Add parallel Print Page Options
'Awit 17 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Panalangin ni David.

17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
    Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
    makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!

Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
    nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
    ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
    ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
    ang aking mga paa ay hindi nadulas.

Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
    ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
    O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
    mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.

Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo,
    sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo,
mula sa masama na nananamsam sa akin,
    sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin.
10 Isinara nila ang kanilang mga puso sa kahabagan,
    sa kanilang bibig ay nagsalita sila na may kapalaluan.
11 Kinubkob nga nila kami sa aming mga hakbang;
    itinititig nila ang kanilang mga mata upang sa lupa kami ay ibuwal.
12 Sila'y parang leong sabik na manluray,
    parang batang leon na sa mga tagong dako ay nag-aabang.

13 O Panginoon, bumangon ka, harapin mo sila, ibagsak mo sila!
    Iligtas mo sa masama ang buhay ko sa pamamagitan ng tabak mo,
14 mula sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, O Panginoon ko,
    mula sa mga tao na ang bahagi sa buhay ay sa sanlibutang ito.
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan,
    sila'y nasisiyahan na kasama ng mga anak,
    at iniiwan nila ang kanilang kayamanan sa kanilang mga sanggol.

15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran;
    kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan.

Ang Dalangin ng Taong Matuwid

17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
    Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
    kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
    ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
    Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
gaya ng ginagawa ng iba.
    Dahil sa inyong mga salita,
    iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
    at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.

O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
    dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
    Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
    Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
    at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
    na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
    Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
    at nakahandang sumakmal ng mga biktima.

13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
    At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.

Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
    pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.

15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
    At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.