Mga Awit 88
Ang Biblia (1978)
Awit, Salmo ng mga anak ni Core; sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Mahalath Leannoth. Masquil ni (A)Heman na (B)Ezrahita.
88 Oh Panginoon, na Dios ng aking kaligtasan,
Ako'y dumaing (C)araw at gabi sa harap mo:
2 Masok ang aking dalangin sa iyong harapan:
Ikiling mo ang iyong pakinig sa aking daing:
3 Sapagka't ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan,
At ang aking buhay ay (D)nalalapit sa Sheol,
4 (E)Ako'y nabilang sa kanila na nagsisibaba sa hukay;
Ako'y parang taong walang lakas:
5 Nakahagis sa gitna ng mga patay,
Gaya ng napatay na nakahiga sa libingan,
Na (F)hindi mo na inaalaala; At sila'y mangahiwalay sa iyong kamay.
6 Iyong inilapag ako sa pinakamalalim na hukay,
Sa mga (G)madilim na dako, sa mga (H)kalaliman.
7 Lubhang idinidiin ako ng iyong poot,
At iyong pinighati ako ng lahat mong mga alon. (Selah)
8 (I)Iyong inilayo sa akin ang kakilala ko;
Iyong ginawa akong (J)kasuklamsuklam sa kanila:
Ako'y nakulong at hindi ako makalabas,
9 Ang mata ko'y nangangalumata dahil sa kadalamhatian:
Ako'y tumawag (K)araw-araw sa iyo, Oh Panginoon,
Aking iginawad ang mga kamay ko sa iyo.
10 Magpapakita ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay?
Sila bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo? (Selah)
11 Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan?
O ang iyong pagtatapat sa (L)Kagibaan?
12 Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa (M)dilim?
At ang katuwiran mo sa lupain ng (N)pagkalimot?
13 Nguni't sa iyo, Oh Panginoon, dumaing ako,
At (O)sa kinaumagahan ay darating ang dalangin ko sa harap mo.
14 Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang kaluluwa ko?
Bakit mo (P)ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
15 Ako'y nadadalamhati, at handang mamatay mula sa aking kabataan:
Habang aking tinitiis ang iyong mga kakilakilabot na bagay ay nakakalingat ako.
16 Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin;
Inihiwalay ako (Q)ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
17 Kanilang kinulong ako na parang tubig buong araw;
(R)Kinubkob ako nilang magkakasama.
18 Mangliligaw at kaibigan ay (S)inilayo mo sa akin,
At ang aking kakilala ay sa (T)dilim.
Salmo 88
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Panalangin ng Nagdurusa
88 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
2 Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
3 Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
4 Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
5 Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
Para akong patay na inilagay sa libingan,
kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
6 Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
7 Sobra ang galit nʼyo sa akin,
parang mga alon na humahampas sa akin.
8 Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
Nakulong ako at hindi na makatakas.
9 Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12 Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13 Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15 Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16 Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17 Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18 Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
wala akong naging kasama kundi kadiliman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.