panahon para kumain. 21 Nang mabalitaan ng pamilya ni Jesus ang mga ginagawa niya, siyaʼy sinundo nila, dahil sinasabi ng mga tao na nasisiraan na siya ng bait.
22 May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Sinasaniban siya ni Satanas[b] na pinuno ng masasamang espiritu. At ito ang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.” 23 Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad, “Magagawa ba ni Satanas na palayasin ang mga kampon niya? 24 Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak ang kahariang iyon. 25 Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak din siya at hindi na makakabangon pa.
27 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi niya muna ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[c]
28 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, lahat ng kasalanan, at anumang paglalapastangan sa Dios ay maaaring mapatawad. 29 Ngunit ang sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi talaga mapapatawad. Ang ganitong kasalanan ay hindi mapapatawad magpakailanman.” 30 Sinabi iyon ni Jesus dahil sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na siya ay may masamang espiritu.
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(D)
31 Samantala, dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Nakatayo sila sa labas at ipinatawag nila siya. 32 Maraming tao ang nakaupo sa paligid niya. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ipinapatawag kayo.” 33 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 34 Tiningnan niya ang mga taong nakapalibot sa kanya at sinabi, “Ang mga ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®