Add parallel Print Page Options

Mga Babae:

O babaing napakaganda,
    giliw mo'y saan ba nagpunta?
Ika'y aming tutulungan sa paghanap mo sa kanya.

Babae:

Ang mahal kong kasintahan ay nagpunta do'n sa hardin,
    sa hardin na ang halama'y mababangong mga tanim
upang kawan ay bantayan at ang liryo ay pitasin.
Ang irog ko'y akin lamang, at sa kanya naman ako;
    sa kanya na nagpapastol ng kawan sa mga liryo.

Ang Ikalimang Awit

Mangingibig:

Katulad ng Jerusalem ang ganda mong tinataglay,
    tila Tirzang may pang-akit ang iyong kagandahan.
Sa aki'y huwag mong ititig ang mata mong mapupungay,
    pagkat ako'y nabibihag, hindi ako mapalagay.
Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y sumasayaw
    parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead.
Ang ngipin mo'y kasimputi nitong tupang bagong linis,
    walang kulang kahit isa, maganda ang pagkaparis.
Ang ganda mo'y di magawang maitago nang lubusan
    nasisinag sa belo mo kagandahang tinataglay.
Ang reyna ko'y animnapu, walumpu ang kalaguyo;
    bukod doo'y marami pang di mabilang na kasuyo.
Ngunit ang tangi kong mahal ay iisa lamang,
    kalapati ang katulad ng taglay niyang kagandahan.
Nag-iisa siyang anak ng ina niyang minamahal,
    kaya siya'y mahal nito nang higit sa kaninuman.
“Tunay na siya ay mapalad,” mga dalaga'y nagsasabi
    mga reyna't kalaguyo sa kanya ay pumupuri.

10 “Sino itong sa tingin ko ay tila bukang-liwayway,
    kasingganda ng buwan, kasing ningning nitong araw?”
11 Ang hardin ng almendra ay akin nang pinuntahan
    upang tingnan sa libis, bagong sibol na halaman.
Pati ang mga ubas, baka nais nang magbunga,
    at saka ang mga puno nitong kahoy na granada.
12 Kay laki ng pananabik na ikaw ay makatalik;
    katulad ko'y mandirigma, labanan ang siyang nais.

Mga Babae:

13 Magsayaw ka, magsayaw ka,[a] O babaing Sulamita,
    upang ika'y mapagmasdan, O dalagang sakdal ganda.

Babae:

Ano't inyong ninanais na masdan ang Sulamita,
    na tulad ng mananayaw sa panahon noong una?

Footnotes

  1. Awit ni Solomon 6:13 Magsayaw ka, magsayaw ka: o kaya'y Magbalik ka, magbalik ka .