Awit 54
Ang Dating Biblia (1905)
54 Iligtas mo ako, Oh Dios, sa pamamagitan ng iyong pangalan. At hatulan mo ako sa iyong kapangyarihan.
2 Dinggin mo ang aking dalangin, Oh Dios; pakinggan mo ang mga salita ng aking bibig.
3 Sapagka't ang mga tagaibang lupa ay nagsibangon laban sa akin, at ang mga mangdadahas na tao ay nagsisiusig ng aking kaluluwa: hindi nila inilagay ang Dios sa harap nila. (Selah)
4 Narito, ang Dios ay aking katulong: ang Panginoon ay sa kanila na nagsisialalay ng aking kaluluwa.
5 Kaniyang ibabalik ang kasamaan sa aking mga kaaway: gibain mo sila sa iyong katotohanan.
6 Ako'y maghahain sa iyo ng kusang handog: ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, Oh Panginoon, sapagka't mabuti.
7 Sapagka't iniligtas niya ako sa lahat ng kabagabagan; at nakita ng aking mata ang aking nasa sa aking mga kaaway.
Mga Awit 54
Ang Biblia, 2001
Sa(A) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”
54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
    at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
2 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
    pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.
3 Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
    at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
    hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)
4 Ang Diyos ay aking katulong;
    ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
5 Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
    tapusin mo sila sa katapatan mo.
6 Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
    ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
7 Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
    at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Salmo 54
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Dios ang Sumasaklolo
54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
2 Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
3 dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
4 Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
    Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
5 Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
    O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.
6 Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
    Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
7 Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
    at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
