Awit ni Solomon 1
Magandang Balita Biblia
1 Ito(A) ang pinakamagandang awit ni Solomon:
Ang Unang Awit
Babae:
2 Akong ito'y pinupupog, sinisiil mo ng halik;
ang dulot ng pag-ibig mo'y mainam pa sa alak.
3 Ang taglay mong halimuyak, saan kaya itutulad?
Simbango ng pangalan mong ang samyo'y malaganap,
kaya lahat ng dalaga ay iyo ngang nabibihag.
4 Ako ngayon ay narito, isama mo kahit saan,
at ako ay iyong dalhin sa silid mong pahingahan.
Tiyak akong liligaya ngayong ikaw ay narito,
ang nais ko ay madama ang alab ng pag-ibig mo;
pagsinta mo'y mas gusto ko kaysa alinmang inumin;
hindi ako nagkamali na ikaw nga ang ibigin.
5 Dalaga sa Jerusalem, ang ganda ko'y kayumanggi;
katulad ko'y mga toldang sa Kedar pa niyayari,
tulad ko ri'y mga tabing sa palasyo ng hari.
6 Huwag akong hahamakin nang dahil sa aking kulay,
pagkat itong aking balat ay nasunog lang sa araw.
Itong mga kapatid ko'y hindi ako kinalugdan,
nagkaisa silang ako'y pagbantayin ng ubasan.
Pinagyama't sininop ko ang nasabing pataniman,
anupa't ang sarili ay kusa kong napabayaan.
7 Itong aking pakiusap, O giliw kong minamahal,
sa akin ay sabihin mo, pastulan ng iyong kawan;
sa init ng katanghalian, pahingahan nila'y saan?
Sa akin ay ituro mo nang ako ay di maligaw.
Mangingibig:
8 Kung nais mong malaman, O babaing napakaganda,
ang dapat lang na gawin mo ay sundan ang mga tupa.
Ang kawan ng mga kambing ay doon mo alagaan
sa tabi ng mga tolda ng pastol ng aking kawan.
9 Saan ko ba itutulad ang gayuma mo, aking hirang?
Sa kabayo ng Faraon, anong ganda kung pagmasdan!
10 Mga pisnging malalambot, may balani, may pang-akit,
na lalo pang pinaganda ng pahiyas na naglawit.
Ang nililok na leeg mo, kung masdan ko'y anong rikit,
lalo na nga kung may kuwintas na doon ay nakasabit.
11 Ika'y aming igagawa ng kuwintas na gintong lantay,
palamuting ikakabit ay pilak na dinalisay.
Babae:
12 Habang siya'y nakahimlay, tila hari ang katulad,
ako nama'y magsasabog ng mabangong halimuyak.
13 Ang samyo ng aking mahal ay katulad nitong mira,
habang siya sa dibdib ko'y nakahilig na masaya.
14 Ang kawangis ng mahal ko'y isang kumpol ng bulaklak
sa ubasan ng En-gedi, magiliw kong pinamitas.
Mangingibig:
15 Maganda ka, aking sinta, ang mata mo'y mapupungay,
nagniningning, nang-aakit habang aking minamasdan.
Babae:
16 Makisig ka, aking mahal, anong kisig, anong inam,
magiging himlayan nati'y laging kulay na luntian.
17 At sedar ang siyang biga nitong ating tatahanan,
mga kisame ay pinong pili, kahoy na talagang maiinam.
Awit ng mga Awit 1
Ang Biblia, 2001
1 Ang(A) awit ng mga awit na kay Solomon.Babae
2 Hagkan niya sana ako ng mga halik ng kanyang bibig!
Sapagkat mas mabuti kaysa alak ang iyong pag-ibig,
3 ang iyong mga langis na pambuhos ay mabango;
langis na ibinuhos ang pangalan mo;
kaya't ang mga dalaga'y umiibig sa iyo.
4 Palapitin mo ako sa iyo, magmadali tayo.
Dinala ako ng hari sa mga silid niya.
Kami ay matutuwa at sa iyo'y magsasaya.
Aming itataas ng higit kaysa alak ang pag-ibig mo,
matuwid ang pag-ibig nila sa iyo.
5 Ako'y maitim, ngunit kahali-halina,
O kayong mga anak na babae ng Jerusalem,
gaya ng mga tolda sa Kedar,
gaya ng mga tabing ni Solomon.
6 Huwag ninyo akong masdan dahil sa ako'y maitim,
sapagkat sinunog ako ng araw.
Ang mga anak ng aking ina ay galit sa akin,
ginawa nila akong tagapangalaga ng mga ubasan;
ngunit ang sarili kong ubasan ay hindi ko nabantayan.
7 Sabihin mo sa akin, ikaw na minamahal ng aking kaluluwa,
saan ka nagpapastol ng iyong kawan,
saan mo pinahihiga sa katanghalian;
sapagkat bakit ako'y magiging gaya ng nalalambungan,
sa tabi ng mga kawan ng iyong mga kasamahan?
Mangingibig
8 Kung hindi mo nalalaman,
O ikaw na pinakamaganda sa mga babae,
sumunod ka sa mga landas ng kawan,
at ipastol mo ang mga anak ng kambing
sa tabi ng mga tolda ng mga pastol.
Pag-uusap ng Magkasuyo
9 Aking itinutulad ka, O aking sinta,
sa isang kabayo sa mga karwahe ni Faraon.
10 Pinagaganda ng mga pahiyas ang iyong mga pisngi,
ang iyong leeg ng mga kuwintas na palamuti.
11 Igagawa ka namin ng mga gintong kuwintas,
na may mga pilak na pahiyas.
Babae
12 Samantalang ang hari ay nasa kanyang hapag,
ang aking nardo ay nagsasabog ng kanyang kabanguhan.
13 Ang aking mahal ay gaya ng supot ng mira para sa akin,
na humihilig sa pagitan ng aking dibdib.
14 Ang aking sinta para sa akin ay kumpol na bulaklak ng hena
sa mga ubasan ng En-gedi.
Lalaki
15 O napakaganda mo, aking sinta,
totoong, ikaw ay maganda;
mga kalapati ang iyong mga mata.
Babae
16 O napakaganda mo, aking sinta,
kaakit-akit na tunay,
ang ating higaan ay luntian.
17 Ang mga biga ng ating bahay ay mga sedro,
ang kanyang mga bubong ay mga sipres.
Awit ng mga Awit 1
Ang Dating Biblia (1905)
1 Ang awit ng mga awit, na kay Salomon.
2 Hagkan niya ako ng mga halik ng kaniyang bibig: sapagka't ang iyong pagsinta ay maigi kay sa alak.
3 Ang iyong mga langis ay may masarap na amoy; ang iyong pangalan ay gaya ng langis na ibinuhos; kaya't sinisinta ka ng mga dalaga.
4 Batakin mo ako, tatakbo kaming kasunod mo: Ipinasok ako ng hari sa kaniyang mga silid: kami ay matutuwa at magagalak sa iyo. Aming babanggitin ang iyong pagsinta ng higit kay sa alak: matuwid ang pagsinta nila sa iyo.
5 Ako'y maitim, nguni't kahalihalina, Oh kayong mga anak na babae ng Jerusalem, gaya ng mga tolda sa Cedar, gaya ng mga tabing ni Salomon.
6 Huwag ninyo akong masdan dahil sa ako'y kayumanggi, sapagka't sinunog ako ng araw. Ang mga anak ng aking ina ay nagalit laban sa akin, kanilang ginawa akong tagapagingat ng mga ubasan; nguni't ang sarili kong ubasan ay hindi ko iningatan.
7 Saysayin mo sa akin, ikaw na sinisinta ng aking kaluluwa, kung saan mo pinapastulan ang iyong kawan, kung saan mo pinagpapahinga sa katanghaliang tapat: sapagka't bakit ako'y magiging gaya ng nalalambungan sa siping ng mga kawan ng iyong mga kasama?
8 Kung hindi mo nalalaman, Oh ikaw na pinakamaganda sa mga babae, yumaon kang sumunod sa mga bakas ng kawan, at pastulan mo ang iyong mga anak ng kambing sa siping ng mga tolda ng mga pastor.
9 Aking itinulad ka, Oh aking sinta, sa isang kabayo sa mga karo ni Faraon.
10 Pinagaganda ang iyong mga pisngi ng mga tirintas ng buhok, ang iyong leeg ng mga kuwintas na hiyas.
11 Igagawa ka namin ng mga kuwintas na ginto na may mga kabit na pilak.
12 Samantalang ang hari ay nauupo sa kaniyang dulang, ang aking nardo ay humahalimuyak ng kaniyang bango.
13 Ang aking sinta ay gaya ng bigkis ng mira sa akin, na humihilig sa pagitan ng aking mga suso.
14 Ang sinta ko ay gaya ng kumpol ng bulaklak ng alhena sa akin sa mga ubasan ng En-gadi.
15 Narito, ikaw ay maganda, sinta ko, narito, ikaw ay maganda; ang iyong mga mata ay gaya ng mga kalapati.
16 Narito, ikaw ay maganda sinisinta ko, oo, maligaya: ang ating higaan naman ay lungtian.
17 Ang mga kilo ng ating bahay ay mga sedro, at ang kaniyang mga bubong ay mga sipres.
Awit ng mga Awit 1
Ang Biblia (1978)
Ang kasintahang babae ay nagsalita sa mga anak na babae ng Jerusalem.
1 Ang awit ng mga awit, (A)na kay Salomon.
2 Hagkan niya ako ng mga halik ng kaniyang bibig:
(B)Sapagka't ang iyong pagsinta ay maigi kay sa alak.
3 Ang iyong mga langis ay may masarap na amoy;
Ang (C)iyong pangalan ay gaya ng langis na ibinuhos;
Kaya't sinisinta ka ng mga dalaga.
4 Batakin mo ako, tatakbo kaming kasunod mo:
(D)Ipinasok ako ng hari sa kaniyang mga silid:
Kami ay matutuwa at magagalak sa iyo.
Aming babanggitin ang iyong pagsinta ng higit kay sa alak:
Matuwid ang pagsinta nila sa iyo.
5 Ako'y maitim, nguni't kahalihalina,
Oh kayong mga anak na babae ng Jerusalem,
Gaya ng mga (E)tolda sa (F)Cedar,
Gaya ng mga tabing ni Salomon.
6 Huwag ninyo akong masdan dahil sa ako'y kayumanggi,
Sapagka't sinunog ako ng araw.
Ang mga anak ng aking ina ay nagalit laban sa akin,
Kanilang ginawa akong tagapagingat ng mga ubasan;
Nguni't ang sarili kong ubasan ay hindi ko iningatan.
7 Saysayin mo sa akin, ikaw na sinisinta ng aking kaluluwa,
Kung saan mo pinapastulan ang iyong kawan,
Kung saan mo pinagpapahinga sa katanghaliang tapat:
Sapagka't bakit ako'y magiging gaya ng nalalambungan
Sa siping ng mga kawan ng iyong mga kasama?
8 Kung hindi mo nalalaman, (G)Oh ikaw na pinakamaganda sa mga babae,
Yumaon kang sumunod sa mga bakas ng kawan,
At pastulan mo ang iyong mga anak ng kambing sa siping ng mga tolda ng mga pastor.
Paguusap ng magkasuyo.
9 Aking itinulad ka, Oh aking (H)sinta,
Sa isang (I)kabayo sa mga karo ni Faraon.
10 Pinagaganda (J)ang iyong mga pisngi ng mga tirintas ng buhok,
Ang iyong leeg ng mga kuwintas na hiyas.
11 Igagawa ka namin ng mga kuwintas na ginto
Na may mga kabit na pilak.
12 Samantalang ang hari ay nauupo sa kaniyang dulang,
Ang aking (K)nardo ay humahalimuyak ng kaniyang bango.
13 Ang aking sinta ay gaya ng bigkis ng mira sa akin,
Na humihilig sa pagitan ng aking mga suso.
14 Ang sinta ko ay gaya ng kumpol ng bulaklak ng alhena sa akin
Sa mga ubasan ng En-gadi.
15 Narito, ikaw ay (L)maganda, sinta ko,
Narito, ikaw ay maganda;
Ang iyong mga mata ay gaya ng mga kalapati.
16 Narito, ikaw ay maganda sinisinta ko, oo, maligaya:
Ang ating higaan naman ay lungtian.
17 Ang mga kilo ng ating bahay ay mga sedro,
At ang kaniyang mga bubong ay mga sipres.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978